Biyernes, Setyembre 12, 2025

Almusal na gulayin

ALMUSAL NA GULAYIN

talbos ng kamote at okra
payak na almusal talaga
sibuyas, bawang, at kamatis
na isinawsaw ko sa patis

habang katabi ang kwaderno
upang isulat ang kung ano
nageehersisyo din naman
upang lumakas ang katawan

bihira muna ang magkanin
kaya gulay lang itong hain
sa ganito'y nakatatagal
kahit maghapon pang magpagal

- gregoriovbituinjr.
09.10.2025

Palakad-lakad sa kawalan

PALAKAD-LAKAD SA KAWALAN

palakad-lakad lang ang makatang tulala
bagamat nakaiiwas sa mga baha
palakad-lakad, maganda raw ehersisyo
sabi ng mga atletang nakausap ko

palakad-lakad man subalit nagninilay
pinaglilimian ang mga bagay-bagay
buti't di nahuhulog sa manhole o kanal
palakad-lakad bagamat natitigagal

ang makatang palakad-lakad sa kawalan
kung matulin pag natinik ay malaliman
ika nga ng kasabihan ng matatanda
kaya sa paglalakad, huwag matulala

salamat, salamat sa inyong mga payo
upang lakad ay diretso, di biglang liko

- gregoriovbituinjr.
09.10.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19mEmf13aZ/ 

Huwebes, Setyembre 11, 2025

Sa ika-3 death monthsary ni misis

SA IKA-3 DEATH MONTHSARY NI MISIS

hanggang ngayon, puso'y humihikbi
ngunit pagsinta'y nananatili
pagkawala niya'y anong sidhi
tila ako'y nawalan ng sanhi
upang mabuhay, subalit hindi

di dapat mawalan ng pag-asa
balang araw nama'y magkikita
sa kalangitan nitong pagsinta
ngunit malayo pa, malayo pa
abala pa kapiling ng masa

mamaya na naman, nasa rali
magtatalumpati, laging busy
tula sa masa't sa'yo, Liberty
ay aking kinakatha parati
love you pa rin, mahal kong Liberty

- gregoriovbituinjr.
09.11.2025

Miyerkules, Setyembre 10, 2025

Coal at korapsyon, wakasan!

COAL AT KORAPSYON, WAKASAN!

kaylinaw ng sigaw / nitong mamamayan
na "coal at korapsyon, / wakasan! wakasan!"
sapagkat pahirap / sa madla, sa bayan
taksil na kurakot / ay imbestigahan!

buwis pa ng bayan / yaong kinurakot
ng trapo't contractor, / ay, katakot-takot
ghost flood control project / ang ipinaikot
buwis nati'y parang / batong hinahakot

DPWH / ay walang ginawa
kundi kurakutin / ang yaman ng bansa
Departamento ng / Puro Walang Hiya
sila pala'y sanhi / ng maraming baha

coal pa'y isang sanhi / ng nagbagong klima
ang fossil fuel pa'y / lalong nagpabaga
one point five degrees ba'y / ating naabot na?
ah, coal at korapsyon / dapat wakasan na!

- gregoriovbituinjr.
09.10.2025

* bidyong kuha sa rali mula Bonifacio Shrine (tabi ng Manila City Hall) patungong Mendiola, Maynila, Setyembre 9, 2025
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1QSWxepE8q/ 

Martes, Setyembre 9, 2025

21 makasalanan / 21 kasalanan

21 MAKASALANAN / 21 KASALANAN

dalawampu't isang solon yaong pinangalanan
sa flood control scam ngayo'y iniimbestigahan
manyak na may dalawampu't isang kasong rape naman
ay nadakip matapos magtago ng ilang buwan
ah, walang forever, kahit may Forever Twenty-One

dalawampu't isang kongresman, ayon sa balita
ang sangkot sa anomalya ng flood control at sigwa
nakinabang habang masa'y dumaranas ng baha
buti ang mayamang kontraktor, sila'y itinuga
dapat lang managot ang napatunayang maysala

- gregoriovbituinjr.
09.09.2025

* ulat mula sa pahayagang Remate, Setyembre 9, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2 at 3

Lunes, Setyembre 8, 2025

DPWH - Departamento ng Puro Walang Hiya

DPWH - Departamento ng Puro Walang Hiya

napakasakit na nilalamon tayo ng baha
dahil sa Departamento ng Puro Walang Hiya
ika nga ng mga napanood ko sa balita
lalo't kabang bayan ay kinurakot ng kuhila

naglitawan ang mga ghost project o guniguni
gayong sa dokumento, may proyektong sinasabi
ngunit wala, kinurakot ng mga walang silbi
sa bayan, kundi sa kapitalista't pansarili

kaya sa Barangay Mambubulgar, naging pulutan
ang nangyayaring kabulukan sa mahal na bayan
kontratista at kakuntsaba sa pamahalaan
kung di pa nagbaha'y di pa maiimbestigahan

kaya marapat lang tayong magalit at mainis
sa mga ghost flood control project na galing sa buwis
ng mamamayan, mga utak ay dapat matugis
parusahan at ikulong ang sa bayan nanggahis

- gregoriovbituinjr.
09.08.2025

* mga komiks mula sa pahayagang Bulgar, petsang Agosto 28, Setyembre 3, 5, at 7, 2025, at litrato mula sa Primetime Balita

Linggo, Setyembre 7, 2025

Banoy

BANOY

mawawalâ na raw ang Pilipinong banoy
sa loob ng limampu o walumpung taon
o kaya'y pagitan ng nasabing panahon
nakababahala na ang ulat na iyon

kung agilang Pinoy na'y tuluyang nawalâ
pinabayaan ba ang ispesyi ng bansâ
tulad ba ng dinasour nang ito'y nawalâ
o tayong tao mismo ang mga maysalà

nakahihinayang pag nawala ang limbas
sa sariling kultura't pabula ng pantas
magiging kwento na lang ba ng nakalipas
itong agilang Pinoy sa kwento't palabas

tatlong daan siyamnapu't dalawang pares
na lang ang naiiwan, panaho'y kaybilis
maalagaan pa ba silang walang mintis
upang populasyon nila'y di numinipis

- gregoriovbituinjr.
09.07.2025

* ulat mulâ sa kawing na: https://www.facebook.com/share/p/1GaoFZ1NrR/ 

The country’s national bird might get extinct in the next 50 to 80 years, an official of the Philippine Eagle Foundation (PEF) said.

In an interview with MindaNews Thursday, PEF director for operations Jayson C. Ibañez said that based on their Population Viability Analysis workshop conducted this week, certain factors indicate the possibility of the extinction of the Philippine Eagle.

Based on the PEF’s latest study published in 2023, there are only 392 remaining pairs of the raptor left in the wild.

via MindaNews https://ift.tt/cYDBjfJ