Miyerkules, Mayo 23, 2012

SI Hanna, si Lilly - maikling kwento ni Ohyie Purificacion

SI HANNA, SI LILLY
ni Ohyie Purificacion

Hindi pinapansin ni Hanna ang mga nakakasalubong niya sa daan. Karamihan ay mga babae na nakasuot na kulay puti at asul. Ito ang unipome ng samahan ng kababaihan sa simbahan. Kahit alam niya na siya ang sentro lagi ng bulungan ng bawat grupo na nilalampasan niya. Sanay na si Hanna sa mga tao na ang tingin sa kanya ay iba. “Hanna!”, si Lily, ang kababata at besprend ni Hanna. Hindi sana siya hihinto sa paglalakad kung hindi niya nakilala ang boses ni Lily na kasabay ng mga naglalakad patungo na simbahan. Nilapitan siya ni Lily at niyakap, “Musta na? Isang linggo ka ata nawala. Saan ka ba nagpunta?”, ramdam ni Hanna ang pag-aalala ng kaibigan. Ngumiti si Hanna kay Lily, “Sa Laguna, may mga guest kasi kaming mga Hapon. Gusto sa hotspring. Alam mo na” sabay tawa ng malakas ni Hanna.

Agad nilapitan si Lily ng kanyang tiyahin at hinila palayo kay Hanna.” O sige Hanna, kuwentuhan na lang tayo sa ibang araw ha,”habol ni Lily sa kaibigan. “Ok, ipagdasal mo na lang ako sa simbahan, ha!” Tumawa ulit si Hanna ng malakas. Wala siyang pakialam sa mga taong nakakarinig sa kanya, nasa kalsada siya at walang batas na nagbabawal na tumawa ng ganun.

Maagang naulila si Lily sa magulang, at ang kanyang tiyahin ang nagpalaki sa kanya. Mahigpit ang tiyahin ni Lily. Kailangan lagi siya sumunod sa mga utos nito, laging itinatanim sa ulo ni Lily na ang babae ay dapat pino ang kilos, marunong sa gawaing bahay, at may pananampalataya sa diyos, kung kaya obligasyon na ni Lily ang magsimba kada araw ng linggo at dumalo sa mga pagpupulong ng kung anu-anong aktibidad ng simbahan. Ito ang batayan ng tiyahin ni Lily ng pagiging isang mabuting babae.

Si Hanna ay lumaki na wala nang pamilya. Bata pa siya ng magkahiwalay ang kanyang mga magulang. Iniwan siya sa kanyang lola na namatay naman agad pagka-gradweyt niya ng grade six. Hindi na rin siya nagkainteres na hanapin pa ang kanyang nanay at tatay na alam niya ay meron na ring mga sariling pamillya.

Sa murang idad natutuhan na ni Hanna na buhayin ang sarili. Kung saan-saan siya namasukan bilang katulong, at maaga niyang naranasan ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kalagayan, pang-aabuso sa kanyang pagkababae, na hindi niya namalayan na nasadlak na siya sa gawaing nagbebenta ng sarili para kumita. Pero laging naroon si Lily na kahit pinapagalitan ng tiyahin sa pakikipagkaibigan sa kanya ay patuloy pa rin itong umaalalay at hindi nagsasawang ipakita sa kanya na maganda ang buhay.

“Alam mo, Lily, bilib din naman ako sa iyo. Halos lahat ng tao dito sa lugar natin ang tingin sa akin putik, maruming babae, pokpok. Pero ikaw, hindi ka nahihiya na makita at malaman ng mga tao na kasama mo ako” si Hanna, habang kumakain sila sa panciteria na malimit nilang puntahan para magkita. “Alam mo, bespren, kahit ano pa sabihin nila, kahit ano pa tingin ng tao sa iyo, kaibigan kita, kilala kita, at hindi ko malilimutan na ikaw ang lagi kong tagapagtanggol kapag inaaway ako ng nga kalaro natin noong mga bata pa tayo.” Ito ang malimit na litanya ni Lily kay Hanna sa tuwing mag-uusap sila tungkol sa imahe ni Hanna.

Tumawa ng malakas si Hanna. Sanay na si Lily sa kaibigan. Ugali na nito tumawa ng malakas para matakpan agad ang lungkot sa mga mata nito. Halos lahat ng kuwento sa buhay ni Hanna ay pinagkatiwala na sa kanya ng kaibigan – ang pagmamalupit kay Hanna ng naging amo nito nang pumasok na katulong sa mag-asawang intsik, ang panghahalay kay Hanna ng pinagkatiwalaan niyang ipapasok siya ng trabaho sa Maynila, ang unang pagbubugaw kay Hanna sa isang chief inspector daw ng pulis para daw may proteksyon kung sakaling makasuhan ng bagansya, ang mga luha ni Hanna sa tuwing lalaitin siya ng mga tao dahil sa kanyang trabaho, at isa ang tiyahin ni Lily, si aling Ilyang, sa nag-aakusa kay Hanna na masamang babae, na hindi niya maintindihan na ang isang taong simbahan ang nangunguna pa sa pagyurak sa pagkatao ng kaibigan. At ganundin ang mga tao sa gobyerno.

Malaking tanong kay Lily bakit sa napapanood niya sa TV, mga babae lamang ang hinuhuli at kinakasuhan. Hindi ba importante ang mga dahilan kung bakit ginagawa nila ang ganung trabaho, tulad ng kaibigan niyang si Hanna. Gusto lang naman ni Hanna mabuhay. At kung magsawa na ang kaibigan niya sa buhay at magpatiwakal ito, magagalit naman ang simbahan.

Sa tingin ni Lily kahit linggo-linggo siya nagsisimba, hindi rin naman kaya ng simbahan tuparin ang homily nila. Si Lily ang tanging taong pinagkakatiwalaan ni Hanna. Saksi si Hanna sa paraan ng pagdisiplina ng tiyahin ni Lily sa kanya, ang pagpaparusa sa tuwing magkakamali si Lily. Natatandaan pa ni Hanna, noong bata pa sila ni Lily, nakita niya ang malalaking pasa sa braso nito.

Sumbong sa kanya ni Lily, pinalo daw siya ng kahoy ng kanyang tiyahin dahil nahilaw ang kanyang sinaing. At minsan naman sugat-sugat ang tuhod ni Lily, dahil pinaluhod siya sa asin dahil hindi niya makabisado ang pagdarasal ng rosaryo. Pati ang mga isinusuot na damit ni Lily ay mismo ang kanyang tiyahin ang tumatahi para daw hindi sumunod si Lily sa mga usong damit ngayon ng kabataan. Ang pakikipagkaibigan na lang sa kanya ni Lily ang hindi kayang kontrolin ng tiyahin nito.

Masaya sina Hanna at Lily kapag magkasama. Lahat ng bagay sa buhay nila ay kanilang pinagkukwentuhan. Lumalabas ang tunay na Lily, na isang masayahin, mahilig magbiro at malambing na kaibigan, na kabaligtaran naman ni Hanna na laging seryoso, sentimental ngunit matapang na halata naman na inaral na lamang ni Hanna sa mga karanasan niya sa buhay.

Hindi namalayan ng dalawa na inabot na sila ng gabi sa panciteria. Sanay na ang may-ari nito, si aling Conching, sa kanilang dalawa na parang kaytagal na hindi nagkita kung magkwentuhan. Mabait si aling Conching, naiintindihan nito ang pagkakaibigan ng dalawa. Kung maari nga ay siya na ang kumupkop sa dalawang dalagitang ito.

Sakay ng traysikel ang dalawa na masaya pa ring nag-uusap, “Naku, Lily, tiyak hindi lamang sermon ang aabutin mo kay aling Ilyang”, ang tiyahin ni Lily. “Baka isang linggo kang hindi palalabasin ng bahay para magdasal ng paulit-ulit ng rosaryo bilang bayad sa kasalanan mo sa pagsama sa akin”, kantiyaw ni Hanna. “Sanay na ako, magsasawa din si Tiyang,” maigsing sagot ni Lily. “Uy, mukhang seryoso bespren ko, nagbibiro lang ako ha, para masaya,” bawi ni Hanna.

Naputol ang masayang kuwentuhan ng magkaibigan ng biglang may humarang sa sinasakyan nilang traysikel, “Pare, sa amin mo na ibaba ang dalawang dilag na yan.” Inakabayan ng isang lalaki ang drayber ng traysikel. Bigla ang rehistro ng takot kay Lily, samantalang nagtaray pa si Hanna, “Hoy, mga dimonyo kayo palampasin nyo kami!” Bigla may humaltak sa braso ni Hanna na nasa loob pa ng traysikel.

“Sige na baba na kayo!”, sigaw ng isang lalaki na naamoy agad ni Hanna na hindi lang sa alak kargado ang apat na lalaking humarang sa kanila. Niyakap agad ni Hanna si Lily na nanginginig sa takot. Lalo na ng iniwan na sila ng drayber ng traysikel na takot na takot sa baril na itinutok sa kanya ng lalaki.

“Mga mama, maawa po kayo sa amin, kung may masama po kayong binabalak, huwag nyo na pong ituloy. Matakot po kayo sa diyos.” Humahagulgol na si Lily.

Nagtawanan ang apat na kalalakihan na hawig ang mga hitsura sa mga kontrabida sa sine. “Sige madilim naman dito, hindi tayo makikita ng diyos. Ito ang gusto ko, mukhang virgin pa, pare!”, sigaw ng isang lalaki at bigla niyakap si Lily. Napasigaw si Lily sa sobrang takot. “Diyos ko tulungan mo kami!” “Bitiwan nyo ang kaibigan ko!” si Hanna, “Ako na lang, sanay ako sa pagpapaligaya ng lalaki. Trabaho ko ito kahit sabay-sabay pa kayo.” “Wow, ibang trip ito, mga pare”, binitiwan nila si Lily at sabay-sabay na dinaluhong si Hanna ng apat na lalaking tila mga baliw.

Napako sa pagkakatayo si Lily habang nakikita niya kung paano babuyin si Hanna ng mga halimaw, panay ang usal niya ng dasal, ilang ama namin at aba ginoong maria ang paulit-ulit niya binibigkas at umaasa si Lily na magkakaroon ng milagro at ililigtas sila ng kaibigan niya ng isang anghel na ipapadala ng diyos. Umaalingawngaw sa tenga ni Lily ang mga halakhak ng mga halimaw at ang pagdaing ni Hanna sa sakit ng pang-aabuso at pagluray sa kanya.

BANG! Putok ng baril na tumama sa likod ng isang lalaking nakaduhapang kay Hanna. At isa pang putok na sinundan pa ng maraming putok ng baril.

Bumulagta ang apat na lalaki sa harapan ni Hanna. Gimbal si Hanna. Si Lily na bakas ang poot sa mukha nito, hawak ang baril na kanina ay itinutok sa kanila ng isa sa apat na halimaw . Sinugod ng yakap ni Hanna si Lily. “Bespren, bespren. Wag ka matakot ha.” Nanginginig ang buong katawan ni Lily, ngunit makikita sa mata nito ang matinding galit. “Mga hayop sila! Dapat silang mamamatay!”

“Oo, tama ka, bespren, wala silang karapatang mabuhay dito sa mundo.” Pinayapa ni Hanna si Lily. “Umalis na tayo dito. Huwag kang matakot.”

Niyakap ni Hanna si Lily nang mahigpit, at nagsimula silang humakbang palayo sa lugar na yun, dahan-dahan, unti-unti.

Hanggang bumilis ang hakbang ng magkaibigan, patakbo, patakas sa madilim na lugar ng kanilang kalbaryo.

- nalathala sa magasing ANG MASA, isyu ng Abril-Mayo 2012, mp. 20-21.