BASTA'T GAWIN NATIN ANG MABUTI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
kaaway silang naniniwala sa sabi-sabi
mga mapangwasak silang ang kapara'y buwitre
mapanira sa kapwa, sakim, at makasarili
masaya silang ang iba'y kanilang binibigti
sila'y mga buwitreng walang katiting na bait
silang nabubuhay sa yabang, katakawan, inggit
sarili nilang ginhawa ang laging ginigiit
habang karapatan ng iba yaong ginigipit
huwag tayong tumulad sa kanilang pang-aapi
basta't gawin nating lagi kung ano ang mabuti
dukha man, may dangal tayong maipagmamalaki
pakikipagkapwa't pagpapakatao'y maigi
mula sa sariling pawis ang ating kakainin
mula sa sariling kayod bawat ating dadamtin
mula sa sariling sikap anumang palad natin
mula sa sariling sipag ang anumang kakamtin
tayo'y may dangal, sikaping may bait sa sarili
di nang-aagrabyado ng kapwa't di nang-aapi
nagpapakatao, masaya sa buhay, may silbi
nasa gawa't isip sa lahat ay makabubuti