Biyernes, Setyembre 4, 2015

BACLARAN - tula ni Edelio De los Santos

BACLARAN
tula ni Edelio De los Santos 

Tahanan ng diyos ay 'di kalayuan,
may mga mag-anak, higaa'y bangketa,
katabi'y sugalan nilang mayayaman.

Amoy-palikuran, ugong ng lansangan,
sa lupa ang langit ay hindi makita,
tahanan ng diyos ay 'di kalayuan.

Sa sidhi ng hangad masidlan ang tiyan,
dangal niyang taya, barya ang kinita,
katabi'y sugalan nilang mayayaman.

Kung buhay magbiro, papatak ang ulan,
hahanap ng silong ang basang pamilya,
tahanan ng diyos ay 'di kalayuan.

Sa kulob at erkon na mga sasakyan,
ang tingin sa kapwa, hawig ng basura,
katabi'y sugalan nilang mayayaman.

Sa gilid ng panghi't tuwid daw na daan,
pag-unlad ng bansa'y huwad na pag-asa,
tahanan ng diyos ay 'di kalayuan,
katabi'y sugalan nilang mayayaman.