Benito E. Molino
Disyembre 23, 2017
Wasak ang kanilang kapaligiran,
Halos wala na silang kabuhayan,
Subalit ang lokal na pamahalaan,
Hindi pansin kanilang karaingan.
Mga ahensiyang pangkalikasan,
Iisa lamang ang kanilang alam,
Makalakal ang mineralis ng bayan,
Madelubyo man ang mamamayan.
Tuwang-tuwa ang mga minahan,
Na kontrolado ng mga gahaman,
Umapaw man ang kanilang yaman,
Wawasakin pa din ang kapaligiran.
Bayang biktima ng kasakiman,
Ngayon ay nagkaisa't lumalaban,
Para mabawi kanilang kabuhayan,
at ang winasak nilang kapaligiran.
Ngayon ay nagka #KAMPO sa DENR,
Naninindigan para sa karapatan,
Pagkaitan man sila ng tubig at ilaw,
Magtitiis, hanggang magtagumpay.
Sina Mario, Bob, Bacho, Badong, Herman,
Ed-win, Cris, Dan, Romy't mga kabataan,
Suportado pa ng mga kababaihan,
Patuloy silang nagtitiis, lumalaban.
Ang laban nila ay laban ng buong bayan,
Nang mapanirang mina ay matuldukan,
Nang mabawi na nawalang kabuhayan,
at tubig sa batis ay muling lilinaw.
Tara na at sa kanila'y makikapit-bisig,
Nang panalo ng bayan ay mapalapit,
Tara na, tapusin na ang paghihinagpis,
Tapusin na ang mga sintonadong awit.