Huwebes, Agosto 20, 2020

Nasa aking dugo ang pagiging Katipunero

nasa aking dugo ang pagiging Katipunero
kaya tinataguyod ang lipunang makatao
at nakikibaka kasama ang dukha't obrero
nang pinaglalaban ay tiyaking maipanalo

ang Kartilya ng Katipunan nga'y sinasabuhay
pati akdang proletaryo'y inaaral ding tunay
"Iisa ang pagkatao ng lahat" ay patnubay
na sinulat ni E. Jacinto upang maging gabay

ako'y makabagong Katipunero't aktibista
aktibong kumikilos tungo sa lipunang nasa
lipunang walang pang-aapi't pagsasamantala
upang tiyaking mabago ang bulok na sistema

ang pagiging Katipunero'y nasa aking dugo
dukha't manggagawa'y kasangga sa tuwa't siphayo
iwing buhay na'y inalay, dugo man ay mabubo
nang lipunang makatao'y tiyaking maitayo

- gregbituinjr.

Miyerkules, Agosto 12, 2020

Planado o palyado ang tugon sa pandemya

planado o palyado ang ginawa sa pandemya?
ito'y katanungan, pagsusuri, o pagtatasa
kung nangyaring pandemya'y nilulutas ba talaga?
pasaway na agad ang gutom na gutom na masa

kapag walang facemask, bigyan ng facemask, di ginawa
hinuli pa't ikinulong ang dukhang walang-wala
imbes doktor, pulis at militar ang nangasiwa
imbes medikal, serbisyong militar ang ginawa

parang War on Drugs na gusto agad nilang matokhang
ang coronavirus na di nakikitang kalaban
subalit imbes na coronavirus ang kalaban
ang mga nakawawa'y karaniwang mamamayan

ang karapatang pantao't dignidad ba'y biktima?
A.B.S.-C.B.N., sinara; hinuli si Ressa
Anti-Terrorism Act ang kanilang ipinasa
at parusang bitay nga'y nais nilang ibalik pa

imbes na free mass testing, sa paglutas ay kinapos
shoot them dead sa pasaway, ang pangulo ang nag-utos
kaya apat na kawal sa Sulu, si Winston Ragos
ay pinaslang, imbes kalaban ay coronavirus

galing sa Wuhan ang COVID-19, oo, sa Tsina
pinagmulan ay di hinarang noong una sana
baka pandemya'y di lumala, ngunit iba pala
pangulo'y nais tayong maging probinsya ng Tsina

planado o palyado, di tayo ang prayoridad
ng administrasyong tila iba ang hinahangad
mabilis sa tokhang, mapagtripan nga'y patay agad
ngunit sa serbisyo sa bayan ay bakit kaykupad?

- gregbituinjr.
08.12.2020

Lunes, Agosto 10, 2020

Alagaan natin ang planetang Earth

paano ba dapat alagaan ang kalikasan
kung asal natin ay magtapon lang kung saan-saan
basura'y nagkalat sa lansangan at karagatan
daigdig nating tahanan ay naging basurahan

anong kinabukasan ang maibibigay natin
sa ating mga anak kung ganito ang gawain
minina pati kabundukan kaya kalbo na rin
at plantang coal ay hinayaang magdumi sa hangin

paano natin inunawa ang ekolohiya
paano naintindihan ang nagbabagong klima
ugali lang ba natin ang dahilan o sistema
paano alagaan ang nag-iisang planeta

sabi ng kapwa aktibista, "There is no Planet B!"
bakit natin sinisira ang planetang sarili
alternatibo na ba ang Mars, sa balita'y sabi
kaya Earth ay hinahayaang kainin ng bwitre

"There is no Planet B!", alagaan ang kalikasan
ito'y pamana natin para sa kinabukasan
huwag gawing basurahan ang Earth nating tahanan
gawin natin ang marapat para sa daigdigan

- gregbituinjr.

Aktibista'y lumalaban sa terorismo

ako'y aktibista, lumalaban sa terorismo
pagkat hangarin ko'y isang lipunang makatao
na karapatan at dignidad ay nirerespeto
at walang pagsasamantala ng tao sa tao

na ang malasakit ay di yaong malas at sakit
di gaya ng ginagawa ng gobyernong malupit
nilalagay ng terorismo ang buhay sa bingit
lalo't terorismo ng estado'y nakagagalit

layunin ng aktibista'y makataong lipunan
kung saan nakikipagkapwa bawat mamamayan
nagpapakatao naman ang buong sambayanan
terorismo't pagsasamantala'y nilalabanan

hangad itayo ng aktibista'y lipunang wasto
at pinaninindigan ang makataong prinsipyo
tinig ng pinagsamantalahang dukha't obrero
kalaban ng mga tiwali, gahaman at tuso

nasa diwa'y aral ng mga bayani ng bayan
isinasapuso ang Kartilya ng Katipunan
papawiin ang pagsasamantala sa lipunan
na pribadong pag-aari'y ugat ng kahirapan

ako'y aktibistang lipunang makatao'y mithi
kaya ugat ng kahirapan ay dapat mapawi
ang pakikipagkapwa sa puso'y nananatili
ang pagpapakatao't dangal ay namamalagi

- gregbituinjr.

Linggo, Agosto 9, 2020

Tula yaong nagpapanatili sa katinuan

tula yaong nagpapanatili sa katinuan
kaya ngayon ay narito't nagsusulat na naman
kung di dahil sa pagtula, walang kinabukasan
baka matuluyan akong tumungong kamatayan

sa panahong kwarantina'y mabuti nang tumula
kaysa naman tumunganga't lagi na lang tulala
nag-iisip paano paunlarin ang Taliba
na pahayagan ng mga kasamang maralita

sulat ng sulat para sa lipunang makatao
upang matiyak din ang ninanasang pagbabago
isulat kahit pagkadapa't dugo'y sumasargo
isulat ang nasa diwa wala man sa huwisyo

ganito sa lockdown, nakakaburyong ngang talaga
subalit patuloy pa ring naglilingkod sa masa
nagpopropaganda pa rin kahit na kwarantina
oo, pagkat iyon ako, makata, aktibista

- gregbituinjr.

Ako'y aktibista

 Ako'y aktibista


ako'y aktibista, kalaban ng mga kriminal
pinaglalaban ang karapatang pantao't dangal
ng kapwa't sambayanan laban sa ganid at hangal
na namumuno sa bayan, lideratong pusakal

hangad naming aktibista'y lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
na dignidad at wastong proseso'y nirerespeto
at nakikipagkapwa sa bawat isa sa mundo

kaaway kami ng namumunong mapagmalabis
sa pwesto kaya dukha sa hirap na'y nagtitiis
kalaban kami ng mga tuso't gahamang burgis
na magpasasa't tumubo ng limpak lang ang nais

nakikiisa kami sa laban ng manggagawa
kaisa rin kami sa pakikibaka ng dukha
kakapitbisig kami ng hukbong mapagpalaya
upang makamit ng bayan ang asam na ginhawa

ang bayan at ang lipunan ay aming sinusuri
napagnilayan naming ang pribadong pag-aari
ang ugat ng kahirapan, nagpasulpot ng uri,
kaya may mapagsamantala't uring naghahari

ako'y aktibista, na kalaban ng mararahas,
hinahangad naming umiral ang pagiging patas,
karapatan, wastong proseso, lipunang parehas
walang mayaman o mahirap sa harap ng batas

sa pangarap na lipunang makatao'y marubdob
at luklukan ng lumang lipunan ay itataob
habang bulok na sistema'y sa putik isusubsob
habang lilipulin naman ang masasamang loob

aming itatayo'y isang makataong lipunan
na walang inaapi't pinagsasamantalahan
itatayo ang gobyernong walang katiwalian
at pakikipagkapwa ang panuntunan ng bayan

- gregbituinjr.
08.08.2020

Sabado, Agosto 8, 2020

Nilay sa paglisan

 Nilay sa paglisan


para lamang akong naghihintay ng kamatayan
doon sa malayong lugar na animo'y himlayan
tila ba yaon ay sementeryo na't pahingahan
payapang-payapa, malayo sa anumang laban
di ganito ang buhay at kamatayan kong asam

mamamatay lang ba ako sa sakit na natalos?
o mamatay akong sa noo'y may balang tumagos?
gayong nakibaka sa anumang pambubusabos
gayong sa bulok na sistema'y nakikipagtuos
at pinaglaban ang dignidad ng kapwa hikahos

nais kong mamatay sa laban, sa pakikibaka
di sa payapang lugar na buhay mo'y binalasa
nais kong mamatay, di sa sakit, kundi sa bala,
na nakibaka para sa panlipunang hustisya,
na ginawa ang layon para sa obrero't masa

sana'y matupad ang kamatayan kong ninanais
at nasa aktwal na laban pag tuluyang nagahis
tiyaking sapol, nang di na mabuhay pagkat daplis,
na ako'y aktibistang nakibakang labis-labis
na ang makata'y naglingkod sa kabila ng hapis

sinong makapagsasabing paano ba mamatay?
sinong magsasabing paano ako mamamatay?
kundi ang taong sasadyain kang kitlan ng buhay
kung anuman ang mangyari, saanman humandusay
nawa'y ilibing ng maayos ang iwi kong bangkay

- gregbituinjr.
08.08.2020

Biyernes, Agosto 7, 2020

Tibak sa gabay ng Kartilya ng Katipunan

 "Ang buhay na hindi ginugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag." ~ unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan


tibak akong nabubuhay sa gabay ng Kartilya

ng Katipunan at kumikilos para sa masa

na ipinaglalaban ang panlipunang hustisya

asam na ginhawa'y kamtin ng bayang umaasa


ayokong matulad lang sa kahoy na walang lilim

na iwing buhay nga'y payapa ngunit naninimdim

ako'y aktibista, abutin man ng takipsilim

kumikilos kaharapin man ay ubod ng talim


pariralang "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

ay mula kay Gat Emilio Jacinto na sumulat

ng akdang Liwanag at Dilim na sadyang nagmulat

sa akin at sa iba nang ito'y aming mabuklat


kaya ang pagtatayo ng lipunang makatao

ay pangarap na ipinaglalaban ng tulad ko

sino bang di kikilos kung pangarap mo'y ganito

na walang pagsasamantala ng tao sa tao


kaya buhay ko'y laan na sa marangal na layon

kaya sosyalismo ni Jacinto'y ginawang misyon

sakali mang tumungo sa madugong rebolusyon

ay masaya na akong mamamatay kahit ngayon


- gregbituinjr. 

Oo, kaming aktibista'y mapang-usig

 oo, mga aktibistang tulad ko'y mapang-usig

lumalaban upang mapagsamantala'y malupig

nakikibaka upang hibik ng api'y marinig

sa manggagawa't dukha'y nakikipagkapitbisig


inuusig namin ang paglabag sa karapatan

at mga pagyurak sa dignidad ng mamamayan

nakikibaka para sa hustisyang panlipunan

lumalaban sa mga kapitalistang gahaman


hangad naming itayo ang lipunang makatao

na walang pagsasamantala ng tao sa tao

na karapatan at dignidad ay niterespeto

na ginagalang ang due process o wastong proseso


nakikibaka laban sa pribadong pag-aari

pagkat ugat ng kahirapan at pang-aaglahi

inuusig ang mga mapang-api't naghahari

at nilalabanan ang mapagsamantalang uri


oo, kaming mga aktibista'y tinig ng dukha

nakikibakang kakampi ng uring manggagawa

kaming tibak na kawal ng hukbong mapagpalaya

upang makamit ng bayan ang asam na ginhawa


- gregbituinjr.

Huwebes, Agosto 6, 2020

Nilay sa ika-75 amibersaryo ng pagbagsak ng bomba atomika

Nilay sa ika-75 amibersaryo ng pagbagsak ng bomba atomika

paggunita sa anibersaryong pitumpu't lima
ng pagbagsak ng anong tinding bomba atomika
na pumaslang ng maraming tao sa Hiroshima
at Nagazaki, libu-libo'y naging hibakusha

natapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan
ang gerang nilahukan ng imperyalistang Japan
bilang isa sa Axis, pati Italya't Aleman,
upang palawakin ang sakop nila't kalakalan

kayraming namatay, kayraming naging hibakusha
o nabuhay sa epekto ng bomba atomika
lapnos ang balat, katawan ay halos malasog na
animo'y wala nang buhay ngunit humihinga pa

mayoryang biktima'y mga inosenteng sibilyan
nangyaring iyon ay kakaiba sa kasaysayan
ng sangkatauhan, di dapat maulit na naman
lalo't may sandatang nukleyar sa kasalukuyan

"never again sa nukleyar", panawagan nga nila
na dapat dinggin para sa panlipunang hustisya
"nuclear ban treaty" hibik ng mga hibakusha
silang nabubuhay sa mapait na alaala

ngayong araw na ito, sila'y ating gunitain
na pawang biktima ng karumal-dumal na krimen
o isang desisyon upang digmaan ay pigilin
ah, nawa'y di na maulit pa ang nangyaring lagim

- gregbituinjr.
08.06.2020

Linggo, Agosto 2, 2020

Ang pinakamalaking banta sa ating planeta

ANG PINAKAMALAKING BANTA SA ATING PLANETA

"The biggest threat to our planet is believing that someone else will save it." - Robert Swan

tayo na'y dapat kumilos para sa kalikasan
gawin anong nararapat para sa daigdigan
huwag gawing basurahan ang lupa't karagatan
huwag iasa sa iba kung kaya natin iyan

ang pinakamalaking banta raw sa ating mundo
ay isiping sasagipin ito ng ibang tao
o ibang nilalang, hindi ikaw, o hindi ako;
ang dapat kumilos para sa ating mundo'y tayo

isipin anong magagawa, sa kapwa, sa kapos
makipagkaisa, magkapitbisig, at kumilos
magtulungan upang mundong ito'y maisaayos
kaya huwag na tayong maghintay ng manunubos

ayon sa manlalakbay at may-akdang si Robert Swan
ang pinakamalaking banta sa sangkalupaan
ay ang isiping may iba namang sasagip diyan
maghintay ng bathalang sasagip sa daigdigan

kung may magagawa tayo upang mundo'y sagipin
huwag nang umasa sa iba, pagtulungan natin
walang aasahang manunubos na di darating
sinabing yaon ni Robert Swan ay ating isipin

- gregbituinjr.

ROBERT SWAN, OBE Robert Swan has earned his place alongside the greatest explorers in history by being the first person to walk to both the North and South Poles. In recognition of his life's work, Her Majesty the Queen awarded him the high distinction of OBE, Officer of the Order of the British Empire and the Polar Medal.
* Swan is also the founder of 2041, a company which is dedicated to the preservation of the Antarctic and the author with Gil Reavill of Antarctica 2041: My Quest to Save the Earth's Last Wilderness.