Martes, Setyembre 22, 2020

Bilang halal na sekretaryo heneral

nananatili pa akong sekretaryo heneral
pinunong mayorya ng kasapian ang naghalal
isa ring tungkulin ko ang pagiging paralegal
ngunit iniiwan ang pinamumunuan, hangal
tama ba para sa hinalal ang ganitong asal?

tatawanan ako pag ganito ang kaasalan
na sa aking pagkatao'y masamang marka naman
baka di na nila ako pa'y pagkatiwalaan
pagkat mismong tungkulin ko'y aking pinabayaan
pag ganito na, sa pagkatao ko'y kahihiyan

dahil ako'y halal, dapat ko lamang pangunahan
ang kasapian sa mga gawain, katungkulan,
isyu'y pag-usapan, misyon ay isakatuparan
ang tungkulin ko'y dapat tapat kong ginagampanan
ang prinsipyong tinanganan ay dapat panindigan

bagamat di ako nagpabaya sa ating dyaryo
dapat pa ring asikasuhin ang maraming kaso
kaya sa mga kasapi, ako'y hintayin ninyo
di umaatras sa nakaatang na tungkulin ko
gumagawa lang ng paraang makabalik ako

bilang inyong hinalal na sekretaryo heneral
at sa aking pinagsanayan bilang paralegal
kung di ko magagampanan ang tungkulin kong halal
dapat lang parusahan ako ng sanlibong buntal
pagkat di marapat tularan ang tulad kong hangal

- gregoriovbituinjr.

* Ang may-akda ang kasalukuyang sekretaryo heneral ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula Setyembre 2018, at kasalukuyang sekretaryo heneral din ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) na nahalal ng dalawang beses, Hulyo 2017, at Disyembre 2019. Siya ay sekretaryo naman ng history group na Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) mula 2017 hanggang kasalukuyan.

Sabado, Setyembre 19, 2020

Pagpupugay sa kapwa organisador

ako'y isang organisador saanman mapadpad
itinataguyod ang layon at sistemang hangad
sa misyong ito'y dapat may tikas at abilidad
prinsipyong yakap mo sa masa'y iyong ilalahad

ikinakampanya'y isang makataong lipunan
kung saan walang pagsasamantala't kaapihan
inaalam ang mga problema't isyu ng bayan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

hangarin ng organisador ay pagkakaisa
at pagkapitbisig ng di lang isa o dalawa
kundi ng libu-libo, kundi man ng milyong masa
upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema

yakap niya ang prinsipyo ng uring manggagawa
at tungkulin nito bilang hukbong mapagpalaya
alay ng organisador ang buhay, puso't diwa
tungo sa pagdurog sa mga ganid na kuhila

mabuhay kayong mga organisador ng bayan
nagsasakripisyo sa adhikang may katuturan
kumikilos upang bulok na sistema'y palitan
at makamit ng bayan ang hustisyang panlipunan

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Setyembre 18, 2020

Ang Libog, Albay pala noon ay hindi ang Libon, Albay ngayon

ANG LIBOG, ALBAY PALA NOON AY HINDI ANG LIBON, ALBAY NGAYON
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Para akong nabunutan ng tinik, dahil natagpuan ko ang isang bagay na dapat mabatid sa kasaysayan, dahil sinabihan ako ng mali noon, na ngayon ay tama pala. Sa saliksik ko noon na pinamagatan kong "Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio", ay nabanggit ko ang Libog, Albay, na sinipi ko para sa artikulo.

Ayon sa pahina 4 ng aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan", ni Jose P. Santos, "Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na Amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca."

Nagtungo si Bonifacio sa Libog, Albay, at hindi sa Libon, Albay. Dahil naisulat ko ang Libog, may nagkomento sa facebook ng ganito, "Tanga! Libon, hindi Libog." Kaya agad ko iyong pinalitan ng Libon, at binura ang komentong iyon. Tulad ko, hindi rin niya alam na may Libog, Albay pala noong panahon ni Bonifacio. Ilang buwan nang nakalipas, hanggang sa aking pagbabasa ay nakita kong talaga palang may Libog, Albay, na kaiba sa Libon, Albay. Nilitratuhan ko iyon bilang patunay.

Sa Codebook ng 2020 Census of Population and Housing, na gamit ni misis ngayon bilang isa sa census area supervisor ng PSA (Philippine Statistics Authority), nakatala sa pahina 14 nito, sa ilalim ng lalawigan ng Albay ang mga bayang LIBON at SANTO DOMINGO (LIBOG). Doon ko napagtanto na tama pala ang nakasulat sa aklat ni Santos tungkol sa ulat niya kay Bonifacio, at hindi iyon typographical error o kamalian sa pagtipa sa makinilya. Nagtungo si Bonifacio sa Libog, Albay, na ngayon ay Santo Domingo na, at hindi sa Libon, Albay.

Nagsaliksik pa ako. Ayon sa Wikipedia, "The town of Santo Domingo was originally named Libog. Albay historians say that there were a number of stories on the origin of the name Libog. One version is that libog was derived from the Bikol word labog meaning "unclear water" for there was a time when no potable water was available in the locality. Another has it that the town might have been called after labog (jellyfish), which abound in its coastal water. Libod (behind) is another version because the town’s position is behind the straight road from Legazpi to Tabaco across Basud to Santa Misericordia."

Kaya sa Libog, Albay nagtungo noon si Bonifacio, at hindi sa Libon, Albay, na kilala natin ngayon. At marahil ay sa bayan ng Santo Domingo matatagpuan ang mga apo ni Bonifacio kay Genoveva Bololoy, at hindi sa Libon.

Sa puntong ito, aayusin ko't iwawasto na rin ang nauna kong naisulat sa artikulo kong nabanggit.

Taospusong pasasalamat sa misis kong si Liberty at sa PSA sa saliksik na ito, at talagang malaking tulong ito sa pagwawasto ng ilang detalye sa kasaysayan ng ating bayan. Mabuhay kayo!

Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935
ang Codebook ng 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority (PSA)
http://mgakatipunero.blogspot.com/2019/12/ang-limang-anak-ni-gat-andres-bonifacio.html
https://en.wikipedia.org/wiki/Santo_Domingo,_Albay





Lunes, Setyembre 14, 2020

Pagsama sa petisyon

Pagsama sa petisyon

isang karangalan ang makasama sa petisyon
laban sa Anti-Terror Act na sadyang lumalamon
sa karapatan at dignidad ng bayang hinamon
animo'y balaraw itong sa likod nakabaon

buhay at dangal ay itinaya, naninindigan
nang tayo'y magkaroon ng makataong lipunan
sa batas kasi'y pag lumaban sa pamahalaan
kahit hindi terorista'y tiyak aakusahan

pag nagrali ka para sa karapatang pantao
pag nagpahayag ng saloobin sa gobyerno
pag may taliwas ka mang opinyon o kuro-kuro
baka hulihin ka't kalaban ang turing sa iyo

lipunang makatao'y hangad kaya aktibista
lumalaban sa mapang-api't mapagsamantala
kakampi'y manggagawa't dukha, karaniwang masa
nakikibaka para sa panlipunang hustisya

kasapi ng United Against Torture Coalition
hangad kong minsan ay maidepensa ang petisyon
sa korte, at magpapaliwanag ng mahinahon
at husgado'y makumbinsi sa katumpakan niyon

maraming salamat sa pagkakataong binigay
ako'y naritong sa mga kasama'y nagpupugay
karapatang pantao'y ipinaglalabang tunay
sana'y makamit din natin ang asam na tagumpay

- gregoriovbituinjr.

Pinaghalawan ng ulat:
https://rappler.com/nation/petition-vs-anti-terror-law-prolonged-detention-could-enable-torture
https://magph.org/news/anti-terror-law-will-make-torture-a-new-normal-uatc-statement-on-the-anti-terror-bill

Pagpupugay sa ika-27 anibersaryo ng BMP

Pagpupugay sa ika-27 anibersaryo ng BMP

ako'y nagpupugay sa mga kasaping obrero,
kasaping samahan, staff, at pamunuan nito
ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino
sa pangdalawampu't pito nitong anibersaryo

nakikibakang tunay bilang uring manggagawa
marubdob ang misyon bilang hukbong mapagpalaya
sadyang matatag sa pagharap sa anumang sigwa
lalo na't bulok na sistema ang sinasagupa

pangarap itayo'y isang makataong lipunan
nilalabanan ang mapagsamantala't gahaman
nakikibaka para sa hustisyang panlipunan
hangad ay pantay na kalagayan sa daigdigan

ninanasa'y isang lipunang walang mga uri
wala ring elitista, asendero't naghahari
isang lipunang walang pribadong pagmamay-ari
magkasangga ang manggagawa, anuman ang lahi

kaya hanggang kamatayan, ako'y inyong kakampi
lalo't kayo'y kasangga ko sa labanang kayrami
di pagagapi, kalagayan man ay anong tindi
tuloy ang laban, sa pakikibaka'y magpursigi

ako'y taaskamao't taospusong nagpupugay
sa B.M.P. na sosyalistang lipunan ang pakay
mabuhay ang B.M.P., mabuhay kayo! mabuhay!
magkapitbisig, ipagwagi ang layuning tunay!

- gregoriovbituinjr.
09.14.2020

Miyerkules, Setyembre 9, 2020

Kung makakatulong ang tula sa pakikibaka

katulad din ng pag-ibig sa bayang tinubuan
at buong pagyakap sa Kartilya ng Katipunan
iwing prinsipyo'y tatanganan at paninindigan
upang kinakatha'y mabasa rin ng kabataan

kung makakatulong ang tula sa pakikibaka
dahil marami o may ilan ditong nagbabasa
itutula ko ang pagsasamantala sa masa
habang nananawagan ng panlipunang hustisya

kung bawat titik at parirala'y magiging tinig
kung bawat taludtod at saknong ay maiparinig
isusulat ang katotohanang nakatutulig
upang manggagawa't maralita'y magkapitbisig

huwag nating hayaang lagi tayong nakalugmok
halina't palitan na natin ang sistemang bulok
pagkat pagsasamantala nga'y nakasusulasok
para sa katarungan ay lumaban nang mapusok

aking itutula ang kalagayan ng dalita
at mga pakikibaka ng uring manggagawa
narito akong alay ang kakayahang tumula
na hanggang sa huling hininga'y kakatha't kakatha

- gregoriovbituinjr.

Martes, Setyembre 8, 2020

Ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan

ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan
sa anumang nangyayaring karahasan sa bayan
kung bawat tula ko'y dapat iambag sa labanan
ay gagawin ko para sa hustisyang panlipunan

iyan ang panata ko sa karapatang pantao
dapat laging iginagalang ang due process of law
isusulat ko ang katiwalian sa gobyerno
at itutula ko ang karahasan ng estado

"Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sinabi
ni Gat Emilio Jacinto na dakilang bayani
ang akda niyang Liwanag at Dilim ay sakbibi
ng makatarungang aral na sa kapwa'y may silbi

para sa karapatang pantao'y nakikibaka
kaya nga tinanggap kong maging isang aktibista
kaya kumikilos laban sa pagsasamantala
at pang-aapi ninuman sa karaniwang masa

di pipi ang aking pluma't tinta, magsisiwalat
ito ng kabulukang minsan ay di madalumat
ako'y aktibista't makatang gagawin ang lahat
upang maglantad, magsulat, maglathala, magmulat

- gregoriovbituinjr.