Linggo, Hulyo 30, 2023

Pagtanaw, pananaw

PAGTANAW, PANANAW

nakatanaw na naman sa dalampasigan
ano bang mayroon upang aking titigan
ang barkong nakahimpil o ang karagatan
o baka nakatitig muli sa kawalan

marahil, pinagninilayan ang pagtanaw
sa lagay ng dukhang dinig ko ang palahaw
kung bakit hirap pa rin hanggang sa pagpanaw
habang sa sistema'y anong ating pananaw

bulok na sistema'y paano gagapiin
paanong pagsasamantala'y papawiin
paanong naghaharing uri'y pabagsakin
at lipunang makatao'y matayo natin

naritong puspusan pa ring nakikibaka
na mithing baguhin ang bulok na sistema
na layuning kamtin ng masa ang hustisya
at ibagsak ang uring mapagsamantala

- gregoriovbituinjr.
07.30.2023

Sabado, Hulyo 29, 2023

Kwento - SONA na naman, sana naman...

SONA NA NAMAN, SANA NAMAN…
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa halos tatlong dekada na ay sumasali pa rin sina Igme at Isay sa mga kilos-protesta. Ani kumpareng Inggo nila: “Ano bang napapala natin sa pagdalo sa mga kilos-protesta? Nagbago ba ang buhay natin?”

Kaya napatanga sa kanya sina Igme at Isay. “Bakit ba ganyan na ang tono mo ngayon? Parang ikaw ang nagbago? Hinahanap mo pa rin ba na yumaman ka, gayong kakarampot lang naman ang sinasahod mo diyan sa pinapasukan mo?” ang sagot naman ni Isay.

“Mabuti nga na sumasama tayo sa kilos-protesta sa SONA upang ipakita ang tunay na kalagayan ng bayan kumpara sa ulat ng pangulo na pag-unlad kuno ng bayan. Na kesyo lumaki raw ang GDP subalit di naman ramdam ng mamamayan. Isang kahig, isang tuka pa rin ang mga maralita. Kontraktwal pa rin ang mga manggagawa.” ang tugon ni Igme.

“Subalit di pa rin naman nagbabago ang buhay natin?” ani Inggo.

“Magbabago ba ang buhay natin kung ang polisiya ng pamahalaan ay para sa negosyo, para sa mayayaman, para sa mga bilyonaryo? Hay, kaya tayo sumasama sa kilos-protesta sa SONA ay upang ipahayag natin na balintuna sa kalagayan ng bayan ang iniuulat ng pangulo, kundi para sa kanilang magkakauri lamang.” ani Igme.

Sumabad muli si Isay sa malumanay na paraan. “Kung ayaw mong sumama sa pagkilos sa SONA, huwag kang sumama. Kami na lang. Nais pa rin naming makiisa sa masa na matagal nang pinagsasamantalahan ng uring mapang-api. Ito ngang si Igme, kaytagal naging kontraktwal na dapat regular na sa kumpanya nila noon, hindi niya naipagtanggol ang sarili niya  laban sa kasong illegal dismissal dahil hindi siya noon sumali sa unyon. Bagamat pilit pa rin siyang ipinagtanggol ng unyon. Ang ganyang kaso ang hindi nireresolba ng pamahalaang ito. Ayos lang sa kanila ang kontraktwalisasyon dahil pabor iyon sa mga kapitalista.”

Napaisip si Inggo. “Kung sabagay, tama kayo. Subalit nangangako naman ang bagong pangulo na reresolbahin ang 6.5 milyong backlog sa pabahay. Baka mabiyayaan tayo roon.”

“Asa ka pa.” sabi ni Isay. “Ang balita namin, vertical ang itatayong pabahay, parang condo, at ang palakad diyan, dapat ay kasapi ka ng Pag-ibig upang may pambayad ka sa pabahay na milyon kada yunit. May pera ka bang pambayad? Hindi pangmaralita ang pabahay na iyon, kundi negosyo. Hindi serbisyo sa tao. Ninenegosyo na naman nila tayo.”

“Subalit gaya nga ng sinabi ko, taon-taon na lang ang SONA, kailan pa tayo titigil sa ganyang pagkilos?” muling sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme, “Kaytagal na nating pinag-usapan iyan.  Kikilos tayo, hindi lang sa SONA, kundi sa Mayo Uno, Araw ng Kababaihan, Karapatang Pantao, at iba pa, basta may isyu ang bayan. Hindi para sa maralita ang mga nagdaang gobyerno kundi para lagi sa negosyo at sa mga kauri nilang mayayaman. Kaya nga ang polisiya nila ay taliwas sa kagustuhan ng mamamayan. Diyan pa lang sa usapin ng kontraktwalisasyon, mataas na bilihin, ang hindi maampat na land grabbing na hanggang ngayon ay hindi maipasa-pasa ang National Land Use Act, dahil asawa ng isang senador ang isa sa kilala nating land grabber, aba’y aasahan mo pa bang magbabago ang buhay natin. Ang dapat sa kanilang uring mapagsamantala sa maliliit ay ibinabagsak. Ayon nga sa awiting Tatsulok, ‘at ang hustisya ay para lang sa mayaman.’ At hindi tayo papayag na magpatuloy ang ganyan, lalo na para sa ating mga anak, apo, at sa mga susunod na henerasyon.”

Napatungo si Inggo. Maya-maya’y napatitig kay Igme, “Pilit ko pa ring inuunawa ang sinasabi ninyo. Habang sa utak ko ay para bang nangangako na naman ng matatamis ang pangulo tulad ng iba pang nakaraang pangulo.”

“Bente pesos na ba ang sangkilong bigas? Aba’y nang minsang  kumain tayo sa mall, trenta pesos na ang isang tasang kanin, asa ka pa rin sa pangako ng pangulo? Hanggang kailan ka kontraktwal?” Ani Isay.

Napatungo na naman si Inggo. “Sabagay, tama kayo. Nauunawaan ko na. Sasama ako sa inyo sa pagkilos sa SONA.”

Si Isay muli, “Makikinig tayo sa tunay na kalagayan ng bayan ayon mismo sa bibig ng mga manggagawa at kapwa natin maralita. Tayo pa rin namang magkakauri ang uugit ng ating kasaysayan at kinabukasan natin at ng ating mga anak. Magpalit-palit man ang pangulong para sa mga kapitalista, hindi pa rin magbabago ang buhay natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Hulyo 27, 2023

Mapagmahal

MAPAGMAHAL

paano mabibigkis ang dalawang puso
sa pamamagitan ba ng kanilang nguso
hahalik-halikan ang diwatang kasuyo
o iluluha na lang ang pagkasiphayo

mabuti't may mapagmahal akong kasama
sa buhay, ang mutya ko't butihing asawa
habang patuloy pa rin sa pakikibaka
upang mabago yaong bulok na sistema

kaymahal na ng bilihin, tulad ng bigas
hirap ang masa sa lipunang di parehas
kaymahal na kahit ng pang-ahit ng balbas
mahal pa sa sahod ang sangkilong sibuyas

aba'y may pag-ibig na banal, bawal, hangal
paano ba talaga maging mapagmahal
lalo na't kapitalismo pa'y umiiral
pag naghangad ng tubo, aba'y nagmamahal

- greoriovbituinjr.
07.27.2023

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Ilan pang nilay sa Pythagorean theorem

ILAN PANG NILAY SA PYTHAGOREAN THEOREM

Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

 

Nasa hayskul pa lang ay natutunan na natin sa paksang sipnayan o matematika ang Pythagorean theorem. Ito yaong pormula sa sugkisan o geometry na pagkuha ng sukat ng tatlong gilid o side ng isang tatsulok na nasa ninety degrees o right triangle. Sinasabi rito na ang pinagsamang square ng dalawang gilid ay katumbas ng hypotenuse o yaong mahabang gilid na nakahilis. Madalas na sa paksang geometry ito natin napapag-aralan noon. Ang batayang pormula nito ay a2 + b2 = c2. At ipinangalan ang theorem na ito kay Pythagoras, na isang sipnayanon o mathematician noong unang panahon.

 

Bakit mahalaga sa atin ang Pythagorean theorem at paano ba ito magagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay? Halimbawa, nais mong sukatin kung ano ang sukat ng tayog ng puno o kaya’y gusali? Ilang metro ito, nang hindi mo ito sinusukat ng ruler na paisa-isa? Gagamitin mo ang Pythagorean theorem. Ginagamit din ito sa konstruksiyon at arkitektura. Pati sa nabigasyon upang mahanap ang pinakamaikling distansya. Ginagamit din upang suriin ang matarik na mga dalisdis ng mga bundok o burol.

 

Madalas na halimbawa o basic example nito ang ang32 + 42 = 52. Ibig sabihin ay (3 x 3) + (4 x 4) = (5 x 5), o 9 + 16 = 25. Ang dagsip o digit ng dalawang side ay 3 at 4. Ang hypotenuse naman ay 5.

 

Sa ilang pagninilay, napuna kong ang 36 + 64 = 100. At lahat sila ay square o pag na-divide ay parehong numero. 6 x 6 = 36; 8 x 8 = 64; at 10 x 10 = 100; o pag sinulat sa ibang paraan ay 62 + 82 = 102. Parang dinoble ang basic na itinuturo sa paaralan: 32 + 42 = 52 na  pag tinayms 2 mo ang digit, ang lalabas ay  62 + 82 = 102.

 

Dito ko na sinuri ang iba pang numero, na pag dinoble o triple, o times 4 o times 5 pa, ang lalabas ay pawang tama ang mga sagot. Kumbaga, may padron o pattern ang mga sukat.

 

Suriin natin isa-isa, at simulan natin sa mga nauna nating halimbawa.

 

32 + 42 = 52. (3 x 3) + (4 x 4) = (5 x 5). 9 + 16 = 25

 

62 + 82 = 102. (6 x 6) + (8 x 8) = (10 x 10). 36 + 64 = 100

 

92 + 122 = 152. (9 x 9) + (12 x 12) = (15 x 15) = 81 + 144 = 225

 

122 + 162 = 202. = (12 x 12) + (16 x 16) = (20 x 20) = 144 + 256 = 400

 

152 + 202 = 252.  = (15 x 15) + (20 x 20) = (25 x 25) = 225 + 400 = 625

 

182 + 242 = 302. = (18 x 18) + (24 x 24) = (30 x 30) = 324 + 576 = 900

 

212 + 282 = 352. = (21 x 21) + (28 x 28) = 35 x 35) = 441 + 784 = 1,225

 

242 + 322 = 402. = (24 x 24) + (32 x 32) = (40 x 40) = 576 + 1,024 = 1,600

 

272 + 362 = 452. = (27 x 27) + (36 x 36) = (45 x 45) = 729 + 1,296 = 2,025

 

302 + 402 = 502. = (30 x 30) + (40 x 40) = (50 x 50). 900 + 1,600 = 2,500

 

Sinubukan kong gawan ng tula ang paksang ito.

 

PYTHAGOREAN THEOREM

tula ni GBJ

 

theorem ang pamana ni Pythagoras ng Samos

sa atin, na kung talagang aaralin ng taos

sipnayan at sugkisan ay mauunawang lubos

upang sa pagsusukat ng tatsulok ay di kapos

sa right triangle, dalawang gilid at haypotenus

ambag sa pag-unlad upang lipuna'y makaraos

 

paano ba magagamit ang Pythagorean theorem

na sa kasaysayan ay malaking ambag sa atin

upang tayo'y umunlad, di manatili sa dilim

sa arkitektura nga't konstruksyon ay gamit natin

sa plano, pagtatayo ng gusali'y susukatin

upang maging matatag gamit ang nasabing theorem

 

O, Pythagoras, maraming salamat sa ambag mo

kaya mga itinayo'y nasusukat ng wasto

matatag, nakipagtagalan sa panahon, husto

gamit ang iyong pormula at batayang prinsipyo

di lang pormula ni Einstein, bantog din ang sa iyo

muli, pagpupugay, idolo ka naming totoo

 

* Talasalitaan:

sipnayan = matematika

sugkisan = geometry

dagsip = digit

dalisdis = slope

 

* litrato mula sa google

Martes, Hulyo 25, 2023

Paumanhin kung tula'y nakabartolina

PAUMANHIN KUNG TULA'Y NAKABARTOLINA

pagpasensyahan na ninyo ang aking tula
na nakabartolina sa sukat at tugma
mahalaga nama'y ang naririyang diwa
bakasakaling mayroon kayong mapala

pagkat kinahiligan ko ang pagsusukat
nagbibilang ng pantig habang nagsusulat
tinitiyak kung nagtutugma ba ang lahat
hanggang madama na ang ngalay at pulikat

baka kaya bihira ang mag-like sa post ko
nauumay na sa tula ko, sa tulad ko
kaya paumanhin kung katha ko'y ganito
nakakalaboso sa iisang estilo

pag piniga ang utak ay agad lalabas
ang pawis at dugo gayong di naman pantas
habang pinapangarap ang lipunang patas
kung saan ang bawat isa'y pumaparehas

paumanhin kung tula'y nakabartolina
sa tugma't sukat, tila tinanikala pa
pag naramdaman ko ang presensya ng masa
sa anumang paksa'y palalayain sila

- gregoriovbituinjr.
07.25.2023

Apyak pala ang pula ng itlog

APYAK PALA ANG PULA NG ITLOG

apyak pala ang tawag sa pula ng itlog
kahit kulay dilaw iyon, sa pula bantog
yolk ito sa Ingles, at apyak sa Tagalog
na madalas ay gusto nitong iniirog

mayroon pala tayong ganitong salita
na sa palaisipan ko nalamang sadya
na marahil dapat ipabatid sa madla
sa pamamagitan ng mga kwento't tula

mga dagdag kaalaman sa wika natin
na dapat itaguyod at ating gamitin
pag may bago o lumang salita, sabihin
sa amin, nang maisahog sa kakathain

tulad ng apyak, di lang sahog kundi ulam
na madalas ay kinakain sa agahan
tulad sa palaisipan ay gaganahan
kung may salitang bago gayong luma naman

- gregoriovbituinjr.
07.25.2023

* mula sa isang krosword at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, p. 70

Sa kubo

SA KUBO

dito ko napiling magpahinga sa kubo
at napagninilayan ang kung ano-ano
minsan naman, binabasa'y nabiling libro
hinggil sa paksang sipnayan at astronomo

kaysarap dito kaysa mainit na lungsod
na araw-gabi ay selpon, pindot ng pindot
pagtigil ko sa kubo'y nagbibigay-lugod
dinig ay kuliglig, di awtong humarurot

ang kubo'y talagang ginawa sa kawayan
kaya dama mo'y ginhawa pag nahigaan
baka rito'y lumusog ang aking katawan
sariwa ang hangin, maganda sa isipan

makasusulat dini ng maraming paksa
samutsaring danas na isinasadiwa

- gregoriovbituinjr.
07.25.2023

Mabuhay ang mga vendor!

MABUHAY ANG MGA VENDOR!

mabuhay silang maninindang anong sipag
na trabaho't kostumer ang inaatupag
upang kumita, upang buhay ay di hungkag
at naglalako sa maghapon at magdamag

hanggang maubos ang kanilang tinitinda
mga simpleng kakanin, payak na meryenda
upang mabusog kahit paano ang masa
upang buhayin din ang kanilang pamilya

salamat sa mga vendor na nabubuhay
sa trabahong marangal, mabuhay! mabuhay!
sa inyong lahat, taasnoong pagpupugay!
dahil naaalpasan ang gutom at tamlay

mura lang subalit nabubusog na kami
kaya madalas, sa tinda n'yo'y nawiwili
habang naritong nagpapatuloy sa rali
upang sa uri at sa bayan ay magsilbi

- gregoriovbituinjr.
07.25.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa SONA, 07.24.2023

Basta Bruce Lee

BASTA BRUCE LEE

pag post ko'y hinggil kay idol Bruce Lee
aba, ang nagla-like ay kayrami
dahil sa paksa'y nabibighani
pag-like nila'y kaygandang mensahe

di kagaya ng aking pagtula
nagla-like ay talagang bihira
gayunman, sadyang nakatutuwa
kung Bruce Lee at martial art ang paksa

sa Bruce Lee F.B. group nilalagay
sa kanya'y may kinalamang tunay
lalo't paksa ko sa tula'y tulay
upang pag-igihan pa ang nilay

kahit papaano, salamat, Bruce
pagkat post ko'y nila-like nang lubos
di ko man sila kilalang taos
katuwaan sa puso ko'y tagos

- gregoriovbituinjr.
07.25.2023

Linggo, Hulyo 23, 2023

Nakatunganga sa kawalan

NAKATUNGANGA SA KAWALAN

"Why do you sit there looking like an envelope
without any address on it?" ~ Mark Twain 

madalas na laging nakatunganga sa kawalan
animo kalawakan ay aking pinagmamasdan
kahit wala, di tanaw ang ibong nagliliparan
dahil ang talagang lumilipad ay ang isipan

nakaupo lamang kung saan na kapara'y sobre
na walang nakasulat na patutunguhang sabi
naroong nagninilay-nilay, nagdidili-dili
inaapuhap kung saan ang kung anong mensahe

ah, bakasakaling dumapo rin sa iwing diwa
ang pakikipagniig sa diwatang minumutya
ang pagpapakatao't pakikipagkapwang sadya
ang pagbaka't prinsipyo ng manggagawa't dalita

di lang sobre kundi bato roong nakatalungko
maramdaman man ng katawan yaong pagkahapo
at ang utak sa pagbulay-bulay ay nagdurugo
ngunit tuloy sa pakikipaglaban, di susuko

- gregoriovbituinjr.
07.22.2023

* litrato mula sa google, bagamat may aklat na ganito na noon ang makata

Biyernes, Hulyo 21, 2023

Panlapi't salitang ugat

PANLAPI'T SALITANG UGAT

HUWAD ba ang salitang ugat ng HUWARAN?
ULID ba o ULIR pagdating sa ULIRAN?
tiyak na TIPON ang ugat ng KATIPUNAN
at LIPON ang salitang ugat ng LIPUNAN

salitang ugat ba'y inimbentong salita?
salin ng Ingles na rootword sa ating wika?
sunod ba tayo sa gramatikang banyaga?
o may sarili't panuntunang balarila?

salitang ugat pag nilagyan ng panlapi
tiyak kahulugan na'y magbabagong uri
sa unaha'y unlapi, sa gitna'y gitlapi
halimbawa sa itaas nama'y hulapi

lagyan mo ng panlapi ang salitang SAMPAY
MAGSAMPAY, NAGSASAMPAY, SAMPAYAN, SINAMPAY
lahat ng panlapi nga'y nagamit mong tunay
depende sa panahon ang panlaping taglay

ganyan umiinog ang ating gramatika
panlapi't salitang ugat, pinagsasama
pabago-bago ma'y unawa mo talaga
nababatid ang sayusay o retorika

- gregoriovbituinjr.
07.21.2023

Huwebes, Hulyo 20, 2023

Sa ika-50 anibersaryo ng pagkamatay ni Bruce Lee

SA IKA-50 ANIBERSARYO NG PAGKAMATAY NI BRUCE LEE 
07.20.2023

bata pa'y napanood ko na siya
sa lima niyang gawang pelikula
The Big Boss at Fist of Fury talaga
Way of the Dragon, Enter the Dragon pa

pati ang di natapos na Game of Death
bantog siyang martial artist subalit
namatay siya sa gabing pusikit
sa kama niyong artistang marikit

ngunit pelikulang kinagiliwan
ng madla'y sadyang walang kamatayan
aiya'y naging imortal at huwaran
ng mixed martial arts sa kasalukuyan

isa si Ip Man sa kanya'y nagturo
ng wing chun ku, kaydakilang guro
ngunit turo nila'y di maglalaho
na kumalat sa iba't ibang dako

ang Jeet Kune Do ay tinatag niya rin
na kung aaralin ko'y didibdibin
tinipon ang kanyang mga sulatin
Tao of Jeet Kune Do ay sinaaklat din

mabuhay ka, Bruce Lee, sa iyong ambag
isa kang moog na sadyang matatag
sa pelikula't librong nailimbag
reputasyon mo'y di na matitinag

- gregoriovbituinjr.
07.20.2023

* BRUCE LEE - November 27, 1940 - July 20, 1973

Miyerkules, Hulyo 19, 2023

Di ako umaasa

DI AKO UMAASA

di ako umaasa sa anumang gantimpala
basta ako'y kikilos para sa obrero't dukha
magandang gantimpala na kung kamtin ang ginhawa
dahil lipunang makatao'y natayo nang sadya

di ako umaasang mayroong premyong salapi
basta tuloy ang kilos para sa bayan at uri
basta maibagsak ang mapang-api, hari't pari
maitayo'y lipunang patas, walang naghahari

di ako umaasa sa sinumang manunubos
na di darating, kundi ang sama-samang pagkilos
ng uring manggagawa, inapi't naghihikahos
labanan ang mapagsamantala't mapambusabos

walang gantimpala kundi makataong sistema
ang matayo para sa kinabukasan ng masa
guminhawa ang nakararami, di lang burgesya
sa pag-unlad dapat walang maiwan kahit isa

- gregoriovbituinjr.
07.19.2023

Lunes, Hulyo 17, 2023

Pagkasaid

PAGKASAID

nasasaid din ba ang haraya
kaya minsan ay di makatula?
may panahon ding nakatulala
sa kawalan, walang bungang diwa?

madalas tumitig sa kisame
butiki'y nakitang nagbabate
nang biglang dumapo'y kalapati
naroong kasama'y kulasisi

ano na ngayon ang iisipin
kung ang utak ay di pipigain
haraya'y wala sa toreng garing
wala rin sa pusaling maitim

baka dapat magpahinga muna
pagkat diwa't katawa'y pagod na
baka naman bukas ng umaga
haraya'y bumalik, nagdurusa

- gregoriovbituinjr.
07.17.2023

Linggo, Hulyo 16, 2023

Bawat tula ko'y piraso ng aking buto

BAWAT TULA KO'Y PIRASO NG AKING BUTO

bawat tula ko'y piraso ng aking buto
bawat katha'y tipak ng buong pagkatao
ang tula ko'y ako, ng aking pagkaako
sapul pagkabata hanggang aking pagyao

sumasagad sa buto, bungo'y nagdurugo
maitula lang ang nadaramang siphayo
bayo sa dibdib ay damang nagpapadungo
mga pilay sana'y gumaling na't maglaho

nang minsang madapa, nadama'y napilantod
animo'y nadurog ang aking mga tuhod
tila apektado rin ang aking gulugod
pati bawat kataga, saknong at taludtod

nadama kong napilayan akong matindi 
kaya pati sa pagkatha'y di mapakali
puso't diwa'y nayanig, sa dusa'y sakbibi
tulad ng pagtulang lumbay lagi ang saksi

patuloy akong kakatha ng tugma't sukat
may pilay man yaring pulso sa pagsusulat
sakaling tula ko'y binasa't dinalumat
tangi kong masasabi'y salamat sa lahat

- gregoriovbituinjr.
07.16.2023

Pag-amin

PAG-AMIN

inaamin ko, pangit talaga akong tumula
kaya mga nagbabasa't nagla-like ay bihira
di tulad ni makatang Glen at iba pang makata
madalas tumula't kaygaling talagang kumatha

minsan ngang magkita kami ni kasamang Marcelo
tanong niya'y bakit di nila-like ng kolektibo
ang mga tula ko, ayos lang iyon, ang sabi ko
ang mahalaga, sa pagkilos ay patuloy tayo

sinabi ni Pilosopo Tasyo'y gamit ko ngayon
na habang kausap si Ibarra'y nagsulat noon
nang di raw para sa kanyang mga kahenerasyon
sinulat sa baybayin, babasahin daw paglaon

mahalaga ngayon, sarili'y bigyan ng halaga
humaharap sa mundo ng taasnoo talaga
kahit tula ko'y tinuturing nilang walang kwenta
bagamat bawat tula'y tulay ko tungo sa masa

kaya pinagtutuunan ko na lang ay mensahe
para sa uri, para sa bayan, di pansarili
tuloy sa pagkatha kahit pa nila isantabi
o isuka ang aking tula, anong aking paki

napapangitan man sila sa aking tugma't sukat
ito ang aking paraang magbahagi sa lahat
bihira mang may mag-like, at tula ko'y inaalat
ay pinagbubutihan ko pa rin ang pagsusulat

- gregoriovbituinjr.
07.16.2023

Ang sosyalismo ay dagat

ANG SOSYALISMO AY DAGAT

anang isang kasama, ang sosyalismo ay dagat
walang nagmamay-ari, nakikinabang ay lahat
iyan din ang pangarap ko't adhika sa pagmulat
sa kapwa, uri't bayan, lasa man ay tubig-alat

di tulad ngayon, inangkin na ng mga kuhila
sa ngalan ng tubo, ang laksang bagay, isla't lupa
silang di nagbabayad ng tamang lakas-paggawa
at nagsasamantala sa obrero't maralita

sinong nais magmay-ari ng buong karagatan
marahil wala, pagkat di nila ito matirhan
baka naman may nagnanais na ito'y bakuran
upang yamang dagat ay kanilang masolo naman

sinong gustong may nagmamay-aring iilang tao
sa isang malawak na lupa dahil sa titulo
habang katutubo'y nakatira na noon dito
inagawan sila ng lupa ng mapang-abuso

mga pribilehiyo'y nasa mga nag-aari
yaman ng lipuna'y nasa burgesya, hari't pari
inapi ang tinuringang nasa mababang uri
ugat nga ng kahirapa'y pribadong pag-aari

kaya dapat nating ipagwagi ang sosyalismo
at itayo ang lipunang talagang makatao
di na korporasyon ang mananaig na totoo
kundi kolektibong pagkilos ng uring obrero

- gregoriovbituinjr.
07.16.2023

* litrato mula sa google

Sabado, Hulyo 15, 2023

Payak na pamumuhay

PAYAK NA PAMUMUHAY

payak lamang ang buhay naming tibak na Spartan
lalo't patuloy na nakikibaka sa lansangan
talbos ng kangkong at tuyong hawot man itong ulam
pinapapak man ng lamok, at banig ang higaan

kaming tibak na Spartan ay nariritong kusa
upang depensahan ang dukha't uring manggagawa
laban sa mga gahaman at mapang-aping linta
na nakikinabang sa dugo't pawis ng paggawa

patuloy naming hinahasa ang aming kampilan
at isipan at pinag-aaralan ang lipunan
bakit laksa'y naghihirap at mayama'y iilan
paano mababago ang bulok na kalagayan

sariling kaginhawahan ay di namin adhika
kaya pagpapayaman ay di namin ginagawa
nais naming dukha'y sabay-sabay na guminhawa
kaya aming itatayo'y lipunang manggagawa

- gregoriovbituinjr.
07.15.2023

Linggo, Hulyo 9, 2023

Nais kong itanim ang tula

NAIS KONG ITANIM ANG TULA

nais kong itanim ang tula
tulad ng bawang at sibuyas
kapara'y magagandang punla
na sa puso'y nagpapalakas

huhukay ng tatamnang lupa
binhi'y ilalagay sa butas
at maayos na ihahanda
kakamadahing patas-patas

lalagyan ng mga pataba
ang mga katagang nawatas
ang lulutang na talinghaga
ay alipatong nagdiringas

daramhin ang bawat salita
na sa gunita'y di lilipas
ulanin at arawing sadya
tutubong sabay at parehas

magbunga man ng luha't tuwa
pipiliin ang mapipitas
aanihin ang bagong tula
na alay sa magandang bukas

- gregoriovbituinjr.
07.09.2023

* litrato'y kuha ng makatang gala

Miyerkules, Hulyo 5, 2023

Sipnayan

SIPNAYAN

sineseryoso ko pa ring / pag-aralan ang sipnayan
na naunsyami nga noong / umalis sa pamantasan
upang sadyang pag-aralan / ang bayan, uri't lipunan
prinsipyo'y isinabuhay / bilang tibak na Spartan

binabasa-basa'y aklat, / inuunawang mabuti
pag may mga libreng oras / o kaya'y di mapakali
sipnayan sana'y natapos / subalit di nagsisisi
at ngayon binabalikan / ang kalkulus at dyometri

habang patuloy pa naman / sa paglilingkod sa madla
kasama'y mga kauring / manggagawa't maralita
tuloy ang pakikibaka't / tinutupad ang adhika
habang sa paksang sipnayan / ang sarili'y hinahasa

kurso kong B.S. Math noon / ay talagang di natapos
pagkat napapag-usapa'y / lagay na kalunos-lunos
ng dalita't manggagawa / kaya nagdesisyong lubos
umalis ng pamantasan, / paglingkuran ang hikahos

pagkat baka balang araw / ay mayroong maitulong
bagong sistema'y mabuo / sa tulong ng sipnayanon
paano bang kaunlaran / ay talagang maisulong
kung sakaling manalo na / ang asam na rebolusyon

ngunit di pa naman huli't / makakapag-aral muli
pagkat misyon at panahon / ay kayang ihati-hati
pag-aralan ang sipnayan / at paglingkuran ang uri
hanggang lipunang pangarap / ay ating maipagwagi

- gregoriovbituinjr.
07.05.2023

* sipnayan - math

Pagtula

PAGTULA

minsan, ayoko na ring tumula
pagkat ito na'y nakakasawa?
aba, aba, ang nagmamakata
ay titigil na ba sa pagkatha?

kapara ko ba'y sangkilong bigas
na nagtampo't wala nang mawatas
o kapara'y dahon ng bayabas
na di magawang maipanglanggas

balak, daniw, tula, binalaybay
kawatasan, rawitdawit, siday
anlong, dalit, diona, salaysay
o tanaga ang tulay sa buhay

ang tula ba'y kaya kong layuan
o panahon lang ng alinlangan
ah, pagtula'y di ko maiiwan
dama ma'y parang nasa kawalan

- gregoriovbituinjr.
07.05.2023

Sabado, Hulyo 1, 2023

Salamisim

SALAMISIM

nais kitang puntahan
sa yungib ng kawalan
bakit lagi ka riyan
sa putik at karimlan?

nais kitang makita
at kukumustahin ka
agila ka pa rin ba?
o isa ka nang maya?

madalas ka raw lugmok
at walang maisuksok?
ginhawa'y di maarok
sa trabahong pinasok?

kahapon ay kahapon
iba na ang panahon
kaisa ka sa layon
kaya kita'y magtulong

lalaban tayong sabay
sa mga tuso't sinsay
sa apoy maglalantay
ang kamao't palagay

pahalikin sa lupa
ang gahamang kuhila
at iligtas ang dukha
sa palamara't linta

- gregoriovbituinjr.
07.01.2023

Nilay sa unang araw ng Hulyo

NILAY SA UNANG ARAW NG HULYO

di ko pa batid noon ang landas kong tatahakin
kung ang maging inhinyero ba'y aking kakayanin
o maging sipnayanon kung aral ay pagbutihin

hanggang mapasok ako sa pahayagang pangkampus
at pagsusulat na ang kinahiligan kong lubos
mula sa numero'y sa titik na nakipagtuos

sa pahayagang pangkampus naman naimbitahan
upang maging tibak at pag-aralan ang lipunan
nagbago ang lahat nang lumabas ng pamantasan

hanggang maging aktibistang Spartan at namuhay
ng matatag habang prinsipyo'y tinanganang tunay
sa uri't sa bayan, ang iwing buhay na'y inalay

anong kahulugan ng buhay, saan patutungo
anong katuturan ng butil ng pawis at dugo
upang kamtin ang mga pangarap at di gumuho

marahil panahon ko'y di pa naman nagagahol
patuloy akong kakatha't masa'y ipagtatanggol
at gagampanan kong buong husay ang bawat tungkol

- gregoriovbituininjr.
07.01.2023

* sipnayan - math; sipnayanon - mathematician