paano nga ba ang paggawa ng maikling kwento
kung hindi ka naman nakikipag-usap sa tao
saan mo hahanguin ang mga ikukwento mo?
pulos ba sa haraya, sa pantasya o sa limbo?
di ba't ang kwento'y magandang may pinagbabatayan
lalo na't tunay na buhay ang iyong salalayan
ngunit kung sa kwentong pantasya'y mahusay ka riyan
tulad ng Encantadia, bawat akda'y pagbutihan
minsan, manood ng balita ng tunay na buhay
pag-ibig, aksidente, paglisan, puso'y umaray
makinig din sa tsismisan ng iyong kapitbahay
anong ginawa ng pulis sa ilalim ng tulay
subalit ano nga bang maipapayo ko rito?
basahin mo ang librong Mga Agos sa Disyerto
na sa panitikang pambansa'y isa nang klasiko
lima silang manunulat, may tiglilimang kwento
basahin mo pati kwento sa magasing Liwayway
ano ang mga salik ng kwento: tauhan, banghay,
lunan, panahon, ginamit na salita, magnilay
sa pagbabasa, ang pagkatha'y magiging makulay
kumuha ng bolpen at papel, simulang magsulat
minsan isipin din, sinong babasa't bubulatlat
sagutin bakit sa kwento mo sila'y mamumulat
matapos mabasa'y anong tumimo't nahalungkat?
- gregbituinjr.
Linggo, Hunyo 21, 2020
Biyernes, Hunyo 19, 2020
Sanaysay sa Taliba: ANG KASONG LIBELO
SERYE NG BATAS AT KARAPATAN
Ang kasong libelo
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.
Natatandaan ko noong ako pa’y editor ng pahayagang pangkampus na upang maging matagumpay ang kasong libelong isasampa sa iyo ay dapat may apat na batayan, at may daglat itong PIDM. Publication - paglathala; Identification - Pagkilala o pagtukoy; Defamation - Paninirang puri; at Malice - malisya. Pag wala ang isa man sa apat na ito ay hindi magiging hinog ang kasong libelo. Halimbawa, sa isang blind item, may presensya ng tatlo pero hindi tinukoy ang pangalan, hindi ito magiging matagumpay na kasong libelo, dahil kulang ng isa.
Gayunman, mas dapat din nating aralin ang batas sa libelo upang makaiwas tayong makasuhan sa isang sinulat nating di natin mapanindigan, o di natin mapatunayan sa harap ng hukuman.
Ayon sa Artikulo 353 ng Philippines Revised Penal Code, ang kahulugan ng libelo ay “a public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status or circumstance tending to cause dishonor, discredit or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.”
Sa simpleng sabi, pag may paninirang puri kang inilathala, maaari kang sampahan ng kasong libelo. Pagkat hindi garantiya ang kalayaang magpahayag. Ang pinaka-epektibong depensa rito ay ang katotohanan, at kaya mong idepensa ang iyong ulat ng mga katibayan, tulad ng preponderous evidence at testimonial evidence.
Dapat nauunawaan natin ito lalo na’t ginagawa natin ang ating pahayagang Taliba ng Maralita. Kaya may nagsusulat ng mga salitang “diumano”, “ayon sa saksi”, o sa Ingles ay “alleged”, at iba pa.
Paano maiiwasang makasuhan ng libelo? Ano ang dapat nating gawin pag tayo’y nakasuhan nito? Di sapat ang dapat handa tayong makasuhan ng libelo. Ang malaki riyan ay magkano ang piyansa, na di lang libo kundi milyong piso, lalo na’t ang nagsakdal ay mayaman at kilalang tao.
Sa susunod na isyu, pag-usapan naman natin ang isyu at batas hinggil sa cyberlibel.
* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-30, 2020, pahina 2.
Huwebes, Hunyo 18, 2020
Karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng kwarantina
KARAHASAN AT PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO SA PANAHON NG KWARANTINA
Saliksik ni Greg Bituin Jr.
Balitang-balita ang maraming paglabag sa karapatang pantao nang magsimula na ang lockdown o community quarantine noong kalagitnaan ng Marso 2020 dahil sa pananalasa ng COVID-19. Dapat daw, lahat ay may facemask, mag-alkokol, Stay-at-Home, mag-social distancing, atbp. upang maiwasan ang sakit na COVID-19. Habang ang marami'y nananawagan noon ng Free Mass Testing, at ayuda.
Subalit maraming paglabag sa karapatang pantao ang naganap, dahil mga pasaway daw ang mga nagtinda upang di magutom ang pamilya, hinambalos ng yantok, binugbog, sinaktan, kinulong, at ang pinakamatindi’y ang pagpatay. Ano pa bang aasahan natin kung sinabi mismo ng pangulo na “Shoot them dead!” sa sinumang lumalabag sa polisiya sa kwarantina? Tulad ng tokhang, karahasan ang mga naganap.
Kawawa ang inabot ng mga walang facemask, pulos maralita ang mga hinuli’t ikinulong. Habang ang mga sikat at kampi ni Duterte ay nakakalaya sa kabila ng mga paglabag din sa polisiya ng kwarantina. Sikat sa social media ang pagkakaligtas, sa kabila ng paglabag, nina Senador Koko Pimentel, Mocha Uson, Debold Suñas, at marami pang iba.
Kitang-kita ang tunggalian ng uri sa kasalukuyan. Tunay ang sinabi sa kantang Tatsulok: “At ang hustisya ay para lang sa mayaman.” At kita ito ng mga maralitang galit na sa nangyayaring inhustisya sa lipunan.
Nasaan na ang due process? Sa panahon ng tokhang nga’y walang due process, hahanapin pa ba natin ito sa ngayon? Oo. Sapagkat ito ang nararapat.
Sunod-sunod ang mga vendor na hinuli dahil gutom sila’t nais kumita upang mapakain ang pamilya. May 13-anyos na pinalo umano ng yantok ng pulis. Si Ka Dodong na taga-Navotas, na hinuli’t muntik maging isang desaparesido, dahil walang quarantine pass. May magsasakang namatay dahil tinanggihan ng anim na ospital. Pinaslang ang sundalong si Winston Ragos, gayong limang pulis ang naroroon. May war shock umano ang sundalo, ngunit tila may topak din ang pulis na bumaril sa kanya. Pati manggagawang nagdiwang ng Mayo Uno ay dinakip din at ilang araw namalagi sa kulungan.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, pag walang facemask sa QC, 6 na buwang kulong at P50K na multa. Anong klase ang ganitong pinuno, na imbes bigyan ng facemask ang walang facemask ay ikukulong pa?
Nakaparaming karahasan, na imbes tutukan ang COVID-19, ay pulos tapang at pananakit ang nararanasan ng mamamayan. Ganito nga ba ang pamahalaang pinamumunuan ng matapang na mamamatay-tao, at nagsabing una sana siyang nanggahasa sa isang babaeng Australianang pinaslang.
* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 10-11.
Linggo, Hunyo 14, 2020
Kwento - Ang pagtaas ng lebel ng dagat at ang 1.5°C
ANG PAGTAAS NG LEBEL NG DAGAT AT ANG 1.5°C
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Kausap ni Nestor ang mga kapitbahay niyang sina Inggo at Isay, “Alam n’yo ba, mga kasama, na kung hindi raw kikilos ang iba’t ibang gobyerno ay baka talagang hindi na maiwasan ang pag-iinit lalo ng ating mundo sa 2030. Ayon kasi sa IPCC (Intergovernmental Panel on Climate Change) Special Report on Global Warming, na inilabas noong Oktubre 2018, pag umabot na tayo sa 1.5°C sa 2030, hindi mapipigil ang sea level rise o kaya’y irreversible na ang pag-iinit ng mundo.”
“Nakupo, anong gagawin natin?”, ani Inggo, “Mamumundok na ba tayo pag bumaha na at tumaas na ang lebel ng tubig sa mabababang lugar, tulad sa ating lugar dito sa Malabon at sa karatig na Navotas?”
Sumagot si Isay, “Nabasa ko rin iyan. Napag-usapan nga sa isang talakayan hinggil sa klima na upang maiwasan daw ang mapaminsalang epekto sa klima, nakasaad doong dapat bawasan ang pandaigdigang emisyon ng humigit-kumulang 45% mula sa antas ng 2010 sa pagsapit ng 2030. Nakakatakot ang hinaharap ng daigdig pag umabot na tayo sa 1.5°C, tataas na ang dagat at lulubog ang maraming mga mabababang isla sa iba’t ibang panig ng mundo. Napakasalimuot ng siyensya lalo na kung di mo talaga aaralin. Hindi agad mauunawaan ng karaniwang tao maliban sa talagang dama na natin ang pag-init lalo ng panahon at mga pagbaha sa di naman dating binabaha. ”
“Oo nga, naiisip lang natin iyan pag nakadarama na tayo ng init. Sa a-otso pala ay World Oceans Day. Dapat ay may gawin tayong aktibidad hinggil sa usaping iyan lalo na’t pagtaas ng lebel ng dagat ang epekto ng sinasabi ng IPCC.” Ani Nestor.
“Buti, pinaalala mo,” ani Isay, “Aba’y katatapos nga lang kahapon ng World Environment Day, at sunod ay World Oceans Day naman. Ano ang naiisip mong aktibidad sa Hunyo 8? Aba’y sa Lunes na iyan, ah?”
“Kung dito lang sa ating Samahang Magkakapitbahay, madali lang magpatawag. Kahit mamaya ay asikasuhin na natin ang imbitasyon. Ala-una ng hapon sa harap ng bahay namin bukas, araw ng Linggo, para sa plano sa Lunes.” Sabi ni Inggo. “Pagkat ang mahalaga’y mapag-usapan natin iyang pagtaas ng lebel ng dagat. Imbitahan natin ang Philippine Movement for Climate Justice o PMCJ upang magtalakay ng 1.5°C at paglubog ng mga isla pag naabot na ang pagtaas ng lebel ng dagat.”
“Teka, sandali,” ani Nestor, “Baka may pagkilos sa a-otso. Kausapin muna natin ang mga taga-PMCJ at baka may rali, dalo tayo.”
“Baka sabihin ng PMCJ, ora-orada kung bukas ang pulong.” Ani Isay.
Si Inggo, “Ganito na lang, alamin muna natin kung may pagkilos sa Lunes, at magpulong muna tayo bukas kahit wala munang taga-PMCJ na magtalakay. Detalyehin muna natin ‘yung pagkilos sa Lunes. Sakaling umaga ang pagkilos, halimbawa, DENR o kaya sa Mendiola, ‘yung hapon naman ay igiit nating magtalakay sila sa ating kapitbahayan.”
Tumawag si Nestor sa PMCJ. Ani Nestor, “Meron daw pagkilos sa Lunes, sabi ng PMCJ. At pwede raw silang magtalakay sa atin bukas sa pulong natin dito. Kaya maghanda tayo, mabilisang imbitasyon sa mga kapitbahayan. Ayos ba sa inyo, mga kasama?”
“Okay. Kita-kits ng alauna sa tapat ng bahay mo. Mag-iimbita na rin ako kahit wala pang nakasulat na imbitasyon.” Nakangiting sabi ni Isay.
Kinabukasan, araw ng Linggo, alauna. Dumating si Jinky ng PMCJ at nagtalakay sa pulong na dinaluhan ng nasa dalawampung katao.
“Mga kasama,” ani Jinky, “Nakakapangamba ang ulat na ang sea level rise ay tumataas sa bilis na 5.7 hanggang 7.0 mm bawat taon dahil sa pag-iinit ng mundo, na sana’y di abutin ang 1.5°C. Maraming lulubog na isla at mga baybayin dahil sa sea level rise, at maaaring marating na natin ang point of no return. Bukas, Hunyo 8, ay World Oceans Day. May pagkilos tayo sa Mendiola. Ikawalo ng umaga ay magkita tayo sa harap ng UST. Ang dahilan bakit tayo tutungo sa Mendiola ay upang irehistro ang ating mga panawagan sa iba’t ibang gobyerno sa mundo, lalo na sa tinatawag na Annex I countries, na bawasan ang kanilang emisyon. Kaya ang mga panawagan natin: Cut the Carbon, Save the Coastline! Phase Out Coal and Fossil Fuel Now! Climate Justice Now!”
“Idagdag natin, Sea Level Rise is Genocide!” Ani Nestor. “Dalawang dyip tayo, ayos ba? Kita-kits bukas. Maghanda na rin tayo ng pagkain.”
“Okay, dalawang dyip. Agahan natin ang gising.” Ani Inggo.
“Maraming salamat, Jinky, sa iyong mga paliwanag!” Sabi ni Isay.
“Salamat din po sa inyong imbitasyon.” Tugon ni Jinky.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 1-15, 2020, pahina 18-19.
Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US
Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Black Lives Matter. Muling nabuo ang malaking protesta ng mga Itim sa Amerika bunsod ng pagkamatay ni George Floyd. Hindi ito tulad sa Pilipinas, na di pa agad masabing Brown Lives Matter, dahil Pilipino rin ang pumapatay sa kapwa Pilipino sa mga nagaganap sa salvaging o E.J.K (Extra-Judicial Killings) sa bansa.
Si George Floyd ay isang Egoy (Amerikanong Negro) na nakita sa video at litrato na nakadapa sa gilid ng isang police car, pinosasan ang mga kamay sa likod at dinaganan ng tuhod ng pulis na Puti ang kanyang leeg. Ang pulis, si Derek Chauvin, at tatlo pang pulis, ang umaresto kay Floyd, dahil diumano sa pekeng pera. Nangyari iyon sa Minneapolis noong Mayo 26, 2020.
"I can't breathe! (Hindi ako makahinga!)" ang paulit-ulit niyang sinasabi. Namatay siya sa kalaunan.
Kinabukasan ay sinibak agad ang apat na pulis. Ayon sa awtopsiya, homicide ang ikinamatay ni Floyd. Sa madaling salita, namatay siya sa kamay ng pulis na si Chauvin. Kinasuhan si Chauvin ng third-degree murder at second-degree manslaughter.
Dahil sa nangyari, nagkaroon ng malawakang protesta sa pagkamatay ni Floyd, at laban sa karahasan ng mga pulis na Puti laban sa mga Egoy, sa iba't ibang lugar ng Amerika, maging sa ibang panig ng mundo.
Bago iyon, bumili si George Floyd ng kaha ng sigarilyo sa Cup Foods sa Minneapolis, at nagbayad ng $20. Nang makaalis na siya pasakay ng kanyang SUV, tumawag ng pulis ang may-ari ng Cup Foods sa hinalang peke ang perang ibinayad ni Floyd. Kaya dumating ang mga pulis at inaresto si Floyd.
Sa ating bansa, marami nang pinatay ang mga pulis sa War in Drugs. Ang nangyari kay Kian Delos Santos, kung ikukumpara kay Floyd, ay nagpaputok din ng maraming protesta para sa hustisya.
Kung nagalit ang mga tao sa pagpatay na iyon ng pulis, na mitsa ng libu-libong protesta, sa ating bansa naman, sa takot pagbintangang kumakampi sa adik, ang kawalang proseso at kawalang katarungan ay tila binabalewala. Ayaw lumabas sa kalsada, ayaw iprotesta ang mga mali.
Dapat kumilos din tayo laban sa inhustisya. Dapat kumilos din tayo laban sa kawalang paggalang sa due process at karapatang pantao.
Nakagawa man ng pagkakamali si George Floyd, hindi siya dapat namatay, o "di-sinasadyang" pinatay. Isa siya ngayong inspirasyon sa pakikibaka laban sa racismo, karahasan ng mga Puti laban sa mga Itim, at laban sa police brutality.
Sa ating bansa, kung napanood natin ang dokumentaryong "On the President's Order", isa itong dokumentaryo sa War on Drugs at panayam sa mga totoong pulis at totoong pamilya ng biktima ng pagpaslang.
Ang pakikibaka para sa hustisyang panlipunan ay ipinakita sa pagkamatay ni George Floyd sa Amerika, habang si Kian delos Santos naman, bilang naging kinatawan ng iba pang pinaslang. Kung maisasabatas pa sa ating bansa ang Terror Bill, baka mas lalong umabuso ang mga nasa kapangyarihang nang wala pang Terror Bill ay marami nang pinaslang nang walang paggalang sa due process.
Nawa'y makamtan ng mga biktima ng pamamaslang ang hustisya!
* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal ng publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 18-19.
Sabado, Hunyo 13, 2020
Sa panahon ng mga robot
Sa panahon ng mga robot
sinanay sila upang maging mga ala-robot
sumunod lang sa chain-of-command at huwag sumagot
sinanay sa "yes sir", tiger look na nakakatakot
sinanay raw nang sa laban ay di lalambot-lambot
kaya trato nila sa mga sibilyan ay plebo
na papaluin lang upang disiplinahin ito
hazing sa akademya'y dinala nila sa tao
babanatan agad ang pasaway o kalaboso
kaya sa kwarantina'y walang kara-karapatan
ang mamamayang tinatrato nang parang kalaban
nirerespeto lang nila'y naghahari-harian
tingin sa sarili'y mas mataas kaysa sibilyan
kasangkapan lang sila ng dalahirang rehimen
tanging kakampi niya't sunud-sunurang alipin
kaya sa Terror Bill ay gigil isabatas na rin
na siyang magtatanggol sa pangulong utak-lumpen
ganyan ang utak ng mga robot na palamara
mabuti pang maalis ang lupit ng istruktura
at maitayo ang totoong depensa ng masa
mula sa mamamayang marunong makipagkapwa
karapatang pantao'y kanilang iginagalang
bawal sa kanila ang E.J.K. o pamamaslang
dinadaan sa wastong proseso ang bawat hakbang
sinanay silang magalang, di maging salanggapang
#JunkTerrorBillNow
#AyawNaminSaTerorismoNgEstado
- gregbituinjr.
06.13.2020
sinanay sila upang maging mga ala-robot
sumunod lang sa chain-of-command at huwag sumagot
sinanay sa "yes sir", tiger look na nakakatakot
sinanay raw nang sa laban ay di lalambot-lambot
kaya trato nila sa mga sibilyan ay plebo
na papaluin lang upang disiplinahin ito
hazing sa akademya'y dinala nila sa tao
babanatan agad ang pasaway o kalaboso
kaya sa kwarantina'y walang kara-karapatan
ang mamamayang tinatrato nang parang kalaban
nirerespeto lang nila'y naghahari-harian
tingin sa sarili'y mas mataas kaysa sibilyan
kasangkapan lang sila ng dalahirang rehimen
tanging kakampi niya't sunud-sunurang alipin
kaya sa Terror Bill ay gigil isabatas na rin
na siyang magtatanggol sa pangulong utak-lumpen
ganyan ang utak ng mga robot na palamara
mabuti pang maalis ang lupit ng istruktura
at maitayo ang totoong depensa ng masa
mula sa mamamayang marunong makipagkapwa
karapatang pantao'y kanilang iginagalang
bawal sa kanila ang E.J.K. o pamamaslang
dinadaan sa wastong proseso ang bawat hakbang
sinanay silang magalang, di maging salanggapang
#JunkTerrorBillNow
#AyawNaminSaTerorismoNgEstado
- gregbituinjr.
06.13.2020
Maging alisto sa patalon-talong password sa fb
Maging alisto sa patalon-talong password sa fb
sa pagtipa ng email sa facebook, maging alisto
lalo na't biglang patalon-talon ang password nito
at maiiwan doon sa lalagyan ng email mo
kaya yaong makakakita sa facebook mo'y may clue
aba'y pag kumabit ang password mo sa iyong email
baguhin mo agad ang password mo upang mapigil
ang makaalam nito, baka magamit ng sutil
at palitan ang password mo ng sinupamang taksil
kaya sa password na patalon-talon ay mag-ingat
baka sa internet shop ay maiwanan mong sukat
maging alisto kang lagi nang huwag kang malingat
mahirap nang iba ang sa facebook mo makabuklat
parang lagakan ng iyong talambuhay ang facebook
akda, litrato, alaala'y diyan mo sinuksok
kaya pag-ingatan ito nang di ka rin malugmok
nang di maisahan ng matalinong asal-bulok
- gregbituinjr.
06.13.2020
sa pagtipa ng email sa facebook, maging alisto
lalo na't biglang patalon-talon ang password nito
at maiiwan doon sa lalagyan ng email mo
kaya yaong makakakita sa facebook mo'y may clue
aba'y pag kumabit ang password mo sa iyong email
baguhin mo agad ang password mo upang mapigil
ang makaalam nito, baka magamit ng sutil
at palitan ang password mo ng sinupamang taksil
kaya sa password na patalon-talon ay mag-ingat
baka sa internet shop ay maiwanan mong sukat
maging alisto kang lagi nang huwag kang malingat
mahirap nang iba ang sa facebook mo makabuklat
parang lagakan ng iyong talambuhay ang facebook
akda, litrato, alaala'y diyan mo sinuksok
kaya pag-ingatan ito nang di ka rin malugmok
nang di maisahan ng matalinong asal-bulok
- gregbituinjr.
06.13.2020
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)










