Miyerkules, Hulyo 27, 2022
Martes, Hulyo 26, 2022
Kepler 186f
KEPLER 186F
may nakitang planetang kapara raw ng daigdig
anang mga astronomo sa kanilang saliksik
natagpuan ang planetang Kepler, mayroong tubig
na marahil may nabubuhay ding ating kawangis
"There is no planet B!" sigaw ng mga aktibista
walang makapapalit sa mundong nilakhan nila
kayâ kung may natagpuang mundong sa atin gaya
dapat pang suriin kung may nabubuhay talaga
bakit mundo'y sinisira't naghahanap ng bago
pinabilis ang pagbabago ng klima ng mundo
pulos coal plant, pagmimina, bundok ay kinakalbo
kalsada't dagat ay pinagtatapunang totoo
ngayong may panibagong planeta silang nahanap
bubuo ba tayo roon ng lipunang pangarap?
o kaya'y sistemang walang mayaman at mahirap?
o alagaan ang tanging mundo't tahanang ganap?
- gregoriovbituinjr.
07.26.2022
Pagsulong
PAGSULONG
10 pantig bawat taludtod
kumakalat na ang alimuom
at tumitindi ang halibyong
kaharap man natin ay linggatong
maging positibo sa pagsulong
- gregoriovbituinjr.
07.26.2022
talasalitaan:
alimuom - tsismis, ayon kay national artist poet Rio Alma
halibyong - fake news, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino
linggatong - ligalig, nabanggit sa Florante at Laura ni Balagtas
Martes, Hulyo 19, 2022
Robot
ALAM ko kaagad ang sagot nang di nakikita ang karugtong. Para bagang ang google ay nagtanong. Fill in the blanks. Sagot ko: Robot. Nabasa ko na kasi ito noon sa libro ni Isaac Asimov, isa sa tatlong master ng science fiction genre. Tama ang sagot.
Napagawa akong bigla ng munting tula hinggil dito.
ROBOT
iyon ay salitang mula sa Czech
mula panulat ni Karel Capek
"compulsory labor" pala iyon
o sapilitang paggawa, gan'on
nasa aklat din na "Caves of Steel"
ni Isaac Asimov, napaskil
sa utak ko ang mga binasa
lalo't sci-fi, ukol sa siyensya
si Karel Capek unang gumamit
sa kanyang mga kwentong marikit
kwento niya'y sinalin sa atin
akda niyang kaysarap basahin
robot ng Star Wars at Star Trek
mula panulat ni Karel Capek,
pagpupugay ang aking paabot
sa imbentor ng salitang "robot"
- gregoriovbituinjr.
07.19.2022
Ipipinta ko
IPIPINTA KO
kung tutularan ko si Da Vinci
aking gagawing kawili-wili
ang mga tula kong hinahabi
upang ihandog sa kinakasi
kung tutulara'y si Van Gogh naman
ilalarawan ko ang lipunan
ng laksang dukha't mayamang ilan
patungo sa pagbabagong asam
ako'y ipinanganak ni Inay
nang si Marcel Duchamp ay namatay
pintor siyang kaygaling ng kamay
Oktubre Dos, kami'y nagkasabay
siya'y nawala, ako'y nabuhay
aking ipipinta sa salita
ang asam ng uring manggagawa
aking ipipinta sa kataga
ang kalikasan, gubat at sigwa
ipipinta'y adhika't pangarap
pawis at amoy na nalalanghap
ipipinta sa kapwa mahirap
ang ginhawang dapat nalalasap
- gregoriovbituinjr.
07.19.2022
Lunes, Hulyo 18, 2022
Upos
parang kandila pag sinindihan
upang hititin ng nagninilay
mamaya'y liliit ng tuluyan
ang yosing may kasiyahang bigay
ang natirang ipit ng daliri'y
sa kung saan na lang ipinitik
sa daan, pasilyo, di mawari't
ginawa ng buong pagkasabik
ah, matapos sunugin ang baga't
paliparin ang usok sa hangin
at itaktak ang titis sa lupa
ginhawa'y panandalian man din
ikinalat na upos sa daan
ay salamin ng ating lipunan
- gregoriovbituinjr.
07.18.2022
Tsismis ay alimuom
TSISMIS AY ALIMUOM
tsismis ay alimuom, anang Rio Alma
sa isang sanaysay niyang aking nabasa
na iniulat naman ni Ambeth Ocampo
na sa ngayon ay binabanatan nang todo
mas matindi pa raw sa pakpak ng balita
yaong alimuom, sabi pa ng makata
singaw galing sa lupa matapos ang ambon
o ulan, tsismis ay lumitaw ding ganoon
historya'y tsismis daw, anang isang Ella Cruz
tila ba turo sa paaralan ay kapos
dapat sa historya'y may fact check at batayan
di basta narinig, iyon na'y kasaysayan
ah, dalawang iyon ay dapat pag-ibahin
di tsismis ang kasaysayan ng bayan natin
maraming dapat gawin kung ganyan ang batid
ng henerasyon ngayon, kilos na, kapatid
- gregoriovbituinjr.
07.18.2022
Talasalitaan:
* alimuom - singaw na galing sa lupa pagkatapos ng ulan o ambon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 34
* tsismis - mula sa Espanyol na chismes, kaswal na usapan o balita hinggil sa ibang tao, karaniwang kaugnay ng mga detalyeng hindi kumpirmadong totoo, UPDF, p. 1279
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)










