Linggo, Marso 10, 2024

Ulat: Pagkitil ng buhay

ULAT: PAGKITIL NG BUHAY

dalawang magkatabing ulat ang natunghay
sa di pa panahong pagkawala ng buhay
edad siyam, ni-rape/slay ng kapitbahay
may nagbigti sa puno at nagpakamatay

nakitang patay ang isang batang babae
puno ng pasa, panggagahasa'y posible
sa isang compound, isang lalaki'y nagbigti
baka doon pa ang trabaho ng lalaki

may foul play o sadyang nagbigti? aking tanong
dapat imbestigahan, sinong isusuplong?
marahil ay pinaslang ng sa droga'y lulong
ang batang babae, hustisya ay isulong!

nawa'y magkaroon ito ng kalutasan
upang damhin ng pamilya'y kapanatagan

- gregoriovbituinjr.
03.10.2024

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 9, 2024, p.2

3 endangered species, nasagip sa Quezon

3 ENDANGERED SPECIES, NASAGIP SA QUEZON

mabuti't nasagip ang tatlong endangered species
nakitang pawikan sa aplaya ng Tayabas Bay
olive ridley sea turtle sa Barangay Dalahican
ang Eastern Grass Owl sa Awasan, Tabang, Tagkawayan

endangered species dahil sila na'y nanganganib
mawala dahil kaunti na lang sila sa liblib
ang extinction nila'y baka di na natin malirip
mabuti't ngayon pa lang, ispesyi nila'y nasagip

nasabing pawikan ay may tatlumpung kilong bigat
pagong ay animnapu't walong sentimetrong sukat
ang kuwago naman sa Sitio Awasan nasipat
ngayo'y ibinalik sa natural nilang habitat

maraming salamat sa nakasagip sa kanila
ibig sabihin, daigdig pa rin ay may pag-asa

- gregoriovbituinjr.
03.10.2024

* balita mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 9, 2024, pahina 9

Sabado, Marso 9, 2024

Sahod ng manggagawa, itaas! Sahod ng SSS executives, bawasan! Ibahagi sa manggagawa!

SAHOD NG MANGGAGAWA, ITAAS! SAHOD NG SSS EXECUTIVES, BAWASAN! IBAHAGI SA MANGGAGAWA!
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa loob ng pabrika o anumang pagawaan, ang usapin ay sahod versus tubo. Pag itinaas ang sahod ng manggagawa, mababawasan ang tubo. Kaya binabarat ang sahod ng manggagawa, dahil upang hindi mabawasan ang tubo, pati na ang kinikita ng mga malalaking negosyante o mga matataas na namumuno sa isang kumpanya o ehekutibo.

Pag nanawagang itaas ang sahod ng manggagawa, umaangal ang mga employer na maaapektuhan sila. At madalas iniuugnay ito sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Pag tumaas daw ang sahod ng manggagawa, magmamahal din daw ang pangunahing bilihin. Kaya ayaw itong itaas. Kinakailangan pa ng mga manggagawa na ipaglaban na itaas ang kanilang sahod.

Subalit pag tumaas ang kinikita ng mga kapitalista, negosyante, o pinuno ng mga ehekutibo, hindi nila sinasabing magmamahal ang presyo ng mga bilihin.

Ang manggagawa sa NCR ay may minimum wage na P610.00 kada araw, at sa isang buwan ay P610 x 26 days = P15,860. Sa loob ng isang taon, ito ay P15,860 x 12 = P190,320.

Nagsaliksik tayo ng mga sahod o kinikita ng mga negosyante, kapitalista, o ehekutibo ng isang kumpanya. Nasaliksik natin ang sa SSS, kaya ito ang binigyang-pansin natin sa artikulong ito.

Gayunman, ang trabaho bang walong oras ng manggagawa ay hindi maipapantay sa trabahong walong oras ng mga ehekutibo ng SSS? Natatandaan ko, may panawagan noon na ipantay sa sahod ng manggagawa ang sahod ng mga lingkod bayan. Alam nating magkaiba ang sistema sa gobyerno kumpara sa kumpanya. Subalit sa punto na parehong nagtatrabaho ng walong oras ang manggagawa at taong gobyerno, tulad ng taga-SSS, na bibigyang halimbawa natin dito, bakit mas mataas ang sahod ng taga-SSS kumpara sa isang regular na manggagawang tumatanggap ng minimum wage? Naaapektuhan ba talaga ng dagdag-sweldo ang presyo ng bilihin?

Tingnan natin ang monthly salary ng mga SSS officials, na nasa kawing na: https://www.sss.gov.ph/sss/DownloadContent?fileName=SSSCOMPACKDEC16_final.pdf


Ang buwang sahod at alawans sa isang buwan ng Branch Head / Department Head/Asst. Branch Head ay P50,919.00 at sa isang taon ay 611,028.00. May benepisyo kada taon ay P152,738.00. Sumatotal ay P763,766.00. Meron pa silang Provident fund na ibig sabihin ay employer share na 40% ng monthly salary, na P16,347.60.

Sa sumunod na kolum, ang sahod at alawans ng isang Branch Head/ Department Head ay P72,098.00 kada buwan, at sa isang taon ay P865,176.00. May dagdag benepisyo pa kada taon na P192,346.00. Sumatotal ay P1,336,744.00. Dagdag pa ang  Provident fund na P24,269.20,

Ang buwanang sahod at alawas naman ng Asst. Vice President ay P91,028.00, at kada taon ay P1,092,336.00. May dagdag benepisyo pa ito kada taon na P231,256.00. Sumatotal ay P1,323,592.00.

Nariyan din ang buwanang sahod, alawans at mga dagdag benepisyo ng Vice President, Senior Vice President, at President and CEO.

Subalit sa taas ng kanilang sinasahod, wala tayong narinig na pag tumaas ang kanilang sahod ay tataas din ang presyo ng mga bilihin! Naapektuhan ba ang bilihin nang tumaas ang sahod ng mga taga-SSS? Hindi, di ba?

Subalit pagdating sa karaniwang manggagawa, tumaas lang ng isangdaang piso ay sasabihin agad na magtataasan ang presyo ng mga bilihin. Sahod at presyo ba talaga ang magkatambal o magkatunggali, kaya sigaw natin: Sahod itaas, Presyo ibaba?

Ibig sabihin, hindi talaga sahod at presyo ang magkatambal o magkatunggali. Pagkat sa loob ng pabrika, sahod at tubo ang talagang magkatunggali. Pag tumaas ang sahod, maapektuhan at bababa ang tubo. Kaya ayaw itaas ang sahod, upang hindi maapektuhan at mabawasan ang tubo ng kapitalista.

Pagkumparahin natin ito sa minimum wage na natatanggap ng isang regular na manggagawa:

Buwanang sahod ng manggagawa: P15,860
Buwanang sahod at alawans ng taga-SSS: P50,919.00

Taunang kita ng manggagawa: P190,320
Taunang sahod, alawans at benepisyo ng taga-SSS: P763,766.00

Hindi tayo umaangal na higit triple ang kinikita ng taga-SSS kaysa karaniwang manggagawa, dahil hindi naman tumataas ang presyo ng bilihin, subalit umaangal sila pag taasan lang ng P100 ang minimum wage ng manggagawa, at sasabihing tataas ang presyo ng bilihin pag tumaas ang sahod ng manggagawa. 

Sinubukan ko gawan ng tula ang usaping ito:

USAPING SAHOD NG MANGGAGAWA'T EHEKUTIBO

mahal ang benepisyo't sweldo ng taga-gobyerno
subalit presyo ng bilihin ay di apektado
gayong taasan lang ng sandaang piso ang sweldo
ng obrero, bilihin na'y magmamahal ang presyo

dito pa lang ay ating masusuring binobola
talaga tayo ng mambobolang kapitalista
di itataas ang sahod ng manggagawa nila
basta tumubo ng tumubo, kumita't kumita

panahon nang itaas ang sahod ng manggagawa
upang sadyang umunlad ang ekonomya ng bansa
sahod ng mga taga-gobyerno yaong ibaba
kung nais na ekonomya'y paunlarin ngang sadya

kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
sa artikulo't tulang ito'y ating salalayan

03.09.2024

Mga pinaghalawan:

Ang salin ng lobo

ANG SALIN NG LOBO

sa wikang Filipino
sinasalin ang lobo
na wolf o balloon dito
naunawa ba ito

"The wicked wolf" ang salin
ay "Ang masamang lobo"
tanong naman sa krosword
ay "Balloon sa Tagalog"

di tayo nalilito
sa wikang Filipino
ngunit ang mungkahi ko
wolf ay di dapat lobo

pabulang kakathain
ko'y "The Wolf and the Balloon"
na salin ko'y ganito:
"Ang Lobo at ang Lobo"

ang balloon na ang lobo
marahil wolf ay wolpo
upang maiba ito
pag sinalin ng dayo

- gregoriovbituinjr.
03.09.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 9, 2024, p.7
* aklat na "The Wicked Wolf" na may salin na "Ang Masamang Lobo"

Usapang wika: Sinong nagtalaga? Sinong itinalaga?

USAPANG WIKA: SINONG NAGTALAGA? SINONG ITINALAGA?

headline ito ngayon sa pahayagang Philippine Star:
"Rody named Quiboloy group property administrator"
tanong: sinong nagtalaga, sinong itinalaga?
si Rody ba ang nagtalaga kay Quiboloy?
o si Rody ang itinalagang mamahala
bilang administrador ng pag-aari ni Quiboloy?

nakakalito sa unang tingin
pagkat may dalawang kahulugan
alin sa dalawa ang iyong uunawain
dapat ang balita muna'y iyong basahin
upang maunawa ang talagang ibig sabihin

mas madaling maunawa at direkta ang kahulugan
ng ulat sa pahayagang Pilipino Star Ngayon
"Digong, pangangasiwaan, ari-arian ni Quiboloy"
sa Pinoy, madaling maunawa ang sariling wika
walang paligoy-ligoy, diretsahang mauunawa

- gregoriovbituinjr.
03.09.2024

Biyernes, Marso 8, 2024

Pagdalo sa pagkilos ng kababaihan

PAGDALO SA PAGKILOS NG KABABAIHAN

mula EspaƱa ay nagmartsa papuntang Mendiola
ang kababaihan ngunit hinarang sa Morayta
ang mga nagmartsa ng dalawang trak ng pulisya
magkabila kaya doon na sila nagprograma

"Labanan ang Cha-Cha ng mga Trapo at Dayuhan!"
"Kilos Kababaihan, Labanan ang Kagutuman,
Kalamidad at Karahasan!" anong katugunan
nitong pamahalaan sa kanilang panawagan?

O, kababaihan, kami'y nagpupugay sa inyo
kayong nabubuhay na kalahati nitong mundo
tara, magkaisa't kumilos sa maraming isyu
at matinding labanan ang Cha-Cha ng trapo't dayo

may iba pang plakard at panawagang namataan:
"Makababae at makataong pamahalaan
Hindi gobyerno nitong mga trapo at dayuhan"
"Hustisyang panlipunan, hindi Cha-Cha ng iilan!"

panawagang kung isasaloob at maninilay
ay kikilos tayo at patitibayin ang hanay
sa kababaihan, taas-kamaong pagpupugay!
tuloy ang ating laban! mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
03.08.2024

Tutungo ba ako sa rali ng kababaihan?

TUTUNGO BA AKO SA RALI NG KABABAIHAN?

tutungo kaya ako sa rali ng mga babae
sa Araw ng Kababaihan, gayong ako'y lalaki
baka ma-out of place ako roon, anong aking silbi
subalit maganda ring pumunta kung hanap ko'y rali

marahil ay kumuha ng ulat para sa Taliba
ng Maralita, na pahayagan ng mga dalita
iyon ang headline sa Taliba na dapat ibalita
ah, iyon nga marahil, kaya ako'y pupunta na nga

itutula ko ang mga isyu ng kababaihan
na kanilang ilalatag sa pagmartsa sa lansangan
ang tulad ko'y di dapat mawala sa raling anuman
lalo't maraming maralita'y pawang kababaihan

pasya ko ngayon ay magtungo sa nasabing pagkilos
upang ipakita ang aking pakikiisang lubos

- gregoriovbituinjr.
03.08.2024