Miyerkules, Marso 27, 2024

Oras - TIME, EMIT, ITEM

ORAS - TIME, EMIT, ITEM

anumang panahon / o anumang oras
bumuga ng usok / o anumang bagay
mahalaga lagi, / ito ba'y parehas
o sa masa'y patas / pag iyong nanilay?

kapara'y daigdig, / nagbabagong klima
sa internasyunal / pinag-uusapan
sugat ba ng mundo'y / mapaghihilom pa?
hustisyang pangklima / na'y pinanawagan

rambulin ang METI, / lalabas ba'y ano?
ang salitang EMIT, / ang TIME at ang ITEM
marahil merong MITE, / ngunit ano ito?
sa palaisipan / ay ating nasimsim

ang panahon nati'y / hinati sa walo
na siyentipiko: / oras ng pahinga
oras sa sarili, / oras ng trabaho
may laan ding oras / para sa pamilya

asawa'y malambing / pagkat may panahon
si mister sa kanya, / ang mutyang diwata
lalo't ang pag-ibig / ay di nakakahon
dama ang pagsinta, / at dama'y malaya

- gregoriovbituinjt.
03.27.2024

* litrato mula sa app na Word Connect

Martes, Marso 26, 2024

Kalbaryo ng Maralita

KALBARYO NG MARALITA

kanina, aming isinagawa
itong Kalbaryo ng Maralita
sa Mendiola kami patutungo
sa Morayta hinarangang buo

ng mga pulis ang maralita
sa Morayta na lang nagsalita
mga maralita'y di nasindak
kahit sangkaterba pa ang parak

isyu sana'y nais iparinig
sa Malakanyang at mga kabig
imbes Malakanyang, sa FEU
hinaing ay pinarinig dito

trabaho't pabahay, hindi ChaCha
ang 4PH ay hindi pangmasa
ang manpower agencies na linta
ay marapat nang buwaging sadya

tuloy ang pagtaas ng bilihin
at di mabayaran ang bayarin
sa lowcost housing at relokasyon
may banta pa rin ng demolisyon

dito'y aming mga panawagan
ChaCha ay ilantad at tutulan
ang krisis sa kabuhayan, klima
at karapatan ay wakasan na

4PH ay di pangmaralita
kaya isinusumpa ng dukha
4PH ay pangkapitalista
kaya dapat itong ibasura

di payag na sandaang porsyento
lupain ay ariin ng dayo
ang iskwater sa sariling bayan
ay di na dapat pang madagdagan

patuloy na nadaramang sadya
itong Kalbaryo ng Maralita
kailan ba giginhawa sila?
pag sistemang bulok, nabago na?

- gregoriovbituinjr.
03.26.2024

* ang litrato'y kuha ng makatang gala sa Kalbaryo ng Maralita, sa tapat ng UST bago magmartsa patungong Mendiola, Marso 26, 2024

Inyong kamtin ang titulo

INYONG KAMTIN ANG TITULO

sa Letran Squires, pagbutihin ninyo
ang paglalaro at pag-eensayo
nawa sa inyong laban ay manalo
at makamit ang asam na titulo

apat na dekada nang nakaraan
nang naghayskul sa ating paaralan
panahon ni Samboy Lim nang nariyan
nang tatlong titulo'y napagwagian

panahon nina Libed at Tabora
nang Letran Squires ay umarangkada
ngayon naman ay inyong ipakita
na titulo'y mapasakamay n'yo na

magpatuloy kayo't sadyang magsikhay
at makakamit ninyo ang tagumpay
mabuhay ang Letran Squires! Mabuhay!
sa inyo'y taospusong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
03.26.2024

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 26, 2024, pahina 12

Lunes, Marso 25, 2024

Gabi na naman

GABI NA NAMAN

gabi na naman, nais kong matulog
matapos kumain ng pansit luglog
pagkat katawan ko'y parang nalamog
tila namamayat na't di malusog

ako'y isang matikas na bubuyog
na mapulang rosas ang pinupupog
habang nektar ay sinipsip, minumog
ngunit sa tinik nito'y nalalasog

ano kaya ang kaya kong ihandog
sa bulaklak na mutya't iniirog
subalit kanina ulo ko'y nauntog
mabuti't araw ko'y di pa palubog

gabi na at nais ko nang matulog
pag binangungot ay agad mayugyog

- gregoriovbituinjr.
03.25.2024

Pabasa 2024

PABASA 2024
para sa Kalbaryo ng Maralita

4PH pala'y negosyo
para sa ating gobyerno
kung di matatag ang sweldo
ay di ka puwede rito
4PH nila'y negosyo

para sa iskwater iyon
iniba ang depinisyon
para sa ISF ngayon
kung walang pambayad doon
ay di ka puwede roon

manggagawa'y nagtitiis
maging kontraktwal ng labis
habang manpower agencies
na linta sa manggagawa
ay laging nakabungisngis

presyo ng mga bilihin
pataas ng pataas din
aba'y dapat repasuhin
nitong Kongreso't Senado
ang wage fixing mechanism

iyang RA 9507
kondonasyon, restructuring
pahirap sa lowcost housing
pag di bayad ang bayarin
agad kang palalayasin

ang ChaCha ay panlilinlang
na naman sa mamamayan
ibebenta sa dayuhan
itong ating kalupaan
negosyo'y lalong yayaman

sandaang porsyentong lupa
aariin ng dayuhan
iyan ang nais ng ChaCha
iskwater sa ating bayan
lalong walang matitirhan

ang RA 9507
at 4PH, IBASURA
ibasura rin ang ChaCha
nais naming maralita
ay makataong sistema

- gregoriovbituinjr.
03.25.2024

* inihanda upang gamitin sa aktibidad na "Kalbaryo ng Maralita" mula UST EspaƱa tungong Mendiola, Maynila, umaga ng Marso 26, 2024

Linggo, Marso 24, 2024

Itutulog ko na lang muna

ITUTULOG KO NA LANG MUNA

itutulog ko na lang ba itong hinaing?
bakasakaling mawala kapag nagising?
malulutas ba ito habang nahihimbing?

tandang dapat nang matulog ang paghihikab
at nais ko nang matulog katabi si Lab
nais magsulat ngunit antok na'y nanunggab

itutulog ko muna ang maraming paksa
itutulog ko muna ang aking pagluha
itutuloy na lang bukas ang ginagawa

diwata'y nais kong makasama sa ulap
habang nagpapalitan ng mga hinagap,
ng mga taludtod, talulot, pangungusap

ay, di muna tutula, ako'y tutulog na
pagkat paglalakbay ko'y mahaba-haba pa
at bukas na lamang muli tayong magkita

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024

* dibuho mula sa google

Meryenda muna

MERYENDA MUNA

ako muna'y magmemeryenda
katatapos ko lang maglaba
pinigaan at sinampay na
at bukas naman magpaplantsa

tarang magkape't magtinapay
habang pahinga't nagninilay
tarang pagsaluhan ang monay
habang isip ay naglalakbay

tapos maglalampaso naman
bawat sahig ay pupunasan
pag linggo'y ganyan kadalasan
walang pahinga sa tahanan

simple lang ang meryenda ngayon
kape't monay lang ang nilamon
subalit di gaya kahapon
na nabitin sa pansit kanton

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024