Huwebes, Mayo 9, 2024

Larong dikdikan ng utak

LARONG DIKDIKAN NG UTAK

dikdikan ng utak ang larong chess
dapat utak sa laro'y mabilis
mga tira'y suwabe, makinis,
matulis, kalaba'y tinitiris

chess super grandmaster na totoo
kaya ako sa kanya'y saludo
galingan mo, kabayang Wesley So
sa Romania'y maglalarong todo

kaytaas ng iyong ELO rating
at pangsiyam ka pa sa world ranking
ipakita mo ang iyong galing
at kampyonato'y iyong angkinin

sa chess, dapat kang maging matibay
lalo't kalaban ay kayhuhusay
kami'y taasnoong nagpupugay
sa iyo, mabuhay ka, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
05.09.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-2 ng Mayo, 2024, pahina 11

Magkaisa laban sa ChaCha ng elitista't dayuhan

MAGKAISA LABAN SA CHACHA NG ELITISTA'T DAYUHAN

nagrali muli sa harapan ng Senado
upang ang Charter Change ay tutulang totoo
banta iyang ChaCha ng elitista't dayo
sa kasarinlan, sa bayan at sa obrero

mga trapong elit ang nakaupo ngayon
sa iba't iba't matataas na posisyon
nais nilang distrungkahin ang Konstitusyon
para sa elitista't dayong korporasyon

nais nilang dayo'y mag-ari ng lupain,
masmidya, pampublikong serbisyo'y ariin
pati termino'y nais nilang palawigin
kaya ang bantayan sila'y ating tungkulin

tutulan, labanan, huwag pahintulutan
sandaang porsyento'y ariin ng dayuhan
magkaisa na laban sa mga gahaman
na iniisip ay sariling pakinabang

nagrarali kami upang isyu'y marinig
ng sambayanang tinatanggalan ng tinig
at magkaisa laban sa mapanligalig
na elitista't trapong dapat lang mausig

- gregoriovbituinjr.
05.09.2024

* salamat sa mga kasamang kumuha ng litrato
* kuha sa harap ng Senado

Miyerkules, Mayo 8, 2024

Anong isusulat ko ngayong gabi?

ANONG ISUSULAT KO NGAYONG GABI?

anong isusulat ko ngayong gabi?
habang nakatingala sa kisame
mga isyu pa rin bang pang-aapi?
at pagsasamantala ng salbahe?

o muli'y pag-ibig sa isang mutya
na naging katuwang ko na't kalakbay
o pakikibaka ng manggagawa
tungo sa pinangarap na tagumpay

kayraming paksang di basta malimot
dahil sa mga danas na akibat
na kung bubuksan ang kwaderno'y lukot
nang nilamukos ang dapat mabuklat

marahil ang tigib na kalungkutan
o pagpapak ng mani at tsitsaron
o ang paglilingkod sa sambayanan
habang naaalala ang maghapon

marahil, bawang, kamatis, sibuyas
o sa palakasan ay sipa't arnis
sa umaga, ehersisyo ay baras
sa gabi, anong dadalhin pag-alis

- gregoriovbituinjr.
05.08.2024

Martes, Mayo 7, 2024

Dumami ang matataba dahil sa kase-selpon

DUMAMI ANG MATATABA DAHIL SA KASE-SELPON

nakakagulat ba ang nasabing balita
dahil daw sa selpon, dumami ang mataba
baka maghapon sa selpon nakatunganga
kung sila'y nasa taas ay ayaw bumaba

marahil nga'y dahil masayang naglalaro
o nakatingin sa selpon nang nakaupo
ay di na nila mamalayan ang pagtayo
at sa kanilang selpon na nararahuyo

paano ba maiiwasang maging obis
maglakad-lakad, huwag tumambay sa opis
dapat iwasang magkakain ng matamis
upang maiwasan ding magka-diabetes

mataba'y dumami dahil sa kase-selpon
kalusugan n'yo'y huwag hayaang ganoon
kung nakahiga sa kase-selpon, bumangon
tunawin ang taba't maglakad-lakad ngayon

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, ika-5 ng Mayo 2024
* obis - sa ingles ay obese o sobrang mataba

Ayon kay Muhammad Ali

AYON KAY MUHAMMAD ALI

"Bakit ako pupunta ng Vietnam
upang kalabanin iyang Vietcong
di nila ako tinawag na hunghang
kaya di ako magtutungo roon."

"Di naman nila ako inaaway
at di ko rin sila mga kalaban..."
pag ipinadala, siya'y susuway
kapag pinilit ng pamahalaan

sabi ng dakilang Muhammad Ali
hinggil sa giyera ng Amerika
isipin mo, tama naman si Ali
kaya siya'y idolong aktibista

para sa kapayapaan ng mundo
para sa katarungang panlipunan
di lang sa boksing sa kanya'y saludo
kundi rin sa kanyang paninindigan

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* litrato mula sa Legends of Boxing page sa pespuk, ika-7 ng Mayo 2024

Tanaga sa baybayin

TANAGA SA BAYBAYIN
(sinubukan po ng inyong lingkod na sulatin sa baybayin ang sumusunod na tanaga)

pulitikong gahaman
ay bentador ng bayan
huwag pagtiwalaan
ng boto sa halalan

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* ang tanaga ay tulang katutubo na may isang saknong at may tugma at sukat na pitong pantig sa bawat taludtod

Pabalbal na ulat sa diyaryo

PABALBAL NA ULAT SA DIYARYO

balita: Kelot dinedbol sa haybol
salitang kalye, o kaya'y pabalbal
na minsan di mo agad maunawa
kung di ka sanay sa ganyang salita

ginamit sa tabloid na pahayagan
ganito talaga ang kahulugan:
Isang lalaki, pinatay sa bahay
unawa agad sa pamagat pa lang

sa ingles ay islang, salitang kalye
pagbaligtad ng salita ang siste
o kaya'y binuo ng isang pangkat
upang may sariling pagkakilanlan

ang Sino ba sila? - Nosi Ba Lasi
father ay erpat, kelot ay lalaki 
mother ay ermat, bebot ay babae
petmalu, malupit, idol ay lodi

dehins ka pa goli, ho-maba ka na
huwag kang epal, at wala kang werpa
hoy, may parak, baka mahulidap ka
kosa mo sa hoyo, umeskapo na

kung di mo maunawa, basahin mo
ang balitang nilatag sa diyaryo
nang sa gayon ay iyong mapagtanto
ang binalita ng tambay sa kanto

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-7 ng Mayo, 2024, pahina 3