Sabado, Enero 25, 2025

Tagas, tagis, tagos

TAGAS, TAGIS, TAGOS

hanapin kung saan may tagas
upang ito'y agad malutas
pag may tubig na lumalabas
presyo nito'y tiyak tataas

paghandaan ang pagtatagis
ng talino o kaya'y kalis
ang utak mo'y dapat mabilis
pati kilos nang di magahis

ang liwanag ay tumatagos
sa karimlang di pa nalubos
ramdam man ay panggigipuspos
ay patuloy pa ring kikilos

tagas, tagis, tagos, salita
yaong lubos kong naunawa
upang tula'y aking makatha
lalo't tumutulay sa diwa

- gregoriovbituinjr.
01.25.2025

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 12.16.2024, p.10

Biyernes, Enero 24, 2025

Pagsulat ng nadalumat

PAGSULAT NG NADALUMAT

laging abala ang aking diwa
nakaraan ay sinasariwa
kasalukuyan ay pulutgata
hinaharap ay bagong simula

paano babasahin ang isip
at isalansan ang nalilirip
may prinsipyong laging halukipkip
may dakilang walang kahulilip

ang ideya'y lalambi-lambitin
kung di sa bangin ay nasa hangin
minsan, nais ko itong liparin
at mga bituin pa'y sungkitin

abalang muli sa pagsusulat
ng naninilay, ng nadalumat
minsan, mga libro'y binubuklat
baka asam na diwa'y malambat

- gregoriovbituinjr.
01.25.2025

Huwebes, Enero 23, 2025

Pagninilay at pagsusulat

PAGNINILAY AT PAGSUSULAT

ngayon pa lang nagsisimula ang gabi sa akin
matapos ang maghapong pagninilay sa usapin
ano nga bang nasa dako roon ng takipsilim
upang mga paksa'y maisulat ko nang may talim

kayraming mga kwento't nakakalap na balita
na dapat mabatid ng masa, lalo't mga dukha
yaong inaasam na paninindigang dakila
ay dapat ipaglaban ng uring api't kawawa

anumang oras habang di pa ako inaantok
ay patuloy na kakatha kagatin man ng lamok
kayraming pangyayaring di mo talaga malunok
magbakasakali lang dukha'y ilagay sa tuktok

sana nobela'y makatha kahit may agam-agam
baka sa unang nobela pangalan ko'y kuminang
pag kumita ang nobela'y may pambayad ng utang
na ilang taon ding pagsisikapang mabayaran

- gregoriovbituinjr.
01.23.2025

Batang isang taon, nalunod sa timba

BATANG ISANG TAON, NALUNOD SA TIMBA

nakakaiyak, nakakagitla
nang mabasa ang isang balita
isang taong gulang lang na bata
yaong nalunod sa isang timba

biktima umano'y naglalaro
sa likod-bahay, ngunit naku po!
buhay niya'y kay-agang naglaho
pangarap sa kanya'y nagsiguho

nasabing bata'y napabayaan
habang magulang ay nag-agahan
timbang may tubig ang nilaruan
ng bata't siyang kinalunuran

kung ako ang ama'y anong sakit
na habambuhay kong mabibitbit
may pangarap pa ang aking paslit
ngunit nangyari'y sadyang kaylupit

- gregoriovbituinjr.
01.23.2025

* ulat mula sa mga pahayagang Abante at Bulgar, Enero 23, 2025, pahina 2

Miyerkules, Enero 22, 2025

Sali, salit, salita

SALI, SALIT, SALITA

sumasali ako sa pagtula
dahil iyan ang bisyo ko't gawa
salitan man ang mga salita
patuloy na kakatha't kakatha

madalas sa kisame tititig
nagbabakasakaling pumintig
ang mga salitang nakakabig
upang akin yaong isatinig

anumang paksa'y pagninilayan
isyu ng bata't kababaihan
hustisya't pantaong karapatan
manggagawa't ipinaglalaban

itayo'y lipunang makatao
bawat pakikibaka'y prinsipyo
sa bawat salita'y may diskurso
bawat usad ng pluma'y may kwento

- gregoriovbituinjr.
01.22.2025

Martes, Enero 21, 2025

Iras at agas-as

IRAS AT AGAS-AS

bagamat narinig ko na sa lalawigan
pag di ginagamit ay di na matandaan
may salitang sa krosword ko unang nalaman
palibhasa'y tanong na dapat masagutan

Siyam Pahalang - 'Paggawa ng asin': IRAS
sa Dalawampu't Tatlo Pababa: AGAS-AS
yaong 'Ingay ng hangin', buti't nawawatas
nitong diwa't wastong sagot ay nakakatas

IRAS at AGAS-AS, malalim na salita
na nang mabatid ay ginamit na sa tula
wala man ang talasalitaan kong sadya
ay nasagot pa rin ang hanap na kataga

kasi naman ay palaisipan ang hilig
pagmamasdan ang krosword, sadyang nakatitig
mata, diwa't pluma, walang galaw ang bibig
at pag nabuo animo'y nakapanlupig

- gregoriovbituinjr.
01.21.2025

* krosword mula sa Pilipino Star Ngayon, 12.16.2024, p.10

Sana'y wala nang EJK

SANA'Y WALA NANG EJK

sana, pag-salvage ay mawala na
at walang sinasalbahe sana
sana due process ay umiral pa
sana walang short cut sa hustisya

extrajudicial killings, itigil
paraang ganito'y mapaniil
pagkat due process ay sinusupil
sana ito'y tuluyang mapigil

sinuman ang maysala, kasuhan
at ikulong ang napatunayan
huwag idaan sa pamamaslang
pagkat lahat ay may karapatan

pairalin ang wastong proseso
at hanapin kung anong totoo
ang kriminal ay ikalaboso
ang inosente'y palayain mo

pairalin due process sa bansa
ngunit kung papatayin kang sadya
ng mga pusakal o sugapa
sarili'y ipagtanggol mong kusa

- gregoriovbituinjr.
01.21.2025