Huwebes, Oktubre 31, 2024

Kapitkamay

KAPITKAMAY

kapitkamay tayo, aking mahal
narito man tayo sa ospital
kapitkamay tayo, aking mahal
sana dito'y hindi na magtagal

makakaraos din tayo, sinta
walang iwanan at magkasama
huwag kang mawalan ng pag-asa
alam kong gagaling, gagaling ka

magpatuloy tayong kapitkamay
bagamat ikaw pa'y nakaratay
may solusyon din ang bawat bagay
at may mga kaibigang tunay

huwag mo akong alalahanin
anumang kaya'y aking gagawin
madaling araw ako na'y gising
upang paghandaan ang gagawin

- gregoriovbituinjr.
10.31.2024

Nilay sa madaling araw

NILAY SA MADALING ARAW

kalahating milyon ang surgery 
abot na ng isang milyon kami
di pa kasama yaong sa doktor
wala pang operasyon sa bukol

pultaym tulad ko'y saan kukuha
ng pambayad sa bill? ay, problema
ang ipon ko'y walang samporsyento
ng hospital bill na nakuha ko

problemang ito'y nakakaiyak
pagkat lansangan ay sobrang lubak
talagang sa luha nangingilid
lalo't naritong tigang ang bukid

di ko masabing pera lang iyan
kung said ang balong makukunan
may paraan pa sanang magawa
habang loob ay inihahanda

singkwenta mil pa lang ang nabayad 
subalit ngayon ay nilalakad
ang mga nakuhang dokumento
upang madala sa PCSO

ang bawat problema'y may solusyon
subalit kailangan na iyon
at kung may mahihiramang pilit
salamat, iyon na'y ihihirit

- gregoriovbituinjr.
10.31.2024

Martes, Oktubre 29, 2024

Paglalaba sa ospital

PAGLALABA SA OSPITAL

pampitong araw na namin ngayon
sa ospital sa silid na iyon
kaya naglaba kaninang hapon
ng mga baro, brief at pantalon

natapos ang operasyon niya
sa lapot ng dugo sa bituka
na dapat palabnawin talaga
upang daanan ay makahinga

susunod pa'y pangalwang pagtistis
sa mayoma niyang tinitiis
dahil doon, ako'y napatangis
pagtibok ng puso ko'y kaybilis

matapos labhan ay sinampay ko
inihanger sa loob ng banyo
upang matuyo ang mga ito
at nang may masuot pa rin dito

- gregoriovbituinjr.
10.29.2024

Misis - Ginang

MISIS - GINANG

dalawang krosword, iisang petsa
sa dalawang dyaryong magkaiba
Una Pababa doon sa una
at Una Pahalang sa isa pa

dalawang krosword, iisang tanong
na kayang sagutin ng marunong
tanong ay Misis, ano ang tugon
anim na titik at GINANG iyon

dalawang dyaryo kong sinagutan
nang si misis ay binabantayan
habang kami'y nasa pagamutan
matapos niyang maoperahan

krosword ay nasagutang malinis
habang nagpapagaling si misis
pagkat siya roon ay tinistis
sa sakit na kaytagal tiniis

- gregoriovbituinjr.
10.29.2024

* krosword na may petsang Oktubre 29, 2024 mula sa pahayagang Abante Tonite, p.7, at pahayagang Bulgar, p.13

Lunes, Oktubre 28, 2024

Sinta

SINTA

bagamat nasa ospital kita
alay ko ang buo kong suporta
upang gumaling ka, aking sinta
bagamat walang sapat na pera

panahon itong walang iwanan
tayo'y sabay na magtutulungan
nang makaraos sa pagamutan
at nang gumaling ka nang tuluyan

maraming turok pa't mga testing
sina Doc na sa iyo'y gagawin
aking sinta, ikaw na'y humimbing
habang ako'y kayraming gagawin

pambayad pa'y hahagilapin ko
pupuntahan din ang P.C.S.O.
o marahil mga pulitiko
nang gumaan ang gugulin dito

iidlip akong madaling araw
datapwat tutulog nang mababaw
sana'y may pambayad na lumitaw
gagawang paraan buong araw

- gregoriovbituinjr.
10.28.2024

* larawan mula sa pahayagang Bulgar, Oktubre 27, 2024, p.9

Work from ho(spital)

WORK FROM HO(spital)

imbes na work from home / ang lingkod ng masa
ay work from hospital / ang makatang aba
balita sa dyaryo'y / laging binabasa
paksa'y inaalam, / isyu ba'y ano na?

na bagamat puyat / sa tulog ay kulang
ay pilit susulat / ng paksang anuman
sa mga nakita / sa kapaligiran
sa mga naisip / kani-kanina lang

nagpaplano pa ring / isyu'y maihanda
para sa Taliba, / dyaryong maralita
nagbabalangkas na / upang di mawala
ang isyu't nangyaring / dapat mabalita

bantay sa ospital / sa sakit sakbibi
ang misis na doon / ay kanyang katabi
tuloy ang pagtula't / pagdidili-dili
susulat sa araw, / kakatha sa gabi

- gregoriovbituinjr.
10.28.2024

Linggo, Oktubre 27, 2024

Ang makata

ANG MAKATA

ako'y isang makata
para sa maralita
at uring manggagawa
na isa kong adhika

patuloy ang pagtula
dumaan man ang sigwa
ako'y laging tutula
di man laging tulala

maraming pinapaksa
tulad ng bagyo't baha
ang nasalantang madla't
natabunan ng lupa

inaalay ko'y tula
na madalas na paksa
ay manggagawa't dukha
kababaihan, bata

katarungan, paglaya
sa bagyo'y paghahanda
ang nagbabantang digma
sa ilang mga bansa

tungkulin ng makata
ang hustisya'y itula
ang burgesya'y matudla
at mais ay ilaga

- gregoriovbituinjr.
10.27.2024

* litrato mula sa app game na CrossWord