DALAWANG PINGGAN
naglatag ako ng dalawang pinggan sa lamesa
akala ko, sabay tayong kakain, di na pala
nakasanayan kasing kakain tayong dalawa
ngunit di ko na tinanggal ang isang pinggan, sinta
marahil, matagal pa bago ko paniwalaan
na talagang wala na tayong pinagsasaluhan
pag naulit, ilatag ko muli'y dalawang pinggan
paumanhin, mahal, kung naalala ka na naman
minsan nga, paborito mo ang aking nabibili
na madalas mong papakin, tayo nga'y nawiwili
mga kwento mo'y diringgin ko habang magkatabi
pagkaing di mo naubos, uubusin ko rini
magsasalo pa rin tayo, sa pagdating ng araw
at sabay tayong hihigop ng mainit na sabaw
habang mga diwata'y umaawit, sumasayaw
sa alapaap at sa iyo'y muling manliligaw
- gregoriovbituinjr.
07.03.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento