Linggo, Disyembre 25, 2011

Masaya ba ang Pasko mo? - sanaysay ni Jhuly Panday

Masaya ba ang Pasko mo?
ni Jhuly Panday

Pasko.

Abala na naman ang marami sa paghahanda sa taunang selebrasyon ng Pasko ng mga Kristiyano.

Makikita mo na ang mga palamuting nagbibigay ng liwanag sa mga lugar ng pasyalan at mga pailaw sa mga bahay ng mga mayayaman.

Maririnig mo na rin ang madalas na pagpapatugtog ng mga awiting may kinalaman sa pasko, mula sa mga estasyon sa radio hanggang sa mga naglalakihang mall.

Nariyan na rin ang pagsulpot ng ibat-ibang kalakal na ibinebenta para sa panahon ng kapaskuhan.

Dumaragsa na rin ang mga may pera sa ibat-ibang Christmas Bazaar upang mamili ng kanilang mga pangregalo at mga ihahanda sa araw ng pasko.

Sa mga bahay naman ng mga maralita ay makikita mo rin ang kanilang mga simpleng paggagayak mula sa maliit na parol na nasabit sa mga bintana ng kanilang mga barong-barong hanggang sa mga pailaw na bumabalot sa maliliit nilang mga Christmas Tree na gawa sa straw ng softdrinks o papel.

Ngunit hindi lahat ng mga maralita ay kaya ang ganitong paraan ng pagdiriwang ng pasko.

Marami sa mga kapatid nating kapos-palad ang pinalalagpas na lang ang araw ng pasko tulad na lang rin ng pagpapalagpas ng kanilang gutom sa araw-araw.

Marami sa ating mga kababayang maralita ang nagdiriwang ng pasko na kung kanilang tagurian ay “paskong tuyo.”

Komersiyalisasyon ng Pasko


Sa kasalukuyang sistema ng lipunan ay hindi mahirap makita ang malaking agwat ng iilang may kaya sa mas nakararaming mahirap.

Kahit sa panahon ng pasko na sinasabing ito ang panahon na kung saan ang lahat ay pantay, bumubulaga pa rin sa atin ang katotohanang walang pagkakapantay-pantay sa lipunang ito.

Sa kasalukuyang sistema ngayon ang pasko ay bahagi ng pagsasamantala ng mga kapitalista laban sa mas nakararaming mahihirap sa lipunan.

Ang pasko ang isa sa instrumento ng mga kapitalista upang lalong palaguin ang kanilang yaman gamit ang relihiyon.

Saksi ang kasaysayan kung paanong ginamit ng mga kapitalista ang relihiyon upang pagkakitaan na lalong nagdulot ng malaking agwat ng mayaman at mahirap.

Sila ang bumabaluktot sa isang paniniwalang Kristiyano na kung saan ang sinasabi nilang ipinagdiriwang na kapanganakan ay simbolo raw ng isang payak at walang garbong okasyon.

Ngunit makikita natin sa ating paligid na walang bahid ng pagiging payak o simple ang pagdiriwang ng pasko.

Maging ang mga simbahan ng mga relihiyong nagtuturo ng paniniwalang pasko ay sumisimbolo na rin ngayon sa isang pasko na pinaaandar ng komersiyalismo at hindi ng pananampalatayang Kristiyanismo.

Ang relihiyong Kristiyanismo ay naging bahagi na ng pagpapalaganap ng isang sistemang nakapundar sa pagkakamal ng yaman.

Maitutuwid lamang natin ang kabalintuaanang ito kung bubuwagin natin ang ugat ng pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa tao at paghahati-hati ng uri.

Ang pagbuwag lamang sa sistemang kapitalismo ang siyang magbibigay ng pagkakapantay-pantay sa lipunan.

Ang sistemang sosyalismo lamang ang siyang magbibigay ng mas makatotohanang pakahulugan ng pasko – ito ang paskong ipagdiriwang araw-araw dahil wala na ang pagsasamantala, wala na pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon, sistemang magluluwal ng isang lipunan na pantay at walang pagtatangi!

Gusto mo bang maging masaya ang pasko mo?

Halina at sama-sama nating isulong ang sistemang Sosyalismo!

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Disyembre 2011-Enero 2012, p. 17

Lunes, Disyembre 12, 2011

Mangarap at Kumilos - tula ni Ramon B. Miranda

MANGARAP AT KUMILOS
ni Ramon B. Miranda, Teachers Dignity Coalition

Nais mong maabot lipunang malaya
Ibig mong makamit kaginhawaan ng madla
Nangarap kang ang lupa’y ibigay sa timawa
At masaganang buhay para sa manggagawa.

Paano mo mararating ang pangarap na ito
Kung bulag ka sa nangyayari sa paligid mo
Tainga mo nama’y bingi sa karaingan ng tao
Di mo pinapansin ang kanilang pagsusumamo.

Pananaw mo sa buhay, bakit ba ganyan?
Nais mong tumulong ikaw nama’y nag-aalinlangan
Ikaw ba’y natatakot iyong karapata’y ipaglaban?
O iniisip mo lamang ang sarili mong kapakanan?

Kung sa dibdib mo’y takot ang namamahay
Pangarap mong lipunan di maipagtatagumpay
Kaya nakasalalay sa iyong mga kamay
Taos-pusong pakikilahok sa pakikibaka ng buhay.

Kaibigan halina’t mag-aral at mag-isip
Tayo nang bumangon sa pagkakaidlip
Karapatan natin kailangang masagip
Sa kuko ng mapagsamantala, gahaman at sipsip.

Sa sistemang bulok, huwag aksayahin
Itong kinabukasang tinataglay natin
Ang ating mga teorya’y dapat pagyamanin
Buhay ay gugulin sa magandang adhikain.

Gawaing pagmumulat ay mahirap talaga
Sanlaksang pilosopo sa iyo ay dadagsa
Kung magtitiyaga ka lamang sa pag-oorganisa
Hanay ay mabibigkis, lipunan ay lalaya.

Nasa pagkilos ang ating paglaya
Hindi sa pangarap at patunga-tunganga
Kung hindi ngayon, kailan pa
Kaya kilos na, baka masayang ka!

* Ang tulang ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Nobyembre-Disyembre 2011, p. 27.

Si John Lloyd at si Shaina - kwento ni Jhuly Panday

Si John Lloyd at si Shaina
ni Jhuly Panday

Papunta kaming airport ng girlfriend kong si Rose nang madaanan namin ang piket ng *PALEA, ang mga manggagawa ng PAL na ngayon ay nakakampo at nagproprotesta sa harap ng In-Flight Center ng PAL sa may Airport Road sa may Pasay City.

Napuna ko na may umpukan sa isang tabi nung piket, at napansin ko na naruon sa gitna ng umpukan si Shaina Magdayao at si John Lloyd Cruz. Napakunot ang aking noo sa aking nakita, anong ginagawa ng dalawa sa piket ng PALEA? Inaya ko si Rose na mag-usisa sa umpukan, pumara kami sa sinasakyan naming taxi at pinuntahan ang umpukang kinaroroonan nina John Lloyd at Shaina.

Hindi dahil sa artista sila kaya gusto kong maki-usyoso. Ang gusto kong alamin ay kung bakit sila nasa piket ng PALEA at kung ano ang kanilang ginagawa duon. May shooting ba o sila ay naliligaw at nagtatanong ng direksyon? Upang masagot ang mga tanong ko ay minabuti kong maki-tsismis. Pagdating namin sa umpukan ay inabutan namin na nagsasalita si Shaina habang ang mga manggagawa ng PAL ay seryosong nakikinig sa kanyang mga sinasabi.

“Hindi totoo na nalulugi ang PAL kaya’t nagdesisyon si Lucio Tan na i-outsource na lang ang serbisyong inyong ibinibigay sa PAL. Tubo at mas marami pang tubo ang dahilan ng pagkawala ng inyong regular na trabaho!”

Palakpakan at sigawan ang mga taong nakikinig. Natulala ako at hindi makapaniwala sa aking mga nakikita at naririnig. Pati si Rose nakita kong napanganga at tila nagulat rin sa kanyang namamalas. Nagpatuloy sa pagsasalita si Shaina.

“I understand why you are here protesting, I want you to know that we support what you are fighting for!”

Lalong lumakas ang palakpakan at sigawan ng mga tao na unti-unting nadaragdagan. Ngunit tulad ng inaasahan ko, may mga taong naroon hindi para pakinggan kung ano ang sinasabi ni Shaina at John Lloyd, andun sila upang “kodakan” ang mga artistang kanilang hinahangaan. Maririnig mo sa paligid kasabay ng palakpakan at sigawan ang mga tili ng mga kabataan at bulong-bulungan ng mga tinaguriang “uzi” o mga usisero.

“Eeeeeee! Si John Lloyd ang guwapo!”, tili ng mga kolehiyala.

“Putang ina pare! Ang ganda pala sa personal ni Shaina!” Bulalas ng isang lasing na lalaki sa kasamang tila naka-inom rin.

“Anak hawakan mo ang cellphone ko at kunan mo kami ni John Lloyd ng picture, post ko sa **FB.” Nagmamadaling utos ng isang nanay sa kanyang anak.

Mga tipikal na eksenang masasaksihan mo sa mga Pinoy tuwing makakakita ng artista. Ngunit iba itong pagkakataong ito, dahil ang mga sumunod na eksena at mga dayalogo ng taong nasa paligid ay lalong nagpamangha sa akin.

“Sorry po kung nagambala namin ang inyong programa.” Sabi ni John Lloyd, na sa mga oras na yun ay tumatagaktak na ang pawis. Ganun rin si Shaina, pinapawisan na rin ngunit nakukuha pa ring ngumiti.

“Nagdesisyon kami ni Shaina na pumunta dito upang ipakita ang aming pagsuporta sa inyong ipinaglalaban.” Pagpapatuloy ni John Lloyd.

“Nuong isang gabi napag-usapan namin ni Shaina ang tungkol sa inyong kaso, napagkuwentuhan namin yung nangyayari sa inyo at pareho kami ng naramdamang galit sa pagsasamantalang nararanasan ninyo ngayon.”

“We believe that you are being treated unfairly by PAL management, and what made the situation worse is when the government sided with those who are abusing you!”

Muling nagsigawan at nagpalakpakan ang mga tao. Dito ko napansin yung grupo ng kolehiyala na tumitili kanina na ngayon ay tahimik at seryosong nakikinig. Ganun rin yung magkumpare, itinataas pa ang kamay habang sumisigaw ng “Tama!” Si nanay naman walang tigil sa pagkuha ng larawan gamit ang kanyang cellphone, ngunit ang kanyang anak ay nakikisigaw at pumapalakpak kasabay ng mga manggagawa.

Iba pala ang epekto sa tao kung artista ang magsasalita ng ganung mga pahayag. Marahil kung manggagawa ng PAL ang nagsasalita ay baka nasa gimikan yung grupo ng mga kolehiyala, nasa inuman yung magkumpare, at yung mag-ina ay nasa bahay at nanunuod ng Will Time Big time ni Willie Revillame. Ngunit dahil artista ang nasa entablado, kahit na alam nilang kilos protesta yung pinuntahan nila ay andun sila at nakiki-usyoso. Mabuti na rin at kahit papaano ay nakapakinig sila ng mga pahayag na kung sa telebisyon at radyo nila maririnig ay hindi nila marahil pansinin dahil hindi naman kuwentong artista ang buhay ng mga manggagawa, at hindi kasing exciting ng laban ng Genebra o ni Pacquiao ang isyu ng PALEA.

“President Aquino should have sided with the Workers and not with Lucio Tan na ang intensyon lamang ay ang lalong magpayaman! Mas pinaniwalaan pa niya ang sinasabi ni Lucio Tan na nalulugi siya gayung siya ang second richest man dito sa Pilipinas!”

Ibinulong ko kay Rose na si Henry Sy ang pinakamayaman na may 7.2 Billion Dollars at pangalawa nga si Lucio Tan na may 2.8 Billion Dollars. Bilyong dolyares ang pinag-uusapang yaman dito at hindi piso.

“At hindi na dapat pinag-aaralan pa ni President Aquino kung dapat ngang ibasura ang contractualization, hindi siya ipinanganak kahapon upang hindi malaman na ang contractualization ay sagka sa karapatan ng mga manggagawa upang magkaroon ng katiyakan sa trabaho!”

“The people should know that you’re not asking for a wage increase, which I know the Filipino workers deserve to have, what you are fighting for is your right to keep your regular jobs! For 10 years you helped Lucio Tan recover his supposed loses by giving up your right for a ***CBA, and in return Lucio Tan and PNoy betrayed the working class!”, buong tapang na pahayag ni John Lloyd.

Dito pinansin ni Rose ang kakaibang John Lloyd, hindi na siya mukhang artista habang nagsasalita, “Isa na siyang Aktibista! Mas guwapo siya ngayon”, pahayag ni Rose.

At napansin ko na pati si nanay na nuong una ay panay lang ang kuha ng picture ay nakikisigaw na rin ngayon. Nakakabigla talaga ang mga pangyayari, hindi ko inaasahan ang ganung mga eksena. Hindi pumasok sa isip ko na ang tulad ni Shaina na pa-sweet at si John Lloyd na pa-cute sa mga pelikula ay makita ko sa isang picket at magsalita ng ganoong katalas.

Tanong tuloy ni Rose, “Ilang artista kaya ang ganyan?”

Ang tanong ko naman ay kung makikinig ba ang tao kung hindi artista ang magsasalita?

Marahil sa puntong ito ay sinasabi mo na sa sarili mo na inimbento ko lang ang kuwento na ito at walang katotohanan ang lahat ng sinasabi ko. Kung iyan ang iyong iniisip ay hindi mo marahil alam na ang kuwento sa likod ng aking kuwento ay TOTOO!

Mga katotohanan sa likod ng aking kuwento:

· Si Shaina at John Lloyd ay napapabalitang hiwalay na at ang posibleng dahilan ay pagseselos.

· Si Ruffa Gutierrez ang pinagseselosan ni Shaina.

· Himalang makita si Shaina at John Lloyd sa picket ng PALEA.

· Totoo na may picket ang PALEA.

· Totoo na pangalawa si Lucio Tan sa pinakamayang tao sa Pilipinas pangalawa kay Henry Sy.

· Totoo na 10 years pinagbigyan ng PALEA si Lucio Tan upang makabawi.

· Totoo na mahigit 3,000 ang tinanggalan ng regular employment ng PAL kapalit ang kontraktwal na trabaho.

· Totoo na kinampihan ni PNoy si Lucio Tan at hindi ang mga manggagawa.

*PALEA – Philippine Airlines Employees Association
**FB - Facebook
**CBA - Collective Bargaining Agreement

* Ang kwentong ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Nobyembre-Disyembre 2011, mp. 23-24

Linggo, Disyembre 11, 2011

Ang Huling Biyahe ni Margie - maikling kwento ni Ohyie Purificacion

ANG HULING BIYAHE NI MARGIEni Ohyie Purificacion

Sumisigaw sa takot si aling Loleng, habang inaawat ni tata Isko si Roman, “awat na, tantanan mo na asawa mo baka mapatay mo yan!” Galit na galit si Roman, nanlilisik ang mga mata, akmang susuntukin ang asawa ngunit itinulak siya ni tata Isko. Sakto naman dumating ang mga baranggay tanod na tinawag ng iba pang kapitbahay na naawa sa asawa ni Roman. Dinampot ng tatlong tanod si Roman, tinangka ni Roman lumaban ngunit pinalo siya ng batuta sa likod ng isa sa baranggay tanod. Dito parang nahimasmasan si Roman, umiyak ito at nagmakaawa sa baranggay tanod, “Boss di po ko lalaban, pasensya na po lasing lamang ako.. away po namin itong mag-asawa kaya wag na kayo makialam”. ’kanina ang tapang-tapang mo, ngayon para ka maamong tupa” galit na bulyaw ng tanod kay Roman, “sige bitbitin na to.” Agad dinaluhan ni aling Loleng ang asawa ni Roman, habang ang asawa nito si tata Isko ay nagpasalamat sa mga baranggay tanod at pinauwi na ang ilang kapitbahay

“Dun ka kaya muna sa amin Margie. kayo ng beybi mo”, puno ng pag-alala ang boses ni aling Loleng. Wag na po aling Loleng baka pati kayo pag-initan ni Roman, kilala nyo naman ang asawa ko wala kinikilala pag nakainom”, mahinang tugon ni Margie. Sumagot si tata Isko, “Ang sabihin mo talagang dimonyo yan si Roman! Sige, kami ay uuwi na nang makapahinga ka na rin”.

Nakaalis na ang mag-asawang matanda ngunit nanatiling nakaupo lamang si Margie. Maga ang mukha nito sa inabot na suntok mula sa asawang si Roman. Nararamdaman niya ang sakit ng sikmura niya dahil sa tadyak at sipa ng asawa Ngunit sanay na si Margie, hindi na siya dumadaing. Kunsabagay, wala siyang dadaingan, nasa malayong probinsya ang magulang niya at kapatid. Matagal nang wala siyang balita sa mga ito. At hindi rin naman ata siya hinahanap

Natatandaan niya, umalis siya ng Abra, ang probinsyang kinalakihan niya pagkatapos niya gumaradweyt ng elementary. Ayaw na siyang pag-aralin ng hayskul ng kanyang ama kahit marami ang nagsasabi na matalino siyang bata. Katunayan, marami siyang sabit ng medalya.

“May kausap na akong magsasama sa iyo sa Maynila. Tutal malaking bulas ka naman. Puwede ka na daw magtrabaho dun kahit kahera”, ito ang sabi ng kanyang ama. Umiyak siya ng gabing kinausap siya ng kanyang ama, tutol siya ngunit wala siyang magagawa sa desisyon ng kanyang ama, batas ang salita ni mang Anton sa loob ng kanilang tahanan. Dagdag pa rito ang pag-obliga sa kanya bilang panganay na tumulong sa pagpapalaki sa kanyang pito pang kapatid. Hindi uso ang family planning sa kanilang lugar, kayamanan daw ang maraming anak, ganun ang turo ng kanilang parokya.

Sa bus na sinasakyan ni Margie, katabi niya ang matabang babae na tadtad ng burloloy sa katawan, ito ang magsasama sa kanya sa Maynila. Habang bumibiyahe, nag-umpisang mangarap si Margie, mag-iipon siya upang maipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral, magpapadala siya ng pera sa kanyang magulang at kapatid at maiahon sa hirap ng buhay.

Estranghero ang pakiramdam ni Margie pagsapit nila ng Maynila. Maraming sasakyan na wala sa kanilang probinsya. Sanay siya makakita ng paragos na hila-hila ng kalabaw, dito siya sumasakay kapag maglalaba siya sa ilog. Napakaraming malalaking tindahan na maraming sabit na paninda. Sa kanilang lugar, dalawa lang ang tindahan. Mabibilang pa sa daliri ang mga tinda pero wala gaanong bumibili dahil walang pera ang mga tao. Napansin ni Margie ang malaking simbahan, akala niya ay palasyo. “Inosente ka talaga, simbahan ’yan, ito ang Quaipo” galit na sigaw sa kanya ng matabang babae na nakilala niya, Vicky ang pangalan.

Pasikot-sikot ang kanilang dinaanan, napakaraming tao, hanggang sumapit sila sa isang malaking tindahan, dagsa ang bumibili. Hindi mawari ni Margie kung anu-anong mga paninda ang naroon, may mga bilog na kulay puti. Nasa plastik at kulay brown na pahaba at pabilog. Hindi magkandatuto ang mga tindera sa pagbebenta sa customer. Hila-hila siya sa kamay ni Vicky papasok sa isang bodega, Dito siya iniwan ni Vicky. Dito nagsimula ang kalbaryo ni Margie.

“Hoy Margie, napakatanga mo talaga, mali itong binigay mo sa customer! Ang order niya ay sampung kilong squid balls hindi fishballs! Wala din sa listahan ang kikiam,” tila kakainin si Margie ng balyenang amo niyang si Mrs. Que, isang Filipino-Chinese. “Halika rito, ayusin mo itong mga order at mamaya hindi ka kakain ng hapunan”. Iba’t ibang parusa ang ipinapatikim ni Mrs. Que sa lahat ng mga tindera niyang nagkakamali na puro kababaihan at menor de idad. Ikinukulong sa mainit na bodega, ginugutom at nilalatigo. Hindi pinapasuweldo at tinatakot na ipapahuli sa pulis sa sandaling tumakas. Kakasuhan sila ng pagnanakaw.

Mahapdi ang sugat ni Margie sa likod, dahil nagkamali siya muli. Nahilo si Margie habang buhat niya ang isang kahon ng chicken balls. Nabitawan niya ang kahon at natapon lahat ang paninda. May isa pang natuklasan si Margie, ang asawa ni Mrs. Que ay pumapasok sa kanilang silid tulugan at may dalang patalim. Ginigising at tinutukan ng kutsilyo kung sinuman ang magustuhan. Inilalabas ng silid. Ang kaawa-awang kasama niya ay bumabalik na umiiyak at tulala.

Nahindik sila lahat nang isang umaga ay bumulaga sa kanila ang nakabitin na katawan ni Sol, may tali ng lubid ang leeg, ang isang kasama ni Margie na nakita niyang inilabas ng kuwarto ni Mr. Que.

Ngunit sa mag-asawang Que, balewala ang nangyari. Basta pinakuha na lang ang bangkay at wala na silang nabalitaan pa kay Sol.

“Kumuha tayo ng utusang lalaki kapalit ni Sol” giit ni Mrs. Que sa asawa niyang mukhang butete sa laki ng tiyan, Nagtatalo ang mag-asawa. “Ayoko!” galit na tutol ni Mr. Que. “Mas mainam ang babae, madaling takutin!”

Araw-araw, halos lahat sila sa tindahan ng mag-asawang Intsik ay nagdarasal na may dumating na magliligtas sa kanila. Takot din silang magsumbong sa pulis dahil kumpare ang mga ito ni Mr. Que.

Hanggang makilala ni Margie si Roman, isang pahinanteng nagdedeliber sa tindahan ng mga paninda. Tinulungan ni Roman si Margie na makatakas. Nagsama sila bilang mag-asawa.

Sa umpisa, naging maganda ang pagsasama nila ni Roman, ngunit nang lumaon, lumabas ang tunay na ugali ni Roman. Mahilig uminom ng alak si Roman, mapaghanap at mainitin ang ulo. Pakiramdam ni Margie, walang pinagkaiba si Roman sa mag-asawang intsik, nananakit kahit sa maliit na pagkakamali niya at sa tuwing hindi mapagbigyan ni Margie sa nais nito.

At kanina, nagalit si Roman dahil ayaw ni Margie tumabi at magsiping sila. Kapapanganak pa lamang ni Margie. Dalawang buwan pa lamang ang kanyang sanggol. Hindi pa nga niya ito napapatsek-up kahit sa health center sa kanilang baranggay. Bigla, nagulantang si Margie. Umiiyak si Mirasol. Tahimik na tumayo si Margie at kinarga ang bata. Tuloy-tuloy na lumabas ng kanilang barong-barong. Tahimik pa rin si Margie habang pangko niya si Mirasol. Ngunit sa isip niya nabuo ang isang desisyon.

Lumipas ang sampung taon, wala nang nakaalala kay Margie sa lugar na iniwan niya. Maliban kay aling Loleng at tata Isko na itunuring siyang parang anak. Nagulat na lamang ang mag-asawang pinahina na rin ng katandaan at kakapusan sa buhay nang may kumatok sa kanilang pinto. Isang magandang babae, kasama ang isang batang babae na masigla, malusog at matalino. Nagpakilala ang bisita ng mag-asawa. “Ako po si Margie. At ito ang aking anak. Nagtagumpay ako.”

- nalathala sa magasing ANG MASA, isyu ng Nobyembre-Disyembre 2011, mp. 22-23.