Martes, Agosto 21, 2012

Kahilingan ng Vendor - tula ni G. Ramon B. Miranda

 Kahilingan ng Vendor
ni Ramon B. Miranda

Trabaho namin ay simple at marangal,
Laging nasa kalye’t  pag-unlad mabagal.
Hindi nagsasawa pag benta’y matumal,
Upang mabuhay lang aming minamahal.

Ngunit ano itong nangyayari sa ‘min?
Buhay naming vendor laging patawirin.
Maliit ang kita’t maraming pasanin,
Kinukurakot pa aming kakainin.

Hanapbuhay namin  ay “eyesore” sa iba.
Kaya’t MMDA kami’y ginigiba.
Aming kabuhayan laging sinusuba,
Ng mga buwitreng  tila’y naglipana.

Ang ating gobyerno masyadong mahigpit,
Lalo na sa aming mga malilit.
Pag hindi tumigil sa panggigipit
Dugo’t pawis namin sa inyo’y sasapit.

* Si Ginoong Miranda ay isang guro sa Arellano High School sa Maynila, at aktibong opisyal ng Teachers Dignity Coalition (TDC)

Ang Vendor - tula ni G. Ramon B. Miranda

Ang Vendorni Ramon B. Miranda

Ang vendor sa kasaldahan
Naglilingkod sa mamamayan
Laman ng lansangan!

Laging lumalaban,
Sa bwitre at tulisang bayan.
Ang vendor ay maaasahan.

Kahit hinahabol,
Ang pagtiinda’y laging protektado.
Laging lumalaban!

Nagtungo sa MMDA.
Karainga’y kanilang ipinaalam
Ang vendor ay maaasahan.

Nagsulputan ang kapulisan
Hinanap ang vendor na lumalaban.
Laging nasa lansangan!

Makibaka! Huwag matakot! Ang sigawan.
Vendor ay tinakot, ang karapata’y ipinagpilitan.
Ang vendor ay maaasahan.
Laging lumalaban.

* Si Ginoong Miranda ay isang guro sa Arellano High School sa Maynila, at aktibong opisyal ng Teachers Dignity Coalition (TDC)

Word Cinquan Poem - tula ni G. Ramon B. Miranda

Word Cinquan Poem
ni Ramon B. Miranda

VENDOR
TAONG MASIPAG
NAGSISILBI SA MAMAMAYAN
KINAGIGILIWAN NG MGA MAMIMILI
NAGTITINDA

MMDA
TAONG GOBYERNO
NAGDEDEMOLISH NG TAHANAN
KINAIINISAN NG VENDOR
MARAHAS

SUKI
TAONG NAMIMILI
MAHILIG SIYANG TUMAWAD
KAIBIGAN NG MGA VENDOR
PARUKYANO

* Si Ginoong Miranda ay isang guro sa Arellano High School sa Maynila, at aktibong opisyal ng Teachers Dignity Coalition (TDC)

Miyerkules, Mayo 23, 2012

SI Hanna, si Lilly - maikling kwento ni Ohyie Purificacion

SI HANNA, SI LILLY
ni Ohyie Purificacion

Hindi pinapansin ni Hanna ang mga nakakasalubong niya sa daan. Karamihan ay mga babae na nakasuot na kulay puti at asul. Ito ang unipome ng samahan ng kababaihan sa simbahan. Kahit alam niya na siya ang sentro lagi ng bulungan ng bawat grupo na nilalampasan niya. Sanay na si Hanna sa mga tao na ang tingin sa kanya ay iba. “Hanna!”, si Lily, ang kababata at besprend ni Hanna. Hindi sana siya hihinto sa paglalakad kung hindi niya nakilala ang boses ni Lily na kasabay ng mga naglalakad patungo na simbahan. Nilapitan siya ni Lily at niyakap, “Musta na? Isang linggo ka ata nawala. Saan ka ba nagpunta?”, ramdam ni Hanna ang pag-aalala ng kaibigan. Ngumiti si Hanna kay Lily, “Sa Laguna, may mga guest kasi kaming mga Hapon. Gusto sa hotspring. Alam mo na” sabay tawa ng malakas ni Hanna.

Agad nilapitan si Lily ng kanyang tiyahin at hinila palayo kay Hanna.” O sige Hanna, kuwentuhan na lang tayo sa ibang araw ha,”habol ni Lily sa kaibigan. “Ok, ipagdasal mo na lang ako sa simbahan, ha!” Tumawa ulit si Hanna ng malakas. Wala siyang pakialam sa mga taong nakakarinig sa kanya, nasa kalsada siya at walang batas na nagbabawal na tumawa ng ganun.

Maagang naulila si Lily sa magulang, at ang kanyang tiyahin ang nagpalaki sa kanya. Mahigpit ang tiyahin ni Lily. Kailangan lagi siya sumunod sa mga utos nito, laging itinatanim sa ulo ni Lily na ang babae ay dapat pino ang kilos, marunong sa gawaing bahay, at may pananampalataya sa diyos, kung kaya obligasyon na ni Lily ang magsimba kada araw ng linggo at dumalo sa mga pagpupulong ng kung anu-anong aktibidad ng simbahan. Ito ang batayan ng tiyahin ni Lily ng pagiging isang mabuting babae.

Si Hanna ay lumaki na wala nang pamilya. Bata pa siya ng magkahiwalay ang kanyang mga magulang. Iniwan siya sa kanyang lola na namatay naman agad pagka-gradweyt niya ng grade six. Hindi na rin siya nagkainteres na hanapin pa ang kanyang nanay at tatay na alam niya ay meron na ring mga sariling pamillya.

Sa murang idad natutuhan na ni Hanna na buhayin ang sarili. Kung saan-saan siya namasukan bilang katulong, at maaga niyang naranasan ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kalagayan, pang-aabuso sa kanyang pagkababae, na hindi niya namalayan na nasadlak na siya sa gawaing nagbebenta ng sarili para kumita. Pero laging naroon si Lily na kahit pinapagalitan ng tiyahin sa pakikipagkaibigan sa kanya ay patuloy pa rin itong umaalalay at hindi nagsasawang ipakita sa kanya na maganda ang buhay.

“Alam mo, Lily, bilib din naman ako sa iyo. Halos lahat ng tao dito sa lugar natin ang tingin sa akin putik, maruming babae, pokpok. Pero ikaw, hindi ka nahihiya na makita at malaman ng mga tao na kasama mo ako” si Hanna, habang kumakain sila sa panciteria na malimit nilang puntahan para magkita. “Alam mo, bespren, kahit ano pa sabihin nila, kahit ano pa tingin ng tao sa iyo, kaibigan kita, kilala kita, at hindi ko malilimutan na ikaw ang lagi kong tagapagtanggol kapag inaaway ako ng nga kalaro natin noong mga bata pa tayo.” Ito ang malimit na litanya ni Lily kay Hanna sa tuwing mag-uusap sila tungkol sa imahe ni Hanna.

Tumawa ng malakas si Hanna. Sanay na si Lily sa kaibigan. Ugali na nito tumawa ng malakas para matakpan agad ang lungkot sa mga mata nito. Halos lahat ng kuwento sa buhay ni Hanna ay pinagkatiwala na sa kanya ng kaibigan – ang pagmamalupit kay Hanna ng naging amo nito nang pumasok na katulong sa mag-asawang intsik, ang panghahalay kay Hanna ng pinagkatiwalaan niyang ipapasok siya ng trabaho sa Maynila, ang unang pagbubugaw kay Hanna sa isang chief inspector daw ng pulis para daw may proteksyon kung sakaling makasuhan ng bagansya, ang mga luha ni Hanna sa tuwing lalaitin siya ng mga tao dahil sa kanyang trabaho, at isa ang tiyahin ni Lily, si aling Ilyang, sa nag-aakusa kay Hanna na masamang babae, na hindi niya maintindihan na ang isang taong simbahan ang nangunguna pa sa pagyurak sa pagkatao ng kaibigan. At ganundin ang mga tao sa gobyerno.

Malaking tanong kay Lily bakit sa napapanood niya sa TV, mga babae lamang ang hinuhuli at kinakasuhan. Hindi ba importante ang mga dahilan kung bakit ginagawa nila ang ganung trabaho, tulad ng kaibigan niyang si Hanna. Gusto lang naman ni Hanna mabuhay. At kung magsawa na ang kaibigan niya sa buhay at magpatiwakal ito, magagalit naman ang simbahan.

Sa tingin ni Lily kahit linggo-linggo siya nagsisimba, hindi rin naman kaya ng simbahan tuparin ang homily nila. Si Lily ang tanging taong pinagkakatiwalaan ni Hanna. Saksi si Hanna sa paraan ng pagdisiplina ng tiyahin ni Lily sa kanya, ang pagpaparusa sa tuwing magkakamali si Lily. Natatandaan pa ni Hanna, noong bata pa sila ni Lily, nakita niya ang malalaking pasa sa braso nito.

Sumbong sa kanya ni Lily, pinalo daw siya ng kahoy ng kanyang tiyahin dahil nahilaw ang kanyang sinaing. At minsan naman sugat-sugat ang tuhod ni Lily, dahil pinaluhod siya sa asin dahil hindi niya makabisado ang pagdarasal ng rosaryo. Pati ang mga isinusuot na damit ni Lily ay mismo ang kanyang tiyahin ang tumatahi para daw hindi sumunod si Lily sa mga usong damit ngayon ng kabataan. Ang pakikipagkaibigan na lang sa kanya ni Lily ang hindi kayang kontrolin ng tiyahin nito.

Masaya sina Hanna at Lily kapag magkasama. Lahat ng bagay sa buhay nila ay kanilang pinagkukwentuhan. Lumalabas ang tunay na Lily, na isang masayahin, mahilig magbiro at malambing na kaibigan, na kabaligtaran naman ni Hanna na laging seryoso, sentimental ngunit matapang na halata naman na inaral na lamang ni Hanna sa mga karanasan niya sa buhay.

Hindi namalayan ng dalawa na inabot na sila ng gabi sa panciteria. Sanay na ang may-ari nito, si aling Conching, sa kanilang dalawa na parang kaytagal na hindi nagkita kung magkwentuhan. Mabait si aling Conching, naiintindihan nito ang pagkakaibigan ng dalawa. Kung maari nga ay siya na ang kumupkop sa dalawang dalagitang ito.

Sakay ng traysikel ang dalawa na masaya pa ring nag-uusap, “Naku, Lily, tiyak hindi lamang sermon ang aabutin mo kay aling Ilyang”, ang tiyahin ni Lily. “Baka isang linggo kang hindi palalabasin ng bahay para magdasal ng paulit-ulit ng rosaryo bilang bayad sa kasalanan mo sa pagsama sa akin”, kantiyaw ni Hanna. “Sanay na ako, magsasawa din si Tiyang,” maigsing sagot ni Lily. “Uy, mukhang seryoso bespren ko, nagbibiro lang ako ha, para masaya,” bawi ni Hanna.

Naputol ang masayang kuwentuhan ng magkaibigan ng biglang may humarang sa sinasakyan nilang traysikel, “Pare, sa amin mo na ibaba ang dalawang dilag na yan.” Inakabayan ng isang lalaki ang drayber ng traysikel. Bigla ang rehistro ng takot kay Lily, samantalang nagtaray pa si Hanna, “Hoy, mga dimonyo kayo palampasin nyo kami!” Bigla may humaltak sa braso ni Hanna na nasa loob pa ng traysikel.

“Sige na baba na kayo!”, sigaw ng isang lalaki na naamoy agad ni Hanna na hindi lang sa alak kargado ang apat na lalaking humarang sa kanila. Niyakap agad ni Hanna si Lily na nanginginig sa takot. Lalo na ng iniwan na sila ng drayber ng traysikel na takot na takot sa baril na itinutok sa kanya ng lalaki.

“Mga mama, maawa po kayo sa amin, kung may masama po kayong binabalak, huwag nyo na pong ituloy. Matakot po kayo sa diyos.” Humahagulgol na si Lily.

Nagtawanan ang apat na kalalakihan na hawig ang mga hitsura sa mga kontrabida sa sine. “Sige madilim naman dito, hindi tayo makikita ng diyos. Ito ang gusto ko, mukhang virgin pa, pare!”, sigaw ng isang lalaki at bigla niyakap si Lily. Napasigaw si Lily sa sobrang takot. “Diyos ko tulungan mo kami!” “Bitiwan nyo ang kaibigan ko!” si Hanna, “Ako na lang, sanay ako sa pagpapaligaya ng lalaki. Trabaho ko ito kahit sabay-sabay pa kayo.” “Wow, ibang trip ito, mga pare”, binitiwan nila si Lily at sabay-sabay na dinaluhong si Hanna ng apat na lalaking tila mga baliw.

Napako sa pagkakatayo si Lily habang nakikita niya kung paano babuyin si Hanna ng mga halimaw, panay ang usal niya ng dasal, ilang ama namin at aba ginoong maria ang paulit-ulit niya binibigkas at umaasa si Lily na magkakaroon ng milagro at ililigtas sila ng kaibigan niya ng isang anghel na ipapadala ng diyos. Umaalingawngaw sa tenga ni Lily ang mga halakhak ng mga halimaw at ang pagdaing ni Hanna sa sakit ng pang-aabuso at pagluray sa kanya.

BANG! Putok ng baril na tumama sa likod ng isang lalaking nakaduhapang kay Hanna. At isa pang putok na sinundan pa ng maraming putok ng baril.

Bumulagta ang apat na lalaki sa harapan ni Hanna. Gimbal si Hanna. Si Lily na bakas ang poot sa mukha nito, hawak ang baril na kanina ay itinutok sa kanila ng isa sa apat na halimaw . Sinugod ng yakap ni Hanna si Lily. “Bespren, bespren. Wag ka matakot ha.” Nanginginig ang buong katawan ni Lily, ngunit makikita sa mata nito ang matinding galit. “Mga hayop sila! Dapat silang mamamatay!”

“Oo, tama ka, bespren, wala silang karapatang mabuhay dito sa mundo.” Pinayapa ni Hanna si Lily. “Umalis na tayo dito. Huwag kang matakot.”

Niyakap ni Hanna si Lily nang mahigpit, at nagsimula silang humakbang palayo sa lugar na yun, dahan-dahan, unti-unti.

Hanggang bumilis ang hakbang ng magkaibigan, patakbo, patakas sa madilim na lugar ng kanilang kalbaryo.

- nalathala sa magasing ANG MASA, isyu ng Abril-Mayo 2012, mp. 20-21.

Sabado, Abril 14, 2012

Kasaysayang Dikta - sanaysay ni Jhuly Panday

Kasaysayang Dikta
ni Jhuly Panday


Ngayong ika-9 ng Abril ay muli nating gugunitain ang Araw ng Kagitingan.

Gugunitain natin ang magiting na pakikipaglaban ng puwersang pinagsanib na sundalong Filipino at Amerikano mula sa mga Hapon.

Ang pagtatanggol ng pinagsanib na puwersang ito ang naging tampok nuong ika-9 ng Abril taong 1942 kung saan mahigit na 76,000 na sundalong Filipino at Amerikano ang sumuko sa bansang Hapon.

Ginugunita natin ang tinaguriang Death March na kung saan mahigit na 10,000 na sundalong Filipino at 600 na sundalong Amerikano ang namatay dahil sa gutom, sakit, at pagpapahirap ng mga Hapon.


Kasaysayang isinulat para kanino?

Hindi tinatawaran ng artikulong ito ang kagitingan at ang pagbubuwis ng buhay ng mga namatay na sundalo sa pagtatangkang ipagtanggol ang Pilipinas mula sa pananakop ng Imperyong Hapon.

Ang intensyon ng manunulat ay kuwestyunin ang pamantayang ginamit sa pagkakaroon ng espesyal na araw sa pagkilala sa mga kagitingan ng mga sundalong Filipino o ng mga puwersang Filipino na lumaban sa mga bansang mananakop gaya ng bansang Espanya, Amerika, at Hapon.

Nais ng artikulong ito na tanungin kung para kanino ba ang kasaysayan ng Pilipinas, ito ba ay para sa mga dayuhan o para sa mga Filipino na naghangad na makalaya mula sa kamay ng mga mananakop?

Halimbawa nito ay ang Death March o ang pagbagsak ng Bataan sa kamay ng mga Hapon kung saan mas naging tampok ang pagiging “manunubos” at “mapagpalayang” papel ng Amerika sa kasaysayan ng Pilipinas.

Mas naging tampok ang papel ng Amerika kaysa sa papel ng mga mandirigmang Filipino na kung saang simula pa nuong panahon ng pananakop ng Espanya ay lumalaban na at nagpatuloy na nilabanan ang mapanlinlang na papel ng Amerika sa ating paglaya mula sa kamay ng Espanya.

Dito makikita na kahit ang ating kasaysayan ay “supporting role” lamang ang mga Filipino at ang itinatampok parati na bida ay ang mga Amerikano.


Bida ang Pinoy

Ang pagbagsak ng Bataan sa kamay ng mga Hapon ay bunga ng desisyon ng puwersa ng mga Amerikano sa Rehiyong ito sa Asya na abandonahin ang depensa dito at pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng mas higit na importansya ang pagdepensa ng Australia.

Bakit hindi binibigyan ng puna ang desisyong ito ng pag-abandona sa atin na nagresulta sa tuluyang pagsuko at ang binibigyan ng importansya ay ang mala-telanobelang kuwento ng ”I shall return” ni McArthur?

Bakit hindi binigyan ng mas malaking puwang sa araling pangkasaysayan ang mga sundalong Filipino na mas piniling lumaban kaysa sa sumuko?

Bakit hindi nakilala ng mga Filipino na may isang katulad ni Juan Pajota ng Nueva Ecija na ipinagpatuloy ang laban tungo sa paglaya at naging malaki ang ambag sa pagpapalaya ng maraming POW nang muling bumalik sa bansa ang puwersa ng Amerika?

Bakit hindi binigyan ng parehong pagpapahalaga ang ginawa ng mga Filipinong Guerilla na mas malaki ang naging papel sa kasaysayan ng paglaya ng Pilipinas mula sa kamay ng mananakop na Hapon?


Bida ngunit kontrabida para sa Amerika

Ang kagitingan ng mga mandirigmang Filipino ay dapat lamang na bigyan ng parangal at katulad na espesyal na araw ng pagkilala.

Ngunit hindi ito mangyayari hangga’t ang ating kasaysayang nasusulat ay dikta ng mga dayuhan na nagnanais na burahin sa kasaysayan ang kanilang naging papel sa pagkakalugmok ng Pilipinas sa kamay ng mga imperyalistang bansa tulad nila.

Hindi magiging bayani sa mata ng bagong henerasyon ng mga Filipino ang mga tulad ni Macario Sakay hangga’t ang ating kasaysayan ay nakabatay sa kung ano ang gustong maisulat ng imperyalistang Amerika.

Hindi magiging bayani ang tulad ni Luis Taruc na hindi lamang ang mga pananakop ng Hapon ang nilabanan kundi pati ang makasariling interes ng imperyalistang Amerika.

Habang ang ating kasaysayan ay kasaysayang nakabatay sa interes ng mga dayuhan, ang ating kasarinlan at ang papel ng mga rebolusyonaryo o mandirigmang Filipino ay mananatiling nasa anino ng mga dayuhang interes.


Imperyalistang interes noon hanggang ngayon

Mula noon hanggang ngayon ay ang interes ng mga dayuhan ang siyang nagdidikta sa takbo ng ating buhay mula sa usaping pampulitika, ekonomiya, pati na ng ating kultura at kasaysayan.

Hindi maaasahang magbago ang kalagayang ito kung ating patuloy na paniniwalaan ang mapanlinlang na dikta ng mga dayuhan sa pagpapatakbo ng ating bansa.

Mamamalas natin sa kasalukuyang panahon na ang pananatili ng puwersang Amerikano sa ating bansa ay bunga lamang ng pagprotekta ng Amerika sa kanyang pansariling interes dito sa rehiyon.

Tulad nuon nang kanilang agawin ang ating panalo mula sa kamay ng Espanya at ikubli ito sa kasaysayan sa pamamagitan ng paghabi ng kuwento na ang kanilang dala ay diumano demokrasyang magbibigay sa atin ng kasaganahan at kapayapaan, ay ganun rin nila tayo ngayon nililinlang sa pamamagitan ng pagpupumilit na paniwalain tayo na ang kanilang presensya sa ating bansa ay para sa kapayapaan at proteksyon sa ating kasarinlan.

Patuloy na magiging sunud-sunuran lamang tayo sa mga kagustuhan ng mga dayuhan kung hindi natin babalikan at pagkukunan ng mahahalagang aral ang ating kasaysayan.

Makababalikwas lamang tayo sa kamay ng makasariling interes ng Amerika kung ating muling isusulat ang ating kasaysayan at ating kikilalanin at paparangalan ang naging ambag ng mga rebolusyunaryong Filipino sa patuloy na laban tungo sa tunay na kasarinlan.

* Ang artikulong ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Marso-Abril 2012, p. 9.

Lunes, Marso 12, 2012

Ang mundo ay triyanggulo - tula ni Ohyie Purificacion

ANG MUNDO AY TRIYANGGULO
ni Ohyie Purificacion


Kung sino ang kakaunti ang nasa tuktok…ang mas nakakarami ang nasa ibaba..

Ang marami na may sakit, nagsisiksikan sa charity ward..iisa pa ang doctor..

Habang ang isang mayaman, na kahit hindi pa malala ang sakit, ang kuwarto’y nakakalula sa laki, may medical team pa..

Pag namatay sa gutom ang marami, itinatago ang balita, pero pag isang mayaman ang nadedo

Nagkakagulo ang midya, nag-aagawan pa sa live coverage..

Ang maraming anak..nag-aagawan sa kakarampot na pagkain, wala pang kumportableng tulugan..

Pero ang nakatira sa mansion, ang daming pagkaing natatapon lamang sa basurahan..

Ang kuwartong tulugan, puwede nang tirahan ng isang pamilya..

Pag meron pa nagpakita ng titulo na sa kanya ang lupa..tirahan ng marami’y demolisyon agad..

Pero pag sa Forbes Park, Ayala Alabang, guwardyado na, may cctv camera pa..

Ang maraming estudyante sa public school, nagtitiis sa masikip na silid-aralan, sira-sirang upuan, punit-punit na libro

Pag minalas pa, sa ilalim na lang ng puno magleleksyon

Pero ang mga burgis sa Ateneo at La Salle, kakaunti na, naka-aircon pa, hatid-sunod ng yaya, naka-tsekot pa

Hay, ang mundo ay triyanggulo, kung sino ang kakaunti ang nasa tuktok, ang mas nakararami ang nasa ibaba..

Panahon na! Baligtarin ang triyanggulo! Gamitin na ang kapangyarihan ng masa, para sa uri, para sa tunay na pagbabago

* Ang tulang ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero-Marso 2012, p. 23.

BAGITO - sanaysay ni Jay Guevara

BAGITO
ni Jay Guevara


Saksi ang lipunan sa pagkilos at kamulatan ng kabataan. Saksi ang mga unibersidad, pamantasan, komunidad at ang gobyerno.

Kung tingnan nga lang ng lipunan sila'y salot, magulo at kung anu-ano pang negatibong bagay na sa tingin ko naman ay dahil na din sa iilang matitigas talaga ang ulo.

Ilang Lean Alejandro na ang kumilos at ang ilan pa nga ay tumanda na sa pakikialam at pagtugon sa kamalian sa sistema.

Totoo na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. pero sa aking pananaw hindi sa basehan ng pagpapaalipin sa inutil sa sistema bagkos sa pakikibaka para sa karapatan nila.

Malinaw na itinakda na ng kasalukuyang sistema na ang bagong sibol na henerasyon ay wala nang ibang kahihinatnan kundi ang maging alipin ng sistemang kapitalista.

Wala ng pag-asa para sa tinaguriang "pag-asa".

Sa halos tatlong dekada ko na inalagi sa mundo, wala pa akong narinig o nakita na ang isang kabataan na nagsusulong ng pagbabago ang sinuportahan ng estado. Ang palagian nilang sambit "Tumigil na kayo, sayang ang panahon at pinag-aralan nyo sa ginagawa nyo". Kung ako ang tatanungin, hindi sayang ang isang bagay kung makabubuti naman sa nakakararami.

Dalawampu’t anim na taon, nasaksihan ko ang maraming pagbabago, pisikal at mental sa lipunan. Nasaksihan ko na nagbago ang kulay ng gobyerno, itsura ng piso at ang lumalalang kalagayan ng pilipino.

Makailang palit na ng muka ang gobyerno, makailang palit na rin ng mga pangako. pero ni isa walang pabor sa mga uring mas higit na mas marami sa kanila. Di pa ba tayo sawa sa mga pangako nila at mga pambulag na mababangong kasinungalingan? Oras na siguro para kumilos para sa pagbabago.

Nasabi ko na ang mga bagay na to dahil noon pa man ay ramdam ko na ang mga tinuran ko. Galing ako sa isang tipikal na pamilya, noong panahon na hindi pa ako mulat sa tunay na kulay ng sistema, "ayos na ang buhay ko, sapat na at mabubuhay na ako sa ganito", ‘yan ang laging sambit ko.

2005 dumating ang pagkakataong maidilat ko ang mga mata kong binulag ng sistema. At di nagtagal isa na ako sa mga sinasabihan ng estado na "sayang daw ang buhay ko" sagot ko naman.. anong pakialam nyo..

Mabilis akong nakumbinsi na makiisa sa pakikibaka, kahit baguhan pinilit kong intindihin ang mundong pinili ko. Bagong mundo, bagong mga taong kailangang maging bahagi ng buhay ko.

Ilang taon ang lumipas, ilang mukha ng sistema ang ibinulalas, wala pa ding pagbabago, nananatili pa ding mangmang ang Pilipino. Mahirap tanggapin pero kailangang lunukin.

Panahon na para sa pagkilos, panahon na sa pagbatikos. Hindi kailangan ng armas, ang tanging kailangan ay ang natatangi nating gilas. Kumilos para sa nakakararami, talikdan ang turo ng sistemang mapang-api.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero-Marso 2012, p. 22.

Linggo, Marso 11, 2012

Hiwalayang PNoy at Grace Lee - ni Jhuly Panday

Hiwalayang PNoy at Grace Lee
ni Jhuly Panday


Pagkatapos ng hectic na schedule sa Malacañang ay sa wakas muli na namang makakasama ni PNoy ang kanyang kasintahang si Grace Lee.

Ika-10 ng gabi ang usapan nila at maaga siya ng sampung minuto sa kanilang napagkasunduang oras at tagpuan.

Tulad ng dati ay handa na ang lamesa para sa dalawa sa paborito nilang restoran, at tulad rin ng dati ay hindi na tumatanggap ng ibang kostumer ang nasabing restoran para na rin sa seguridad at upang magkaroon ng pribadong oras ang dalawa.

Habang naghihintay ay humingi ng babasahin si PNoy at nagbasa upang magpalipas ng oras.

Nakuha ang atensyon ni PNoy ng isang artikulo tungkol sa epekto ng outsourcing sa US. Hindi na ito bago sa kanya dahil bilang pinuno ng bansa ay updated siya sa mga pangyayari sa iba’t ibang sulok ng mundo.

Ngunit interesado siya sa usaping ito dahil alam niya na malaki ang magiging epekto ng pagbawi ng US sa lahat ng mga outsourced na trabaho ng Amerika, nangangahulugan kasi ito na maraming Filipino ang mawawalan ng trabaho.

Habang binabasa niya ang artikulo ay binulungan siya ng isa sa kanyang close-in security at sinabing dumating na raw ang kanyang kasintahan.

Itinigil na muna niya ang kanyang pagbabasa at inihanda ang sarili upang salubungin si Grace Lee.

“Good evening, my dear!” Salubong sa kanya ni Grace Lee.

“Good evening, sweetheart.” Tugon naman niya.

“What are we having tonight? I told you naman na let’s stay na lang sa place ko at ipagluluto kita eh.” Lambing ni Grace Lee.

“It’s a bit late para mag-change pa tayo ng plans. Promise, sa susunod we will eat sa place mo so I can taste your masarap na lutong bahay.” Siya namang lambing niya sa kanyang kasintahan.

“Tama na nga ang bolahan, I know gutom ka na at pagod sa trabaho, let us eat na.” Anyaya ni Grace Lee.

Tumakbo ang ilang minuto, masaya silang kumakain, nagtatawanan sa mga kuwento ng buong araw na pangyayari ng kani-kanilang mga buhay.

Ngunit nahalata ni Grace Lee na medyo matamlay si PNoy.

“Dear, what’s wrong? Matamlay ka ata, bakit?” Tanong ni Grace Lee.

“Kanina ko pa kasi iniisip yung problemang maaaring salubungin ng Pilipinas kung babawiin na ni Obama ang mga outsourced nilang trabaho sa Amerika. Kailangan nila ito upang maproteksyunan ang karapatan ng kanilang mamamayan sa kasiguraduhan sa trabaho.” Paliwanag ni PNoy.

“What’s bothering you then? Anong ikinatatakot mo kung magkaganoon nga ang mangyayari?” Tanong naman ni Grace Lee.

“Mangangahulugan ito ng kawalan ng trabaho sa marami nating kababayan na umaasa sa Business Process Outsourcing o yung tinatawag na BPO sector.” Patuloy na paliwanag ni PNoy.

“But I think mas mabuti na yung ganun, diba? Kasi mas kailangan naman talaga ng mga Filipino ay mga regular jobs with regular pay at mayroong mga benefits not like sa BPO sector na kung saan wala silang assurance sa kanilang jobs. I mean, para lang silang contractual na kailangang mag-renew ng contract every six months. And worst is, wala silang benefits kasi hindi naman required sa batas na ito ay ibigay sa kanila dahil hindi naman sila regular employees, diba tama ako?” Tanong ni Grace Lee sa kasintahan na medyo nagulantang sa pagiging updated ng kanyang kasintahan sa usapin ng outsourcing.

“But it is better to have contractuals kaysa sa mga unemployed, right? Isa pa, walang karapatang mamili ng trabaho ang mga Filipino dahil ito ang nais ng mga kumpanya at mga mamumuhunan, ang pagkakaroon ng employment flexibility upang madaling makabawi ang mga kapitalista sa inilabas nilang puhunan. Karapatan ng mga mamumuhunan na bawiin muna ang kanilang puhunan. At uulitin ko na, mas mabuti na ang maging kontraktwal kaysa sa mawalan ng trabaho.” Paliwanag ng medyo nagtataas na ng boses na PNoy.

“Don’t get me wrong dear, I know as president kailangan mong proteksyunan ang interes ng business sector, dahil sila ang magdadala ng trabaho at pera sa bansa. But do you think they already had more than what they deserve after all these years? Matagal na silang kumikita sa mababang pasahod dito sa Pilipinas. Pati ang buwis na kanilang binabayaran ay wala sa kalingkingan ng kinikita nila sa skills ng mga Filipino workers. And look what Obama wants to happen, gusto niya na bigyan ng proteksyon ang kanyang labor force samantalang tayo dito sa Pilipinas ay ibinebenta sa mas mababang halaga ang ating labor force. Don’t you think it’s stupid to question a move by Obama na naghahangad na bigyan ng proteksyon ang kanilang mga manggagawa, dapat pa nga kunan natin ito ng aral at paghandaan.” Patuloy ni Grace Lee.

Halatang medyo napipikon na si PNoy sa tinatakbo ng kanilang usapan ni Grace Lee.

Inaya na niya ang kasintahan na umuwi dahil gabi na.

Habang naglalakad papunta sa kanilang mga sasakyan ay humirit pa ng isa si Grace Lee.

“I think you should learn how to betray your own class para sa kapakanan ng Filipino working class. Hindi dapat nagpapatali sa leeg sa mga kagustuhan ng mga kapitalista dahil ang lahat ng kanilang gusto ay upang lalong humakot ng mas malaking tubo. It is all about corporate greed. It is time that the Government ay bigyan ng pagpapahalaga ang Filipino working class.” Seryosong pahayag ni Grace Lee.

“I do not understand what are you trying to tell me, pero itigil na muna natin itong usapan natin at hindi lang tayo magkakaintindihan.” Isa ring seryosong pahayag ni PNoy.

“I think we should not see each other muna. Maikling panahon pa lang tayo magka-relasyon pero nakikilala ko na kung para ka kanino. Hindi ka para sa akin, at lalong hindi ka para sa maralita at uring manggagawa.” Sabay lakad ng palayo diretso sa kanyang sasakyan si Grace Lee.

Kinabukasan ay laman na ng mga pahayagan ang hiwalayang PNoy at Grace Lee.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero-Marso 2012, mp. 20-21.

Si Violy - maikling kwento ni Ohyie Purificacion

Si Violy
ni Ohyie Purificacion

Maraming bumibili sa malaking tindahan, lahat ay nagmamadali kaya sumisingit ang ilan para maunang magsabi sa tindera ng kanilang bibilhin. Si Violy at ang isang anak na kanyang bitbit ay nasa isang sulok at tila naalangang magsabi sa mga tindera.

"Ate, ano ba bibilhin mo?" Nagulat pa si Violy sa pagtatanong ng tindera.

"Ah e.. mamaya na lang. Unahin mo muna sila." Napanatag ang loob ni Violy, mukhang mabait ang tinderang nakapansin sa kanya.

"O sige ate mag-isip ka na muna kung anong bibilhin mo, sagot ng tindera na ngumiti pa sa kanya. Maya-maya, si Violy na lang at ang kanyang anak na karga ang natira sa harap ng tindahan.

"O ano ate, ano bang bibilhin mo?" ang tindera uli na nagtanong sa kanya kanina.

Nahihiya si Violy na magsalita, ngayon lang siya nakalabas ng bahay para bumili sa tindahan. Nasanay si Violy na ang asawa niyang si Efren ang nag-uuwi sa bahay ng lahat ng kanilang pangangailangan. At kahit ang simpleng pakikipagkwentuhan sa kapitbahay ay hindi niya nagagawa. Bukod sa pinagbabawalan siya ni Efren, marami siyang ginagawa sa bahay. Kulang pa ang bente kuatro oras kung tutuusin sa dami ng gawaing bahay at pag-aalaga sa kanilang anim na anak. Drayber ng jeep ang trabaho ni Efren. Madalas gabi na ito umuuwi. Gusto ni Efren na gising pa si Violy pag dumarating siya ng bahay. Obligasyon niyang asikasuhin ang asawa, ito ang sabi ni efren sa kanya simula pa nang sila ay magsama bilang mag-asawa.

"Ako ang nakapantalon dito sa bahay, kaya lahat ng gusto ko masusunod, ako ang nagpapakain sa inyo!" Natatandaan nya, ito ang malimit sabihin sa kanya ni Efren. At kahit minsan hindi siya naabutan ng pera nito, pati mga baon sa eskwela ng mga bata ay si Efren ang nagbibigay. Minsan, sinubukan niyang humingi ng pera kay Efren.

"Aanuhin mo naman ang pera? Hindi ka naman marunong humawak nito!" bulyaw sa kanya ni Efren.

Nakaramdam si Violy ng pagkapahiya sa sarili, pero iwinaglit na lang kaagad ni Violy ang saloobin. Tutal si Efren naman ang nagtatrabaho. At siya, tanggap niya na ang trabaho niya ay asikasuhin ang buo niyang mag-anak. Hindi na mahalaga kay Violy kung ano ang gusto niya.

"Inay, sabi ng titser ko, may miting sa iskul ang mga nanay," si Kyla ang panganay na anak ni Violy. "Hayaan mo, sasabihin ko sa tatay mo. Si tatay naman gabi na umuuwi. Minsan madaling araw pa”, pagpapatuloy ni Kyla.

"Saka bakit ba lagi si tatay, hindi ka ba marunong umatend ng miting? saka sabi ng titser ko ang kailangan dun nanay."

Nataranta si Violy hindi alam ang isasagot sa anak. "Wala kasi akong maayos na damit anak, saka tingnan mo nga hitsura ng nanay mo bungi na payatot pa,” naisip na idahilan ni Violy kay Kyla.

"E ano naman ’nay, ang iba nga mga nanay ng mga klasmeyt ko ganyan din.. baka ayaw lang ni tatay na lumabas ka kasi siya may ayaw na makita ka ng mga tropa nya sa kanto na ang asaw niya ganyan ang hitsura. Mag-ayos ka kasi ng sarili mo, ’nay", sagot ni Kyla.

Matalino si Kyla, katunayan ito ang nangunguna sa kanilang klase.

"Paano ba ako makakalabas ng bahay, sa pag-aalaga ko na lang sa inyo kulang pa oras ko. Araw-araw, dami kong labahin. Sa kapatid mo ngang bunso, minsan ayaw pa magpababa laging umiiyak." Hindi pinansin ni Violy ang sinabi ni Kyla. Hindi na kumibo si Kyla, pero pakiramdam ni Violy, totoo ang sinasabi ng anak, pero paano ba niya mababago ang kanyang sitwasyon, sa umpisa pa lang naitali na siya ni Efren sa bahay.

Hatinggab,i nagulantang si Violy sa pagkakaidlip niya sa sopa sa loob ng kanilang bahay. Nagkakahulan ang mga aso. Bigla ang bukas ng pinto, si Efren na tila takot na takot. Kasunod ni Efren ang apat na armadong mga pulis. Sa loob ng kanilang bahay hinampas sa ulo ng puluhan ng baril si Efren, sabay posas sa mga kamay nito. Hindi makahuma si Violy, nahimasmasan lang siya ng umiyak na ang kanyang mga anak na nagising din at natakot sa nakitang pagdakip ng mga pulis kay Efren.

Si Kyla ”saan nyo dadalhin tatay ko?"

"Matagal nang wanted itong tatay nyo, holdaper ito. At marami na rin itong nabiktimang mga pasahero niya." Walang kagatol-gatol na sagot ng mga pulis.

"Kayo ba ang misis?" Sabay baling kay Violy ng isang pulis. "Sumunod kayo sa presinto."

"Sandali po mamang pulis, sasama ako baka kung saan nyo dalhin ang asawa ko." Nagmamadali si Violy sumunod sa mga pulis binilinan si Kyla na alagaan muna ang mga kapatid.

Nakulong si Efren. Walang sapat na halaga si Violy para sa piyensa nito. Wala siyang malalapitan para hingan ng tulong. Nakatulala si Violy sa loob ng kanilang bahay, wala pang pagkain ang kanyang mga anak, kung anu-anong naiisip ni Violy. Alam niya, mahina ang kanyang ulo na mag-isip, lagi nga siyang sinasabihan ni Efren ng "Tanga! Bobo!"

Pero kailangan niyang kumilos. Kailangan niyang buhayin ang kanyang mga anak. Nanay siya, ito ang pinapatatag ni Violy sa isip niya.

Si Kyla, "Nay, kaya natin ito, hindi ka mahina, malakas ka nga e.. kailangan mo lang magtiwala ka sa sarili mo, lumabas ka sa comfort zone mo." Hindi maintindihan ni Violy ang sinasabi ng anak na comfort zone, pero alam ni Violy sa isip niya ang gustong ipaunawa ni Kyla.

"Alam mo, ’nay, sabi ng titser ko, ako daw po ang balediktoryan, at ikaw ang magsasabit sa akin. O, di ba, masaya ’nay", pag-aalo ni Kyla sa ina. Naramdaman ni Violy na hindi pala siya nag-iisa, makakasama niya ang kanyang anak sa pagkilos para mabago ang kanyang buhay.

Tuwang-tuwa si Violy nang iabot sa kanya ang sobreng naglalaman ng kanyang sahod. Tinulungan siya ng titser ni Kyla na matanggap sa canteen ng eskwelahan. Masarap sa pakiramdam ni Violy na hawak niya ang bayad sa kanyang pinagpaguran. At mabuti na lamang mababait ang kanyang mga anak, nagtulong-tulong sila sa gawaing bahay, hati-hati sa trabaho. Nakatulong na rin si Kyla sa kanya, natuto si Kyla gumawa ng mga kendi na dinadala niya sa iskul.

Hawak ni Violy ang perang ipambibili niya ng pagkain, at ngayon pakiramdam niya, malaya na siya, buo na ang tiwala niya sa kanyang sarili. At mahigpit din ang hawak niya sa kanyang anak, ang nagpapatatag sa kanya bilang ina, bilang babae. Ngumiti siya sa tindera, Ang hiya niya kanina ay napalitan na ng lakas ng loob. At ito ang bago niyang hamon. 

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero-Marso 2012, mp. 21-22.

Lunes, Enero 23, 2012

Kuwentong Kahayupan sa Gubat - ni Jhuly Panday

Kuwentong Kahayupan sa Gubat
ni Jhuly Panday


Ilang daang taon na ang nakararaan, nakaranas ang mga hayop na nakatira dito sa ating kagubatan ng kahirapan sa buhay dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng halaga ng pagpapalitan ng mga produkto. Isang halimbawa nito ay ang palitan ng isang tumpok ng kamote na nuon ay kalahating baso ng gatas lamang ang katapat na halaga.

Ang masaklap nito ay ang anunsyo ng mga hayop na nagmamay-ari ng lupaing tinatamnan ng kamote na muli silang magtataas ng halaga dahil raw sa pagtaas ng presyo ng kamote sa ibang kagubatan ng mundo. Inihayag nila na magtatas sila mula kalahating baso sa dalawang baso ng gatas sa bawat isang tumpok ng kamote. Nangangahulugang magtataas sila ng isa't kalahating baso ng gatas sa bawat tumpok ng kamote.

Muling umugong sa buong kagubatan ang masamang balita na ito. Ngunit kahit anong angal ang gawin ng mga hayop ay wala silang magawa upang mapigilan ito. Halos lingo-linggo ang pagtaas ng halaga ng palitan ng mga pangunahing produkto. Nadidismaya na sila ngunit parang bingi ang mga may hawak ng merkado sa kanilang mga hinaing.

Narinig ng pinuno ng kagubatan ang balitang pagtaas ng halaga ng kamote, alam niya na kung hindi siya gagawa ng hakbang upang ito ay mapigilan siguradong mag-aalsa ang mga nasasakupan niya. Kinakabahan siya, kailangan niyang maka-isip ng solusyon sa madaling panahon!

"Ayos!" Sigaw ng pinunong hayop.

"May naisip na akong solusyon sa problemang ito!" Deklarasyon ng pinunong hayop.

"Ipatawag ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote!" Utos ng pinunong hayop sa mga hayop na kawal.

Ilang sandali pa ay dumating ang mga hayop na kawal kasama ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Paano ba natin magagawan ng paraang hindi mag-alsa ang mga hayop sa napipinto na namang pagtataas ninyo ng halaga ng kamote?" Tanong ng pinunong hayop sa mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Pinunong hayop, wala na kaming magagawa pa, malaki na ang nawawala sa aming kinikita. Kailangan naming bawiin ang nawalang kita namin." Sagot ng mga hayop na may control sa merkado ng kamote.

Nakangiting nakikinig ang pinunong hayop sa paliwanag ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote, parang hindi nababagabag sa sinasabi ng kanyang mga kaharap.

"May mungkahi ako sa inyo na magiging kapakipakinabang para sa akin at para na rin sa inyo." Sabi ng pinunong hayop.

Seryosong naghintay ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote sa ano mang sasabihin ng pinunong hayop, kapakipakinabang nga naman ito para sa kanila.

"Itaas ninyo ang halaga ng kamote ng tatlong baso ng gatas sa bawat isang tumpok!" Pahayag ng pinunong hayop.

Ano?" Gulat na biglang bulalas ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Eh di lalong nagalit ang mga hayop sa amin dahil sa sobrang pagtaas na iminumungkahi ninyo?" Dugtong ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Teka lang mga hayop na kaibigan ko." Buwelta ng pinunong hayop.

"Palalabasin nating kailangan ninyong itaas ng tatlong baso ang halaga ng palitan ng isang tumpok ng kamote, at ako naman ay magpapalabas ng isang anunsyo pagkatapos ninyong maipatupad ang pagtaas na ito. Makikiusap ako kunwari sa inyo na ibaba ng kalahati ang itinaas na halaga ng kamote. Nangangahulugan na ibaba ninyo ang halaga ng isa at kalahating baso, malaking pagbaba ito, di ba?" Paliwanag ng pinunong hayop.

Biglang napakamot ng baba ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote. Magandang ideya nga naman ito, lalabas na sila ay hindi gahaman dahil sila ay magbababa ng kalahating halaga ng kanilang produkto, at ang pinunong hayop naman ay lalabas ring bayani dahil nagawan niya ng solusyon ang problema ng mga nasasakupan.

Ilang araw pagkatapos ng pulong na iyon ay napatupad nila ang kanilang magandang balakin. Tumaas ng tatlong beses ang halaga ng palitan ng kamote at gatas.

At nangyari rin ang inaasahang paglabas ng mga hayop upang ikundina ang hindi makatwirang pagtataas ng halaga ng kamote.

Ngunit isang araw makaraan ang pagtaas na ito ay narinig ng buong kagubatan ang ginawang pakiusap ng pinunong hayop na kung maaari ay ibaba ang halaga ng palitan upang maibsan ang nararamdamang kahirapan ng kanyang mga nasasakupan.

Hindi pa natatapos ang araw ay ibinaba nga ang nasabing halaga ng palitan. Perpekto ang plano, napigilan ang paglaganap ng pag-aaklas ng mga hayop sa kagubatan.

Ayun ang akala nila.

Sa isang sulok ng kagubatan ay may mga hayop na nagpupulong at pinag-aaralan ang mga kaganapan sa buong kagubatan. Sila ang mga hayop na sukdulan na ang galit sa manipulasyong ginagawa ng pinunong hayop at ng ilang hayop na makapangyarihan. Hindi na nila mapalalagpas ang mga pang-uutong ginagawa ng mga naghaharing hayop

Kung hindi sila gagawa ng pagkilos, siguradong ang mga susunod na salinlahi ng mga hayop ay sasakmalin rin ng mga mapang-abuso at mapagsamantalang uri sa kagubatan.

Panahon na upang baguhin ang sistema, panahon na upang wakasan ang pagsasamantala sa kagubatan.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Enero-Pebrero 2012, p. 26.

Primitibo Komunal sa Lansangan - sanaysay ni Kokoy Gan

PRIMITIBO KOMUNAL SA LANSANGAN…
Nakikita mo ba sila?

ni Rowell “Kokoy” Gan
Deputy Secretary General, KPML-nasyunal


Pagala-gala, sama-samang nanginginain, pangangaso, walang pag-aari at mangmang. Iyan ang depinisyon ng unang tao noon - uncivilized people. Lagi nilang iniisip ang kapakanan ng kanilang tribu at kalikasan. Lahat ng pag-aari ay pag-aari ng lahat at lahat ng produksyon ay pantay pantay na pinaghahatian.

Madalas akong napapadaan sa lugar ng Escolta, sa kahabaan ng Rizal Avenue at Lawton, lagi kong napapansin ang mga taong nakatira sa lansangan o pulubi sa katawagan ng mga mayayaman. Sa tuwing sila ay aking nakikita, sila ay aking pinagmamasdan at pinagtagni-tagni ko ang kanilang mga ginagawa hanggang sa humulma at nabuo sa isip ko: ito ba ang mukha ng lipunang kapitalista? Alam ko na mayroon pang ibang ganito sa ibang lugar sa Pilipinas na kaparehas din nila. Bakit naging baliktad yata ang nangyayari? Kung sino pa ang mga dayuhan at iilang mga mayayaman ay sila pa ang may kontrol at kumakamal ng yaman ng ating bansa. Sila ang nagmamay-ari ng mga empresa, mga malaking lupain at mga pabrika. Kaya nilang mag-impluwensya sa pamamagitan ng kanilang yaman o pera. Kaya rin nilang pondohan at magpanalo ng kandidato kahit maging presidente para hawakan at papaboran ang kanilang gusto at para mapanatili ang kanilang yaman at para maproteksyonan ang kanilang mga interes. Ganito sila kagarapal. Oo, tao sa kapwa tao ang naglalaban. Bakit may iba silang oryentasyon? Ang magpayaman sa kabila ng maraming naghihirap.

Primitibo nga silang tingnan pero may kaibahan sila sa unang mga tao noon. Ang kaibahan noon ay may malalaking mga puno na naging proteksyon sa kalikasan, kanlungan ng mga hayop o pinipitasan ng mga bunga na kanilang makakain. Iyan ay wala na ngayon kasi tinayuan na ng mga malalaking gusali, wala ng lupang masasaka para tugunan ang kanilang pagkain, dahil pag-aari na ng iilan gaya ng mga panginoong may lupa o haciendero. Ang kanilang bahay ay kariton. Dito nila inilalagay ang kanilang mga gamit. Sama-sama silang nanginginain sa paghahalukay sa mga basurahan ng itinapong pagkain ng mga malalaking restaurant, nakatira sa mga condominium at mga sikat na subdivision. Gabi na, kailangan nilang i-safety ang kanilang mga katawan lalo na ang mga bata na kasama nila, tulak tulak ang kanilang kariton, sarado na ang mga establesimyento. Maghahanap sila ng malaking espasyo na kahit umulan man ay hindi sila mababasa. Ilalatag na nila ang mga dalang karton. Habang sila’y natutulog, kailangan may isang gising na magbabantay sa mga kasamahan nila. Baka nakawin ng sindikato ang kanilang mga sanggol na kasama nila ng mga sindikato para ibenta sa mga mayayaman na hindi nagkakaanak. Magliliwanag na, kailangan nilang lisanin ang lugar kase pagagalitan sila ng may-aring negosyante pag sila naabutan sa ginamit nilang lugar. Nabalitaan nila na may tagas ang isang tubo ng NAWASA, sama-sama nilang pupuntahan para labahan ang kanilang mga damit at isasabay ang paligo.

Nakakagigil... bakit may ganito dito sa ating bansa, sila ba ang biktima ng bulok na sistema?! ang sistemang kapital? Kung aking iisipin, iba-iba ang kanilang karanasan, tiyak ang karamihan sa kanila ay nademolis ang mga bahay, natanggal sa trabaho at biktima ng mga malulupit na patakaran na kontra maralita.

Baguhin natin ang sistemang ito! Sosyalismo! Walang mahirap at walang mayaman, walang mapang-aping uri, may pagkalinga ang gobyerno sa kanyang mamamayan, pantay na hatian, pantay na karapatan at libre ang mga serbisyong panlipunan, may sapat na kita at kaaya-aya at libreng pabahay. Kung ito ang sistema natin, tiyak wala tayong makikitang mga nakatira sa lansangan at naghihirap.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Enero-Pebrero 2012, p. 25.