Lunes, Marso 12, 2012

Ang mundo ay triyanggulo - tula ni Ohyie Purificacion

ANG MUNDO AY TRIYANGGULO
ni Ohyie Purificacion


Kung sino ang kakaunti ang nasa tuktok…ang mas nakakarami ang nasa ibaba..

Ang marami na may sakit, nagsisiksikan sa charity ward..iisa pa ang doctor..

Habang ang isang mayaman, na kahit hindi pa malala ang sakit, ang kuwarto’y nakakalula sa laki, may medical team pa..

Pag namatay sa gutom ang marami, itinatago ang balita, pero pag isang mayaman ang nadedo

Nagkakagulo ang midya, nag-aagawan pa sa live coverage..

Ang maraming anak..nag-aagawan sa kakarampot na pagkain, wala pang kumportableng tulugan..

Pero ang nakatira sa mansion, ang daming pagkaing natatapon lamang sa basurahan..

Ang kuwartong tulugan, puwede nang tirahan ng isang pamilya..

Pag meron pa nagpakita ng titulo na sa kanya ang lupa..tirahan ng marami’y demolisyon agad..

Pero pag sa Forbes Park, Ayala Alabang, guwardyado na, may cctv camera pa..

Ang maraming estudyante sa public school, nagtitiis sa masikip na silid-aralan, sira-sirang upuan, punit-punit na libro

Pag minalas pa, sa ilalim na lang ng puno magleleksyon

Pero ang mga burgis sa Ateneo at La Salle, kakaunti na, naka-aircon pa, hatid-sunod ng yaya, naka-tsekot pa

Hay, ang mundo ay triyanggulo, kung sino ang kakaunti ang nasa tuktok, ang mas nakararami ang nasa ibaba..

Panahon na! Baligtarin ang triyanggulo! Gamitin na ang kapangyarihan ng masa, para sa uri, para sa tunay na pagbabago

* Ang tulang ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero-Marso 2012, p. 23.

BAGITO - sanaysay ni Jay Guevara

BAGITO
ni Jay Guevara


Saksi ang lipunan sa pagkilos at kamulatan ng kabataan. Saksi ang mga unibersidad, pamantasan, komunidad at ang gobyerno.

Kung tingnan nga lang ng lipunan sila'y salot, magulo at kung anu-ano pang negatibong bagay na sa tingin ko naman ay dahil na din sa iilang matitigas talaga ang ulo.

Ilang Lean Alejandro na ang kumilos at ang ilan pa nga ay tumanda na sa pakikialam at pagtugon sa kamalian sa sistema.

Totoo na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. pero sa aking pananaw hindi sa basehan ng pagpapaalipin sa inutil sa sistema bagkos sa pakikibaka para sa karapatan nila.

Malinaw na itinakda na ng kasalukuyang sistema na ang bagong sibol na henerasyon ay wala nang ibang kahihinatnan kundi ang maging alipin ng sistemang kapitalista.

Wala ng pag-asa para sa tinaguriang "pag-asa".

Sa halos tatlong dekada ko na inalagi sa mundo, wala pa akong narinig o nakita na ang isang kabataan na nagsusulong ng pagbabago ang sinuportahan ng estado. Ang palagian nilang sambit "Tumigil na kayo, sayang ang panahon at pinag-aralan nyo sa ginagawa nyo". Kung ako ang tatanungin, hindi sayang ang isang bagay kung makabubuti naman sa nakakararami.

Dalawampu’t anim na taon, nasaksihan ko ang maraming pagbabago, pisikal at mental sa lipunan. Nasaksihan ko na nagbago ang kulay ng gobyerno, itsura ng piso at ang lumalalang kalagayan ng pilipino.

Makailang palit na ng muka ang gobyerno, makailang palit na rin ng mga pangako. pero ni isa walang pabor sa mga uring mas higit na mas marami sa kanila. Di pa ba tayo sawa sa mga pangako nila at mga pambulag na mababangong kasinungalingan? Oras na siguro para kumilos para sa pagbabago.

Nasabi ko na ang mga bagay na to dahil noon pa man ay ramdam ko na ang mga tinuran ko. Galing ako sa isang tipikal na pamilya, noong panahon na hindi pa ako mulat sa tunay na kulay ng sistema, "ayos na ang buhay ko, sapat na at mabubuhay na ako sa ganito", ‘yan ang laging sambit ko.

2005 dumating ang pagkakataong maidilat ko ang mga mata kong binulag ng sistema. At di nagtagal isa na ako sa mga sinasabihan ng estado na "sayang daw ang buhay ko" sagot ko naman.. anong pakialam nyo..

Mabilis akong nakumbinsi na makiisa sa pakikibaka, kahit baguhan pinilit kong intindihin ang mundong pinili ko. Bagong mundo, bagong mga taong kailangang maging bahagi ng buhay ko.

Ilang taon ang lumipas, ilang mukha ng sistema ang ibinulalas, wala pa ding pagbabago, nananatili pa ding mangmang ang Pilipino. Mahirap tanggapin pero kailangang lunukin.

Panahon na para sa pagkilos, panahon na sa pagbatikos. Hindi kailangan ng armas, ang tanging kailangan ay ang natatangi nating gilas. Kumilos para sa nakakararami, talikdan ang turo ng sistemang mapang-api.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero-Marso 2012, p. 22.

Linggo, Marso 11, 2012

Hiwalayang PNoy at Grace Lee - ni Jhuly Panday

Hiwalayang PNoy at Grace Lee
ni Jhuly Panday


Pagkatapos ng hectic na schedule sa MalacaƱang ay sa wakas muli na namang makakasama ni PNoy ang kanyang kasintahang si Grace Lee.

Ika-10 ng gabi ang usapan nila at maaga siya ng sampung minuto sa kanilang napagkasunduang oras at tagpuan.

Tulad ng dati ay handa na ang lamesa para sa dalawa sa paborito nilang restoran, at tulad rin ng dati ay hindi na tumatanggap ng ibang kostumer ang nasabing restoran para na rin sa seguridad at upang magkaroon ng pribadong oras ang dalawa.

Habang naghihintay ay humingi ng babasahin si PNoy at nagbasa upang magpalipas ng oras.

Nakuha ang atensyon ni PNoy ng isang artikulo tungkol sa epekto ng outsourcing sa US. Hindi na ito bago sa kanya dahil bilang pinuno ng bansa ay updated siya sa mga pangyayari sa iba’t ibang sulok ng mundo.

Ngunit interesado siya sa usaping ito dahil alam niya na malaki ang magiging epekto ng pagbawi ng US sa lahat ng mga outsourced na trabaho ng Amerika, nangangahulugan kasi ito na maraming Filipino ang mawawalan ng trabaho.

Habang binabasa niya ang artikulo ay binulungan siya ng isa sa kanyang close-in security at sinabing dumating na raw ang kanyang kasintahan.

Itinigil na muna niya ang kanyang pagbabasa at inihanda ang sarili upang salubungin si Grace Lee.

“Good evening, my dear!” Salubong sa kanya ni Grace Lee.

“Good evening, sweetheart.” Tugon naman niya.

“What are we having tonight? I told you naman na let’s stay na lang sa place ko at ipagluluto kita eh.” Lambing ni Grace Lee.

“It’s a bit late para mag-change pa tayo ng plans. Promise, sa susunod we will eat sa place mo so I can taste your masarap na lutong bahay.” Siya namang lambing niya sa kanyang kasintahan.

“Tama na nga ang bolahan, I know gutom ka na at pagod sa trabaho, let us eat na.” Anyaya ni Grace Lee.

Tumakbo ang ilang minuto, masaya silang kumakain, nagtatawanan sa mga kuwento ng buong araw na pangyayari ng kani-kanilang mga buhay.

Ngunit nahalata ni Grace Lee na medyo matamlay si PNoy.

“Dear, what’s wrong? Matamlay ka ata, bakit?” Tanong ni Grace Lee.

“Kanina ko pa kasi iniisip yung problemang maaaring salubungin ng Pilipinas kung babawiin na ni Obama ang mga outsourced nilang trabaho sa Amerika. Kailangan nila ito upang maproteksyunan ang karapatan ng kanilang mamamayan sa kasiguraduhan sa trabaho.” Paliwanag ni PNoy.

“What’s bothering you then? Anong ikinatatakot mo kung magkaganoon nga ang mangyayari?” Tanong naman ni Grace Lee.

“Mangangahulugan ito ng kawalan ng trabaho sa marami nating kababayan na umaasa sa Business Process Outsourcing o yung tinatawag na BPO sector.” Patuloy na paliwanag ni PNoy.

“But I think mas mabuti na yung ganun, diba? Kasi mas kailangan naman talaga ng mga Filipino ay mga regular jobs with regular pay at mayroong mga benefits not like sa BPO sector na kung saan wala silang assurance sa kanilang jobs. I mean, para lang silang contractual na kailangang mag-renew ng contract every six months. And worst is, wala silang benefits kasi hindi naman required sa batas na ito ay ibigay sa kanila dahil hindi naman sila regular employees, diba tama ako?” Tanong ni Grace Lee sa kasintahan na medyo nagulantang sa pagiging updated ng kanyang kasintahan sa usapin ng outsourcing.

“But it is better to have contractuals kaysa sa mga unemployed, right? Isa pa, walang karapatang mamili ng trabaho ang mga Filipino dahil ito ang nais ng mga kumpanya at mga mamumuhunan, ang pagkakaroon ng employment flexibility upang madaling makabawi ang mga kapitalista sa inilabas nilang puhunan. Karapatan ng mga mamumuhunan na bawiin muna ang kanilang puhunan. At uulitin ko na, mas mabuti na ang maging kontraktwal kaysa sa mawalan ng trabaho.” Paliwanag ng medyo nagtataas na ng boses na PNoy.

“Don’t get me wrong dear, I know as president kailangan mong proteksyunan ang interes ng business sector, dahil sila ang magdadala ng trabaho at pera sa bansa. But do you think they already had more than what they deserve after all these years? Matagal na silang kumikita sa mababang pasahod dito sa Pilipinas. Pati ang buwis na kanilang binabayaran ay wala sa kalingkingan ng kinikita nila sa skills ng mga Filipino workers. And look what Obama wants to happen, gusto niya na bigyan ng proteksyon ang kanyang labor force samantalang tayo dito sa Pilipinas ay ibinebenta sa mas mababang halaga ang ating labor force. Don’t you think it’s stupid to question a move by Obama na naghahangad na bigyan ng proteksyon ang kanilang mga manggagawa, dapat pa nga kunan natin ito ng aral at paghandaan.” Patuloy ni Grace Lee.

Halatang medyo napipikon na si PNoy sa tinatakbo ng kanilang usapan ni Grace Lee.

Inaya na niya ang kasintahan na umuwi dahil gabi na.

Habang naglalakad papunta sa kanilang mga sasakyan ay humirit pa ng isa si Grace Lee.

“I think you should learn how to betray your own class para sa kapakanan ng Filipino working class. Hindi dapat nagpapatali sa leeg sa mga kagustuhan ng mga kapitalista dahil ang lahat ng kanilang gusto ay upang lalong humakot ng mas malaking tubo. It is all about corporate greed. It is time that the Government ay bigyan ng pagpapahalaga ang Filipino working class.” Seryosong pahayag ni Grace Lee.

“I do not understand what are you trying to tell me, pero itigil na muna natin itong usapan natin at hindi lang tayo magkakaintindihan.” Isa ring seryosong pahayag ni PNoy.

“I think we should not see each other muna. Maikling panahon pa lang tayo magka-relasyon pero nakikilala ko na kung para ka kanino. Hindi ka para sa akin, at lalong hindi ka para sa maralita at uring manggagawa.” Sabay lakad ng palayo diretso sa kanyang sasakyan si Grace Lee.

Kinabukasan ay laman na ng mga pahayagan ang hiwalayang PNoy at Grace Lee.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero-Marso 2012, mp. 20-21.

Si Violy - maikling kwento ni Ohyie Purificacion

Si Violy
ni Ohyie Purificacion

Maraming bumibili sa malaking tindahan, lahat ay nagmamadali kaya sumisingit ang ilan para maunang magsabi sa tindera ng kanilang bibilhin. Si Violy at ang isang anak na kanyang bitbit ay nasa isang sulok at tila naalangang magsabi sa mga tindera.

"Ate, ano ba bibilhin mo?" Nagulat pa si Violy sa pagtatanong ng tindera.

"Ah e.. mamaya na lang. Unahin mo muna sila." Napanatag ang loob ni Violy, mukhang mabait ang tinderang nakapansin sa kanya.

"O sige ate mag-isip ka na muna kung anong bibilhin mo, sagot ng tindera na ngumiti pa sa kanya. Maya-maya, si Violy na lang at ang kanyang anak na karga ang natira sa harap ng tindahan.

"O ano ate, ano bang bibilhin mo?" ang tindera uli na nagtanong sa kanya kanina.

Nahihiya si Violy na magsalita, ngayon lang siya nakalabas ng bahay para bumili sa tindahan. Nasanay si Violy na ang asawa niyang si Efren ang nag-uuwi sa bahay ng lahat ng kanilang pangangailangan. At kahit ang simpleng pakikipagkwentuhan sa kapitbahay ay hindi niya nagagawa. Bukod sa pinagbabawalan siya ni Efren, marami siyang ginagawa sa bahay. Kulang pa ang bente kuatro oras kung tutuusin sa dami ng gawaing bahay at pag-aalaga sa kanilang anim na anak. Drayber ng jeep ang trabaho ni Efren. Madalas gabi na ito umuuwi. Gusto ni Efren na gising pa si Violy pag dumarating siya ng bahay. Obligasyon niyang asikasuhin ang asawa, ito ang sabi ni efren sa kanya simula pa nang sila ay magsama bilang mag-asawa.

"Ako ang nakapantalon dito sa bahay, kaya lahat ng gusto ko masusunod, ako ang nagpapakain sa inyo!" Natatandaan nya, ito ang malimit sabihin sa kanya ni Efren. At kahit minsan hindi siya naabutan ng pera nito, pati mga baon sa eskwela ng mga bata ay si Efren ang nagbibigay. Minsan, sinubukan niyang humingi ng pera kay Efren.

"Aanuhin mo naman ang pera? Hindi ka naman marunong humawak nito!" bulyaw sa kanya ni Efren.

Nakaramdam si Violy ng pagkapahiya sa sarili, pero iwinaglit na lang kaagad ni Violy ang saloobin. Tutal si Efren naman ang nagtatrabaho. At siya, tanggap niya na ang trabaho niya ay asikasuhin ang buo niyang mag-anak. Hindi na mahalaga kay Violy kung ano ang gusto niya.

"Inay, sabi ng titser ko, may miting sa iskul ang mga nanay," si Kyla ang panganay na anak ni Violy. "Hayaan mo, sasabihin ko sa tatay mo. Si tatay naman gabi na umuuwi. Minsan madaling araw pa”, pagpapatuloy ni Kyla.

"Saka bakit ba lagi si tatay, hindi ka ba marunong umatend ng miting? saka sabi ng titser ko ang kailangan dun nanay."

Nataranta si Violy hindi alam ang isasagot sa anak. "Wala kasi akong maayos na damit anak, saka tingnan mo nga hitsura ng nanay mo bungi na payatot pa,” naisip na idahilan ni Violy kay Kyla.

"E ano naman ’nay, ang iba nga mga nanay ng mga klasmeyt ko ganyan din.. baka ayaw lang ni tatay na lumabas ka kasi siya may ayaw na makita ka ng mga tropa nya sa kanto na ang asaw niya ganyan ang hitsura. Mag-ayos ka kasi ng sarili mo, ’nay", sagot ni Kyla.

Matalino si Kyla, katunayan ito ang nangunguna sa kanilang klase.

"Paano ba ako makakalabas ng bahay, sa pag-aalaga ko na lang sa inyo kulang pa oras ko. Araw-araw, dami kong labahin. Sa kapatid mo ngang bunso, minsan ayaw pa magpababa laging umiiyak." Hindi pinansin ni Violy ang sinabi ni Kyla. Hindi na kumibo si Kyla, pero pakiramdam ni Violy, totoo ang sinasabi ng anak, pero paano ba niya mababago ang kanyang sitwasyon, sa umpisa pa lang naitali na siya ni Efren sa bahay.

Hatinggab,i nagulantang si Violy sa pagkakaidlip niya sa sopa sa loob ng kanilang bahay. Nagkakahulan ang mga aso. Bigla ang bukas ng pinto, si Efren na tila takot na takot. Kasunod ni Efren ang apat na armadong mga pulis. Sa loob ng kanilang bahay hinampas sa ulo ng puluhan ng baril si Efren, sabay posas sa mga kamay nito. Hindi makahuma si Violy, nahimasmasan lang siya ng umiyak na ang kanyang mga anak na nagising din at natakot sa nakitang pagdakip ng mga pulis kay Efren.

Si Kyla ”saan nyo dadalhin tatay ko?"

"Matagal nang wanted itong tatay nyo, holdaper ito. At marami na rin itong nabiktimang mga pasahero niya." Walang kagatol-gatol na sagot ng mga pulis.

"Kayo ba ang misis?" Sabay baling kay Violy ng isang pulis. "Sumunod kayo sa presinto."

"Sandali po mamang pulis, sasama ako baka kung saan nyo dalhin ang asawa ko." Nagmamadali si Violy sumunod sa mga pulis binilinan si Kyla na alagaan muna ang mga kapatid.

Nakulong si Efren. Walang sapat na halaga si Violy para sa piyensa nito. Wala siyang malalapitan para hingan ng tulong. Nakatulala si Violy sa loob ng kanilang bahay, wala pang pagkain ang kanyang mga anak, kung anu-anong naiisip ni Violy. Alam niya, mahina ang kanyang ulo na mag-isip, lagi nga siyang sinasabihan ni Efren ng "Tanga! Bobo!"

Pero kailangan niyang kumilos. Kailangan niyang buhayin ang kanyang mga anak. Nanay siya, ito ang pinapatatag ni Violy sa isip niya.

Si Kyla, "Nay, kaya natin ito, hindi ka mahina, malakas ka nga e.. kailangan mo lang magtiwala ka sa sarili mo, lumabas ka sa comfort zone mo." Hindi maintindihan ni Violy ang sinasabi ng anak na comfort zone, pero alam ni Violy sa isip niya ang gustong ipaunawa ni Kyla.

"Alam mo, ’nay, sabi ng titser ko, ako daw po ang balediktoryan, at ikaw ang magsasabit sa akin. O, di ba, masaya ’nay", pag-aalo ni Kyla sa ina. Naramdaman ni Violy na hindi pala siya nag-iisa, makakasama niya ang kanyang anak sa pagkilos para mabago ang kanyang buhay.

Tuwang-tuwa si Violy nang iabot sa kanya ang sobreng naglalaman ng kanyang sahod. Tinulungan siya ng titser ni Kyla na matanggap sa canteen ng eskwelahan. Masarap sa pakiramdam ni Violy na hawak niya ang bayad sa kanyang pinagpaguran. At mabuti na lamang mababait ang kanyang mga anak, nagtulong-tulong sila sa gawaing bahay, hati-hati sa trabaho. Nakatulong na rin si Kyla sa kanya, natuto si Kyla gumawa ng mga kendi na dinadala niya sa iskul.

Hawak ni Violy ang perang ipambibili niya ng pagkain, at ngayon pakiramdam niya, malaya na siya, buo na ang tiwala niya sa kanyang sarili. At mahigpit din ang hawak niya sa kanyang anak, ang nagpapatatag sa kanya bilang ina, bilang babae. Ngumiti siya sa tindera, Ang hiya niya kanina ay napalitan na ng lakas ng loob. At ito ang bago niyang hamon. 

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa magasing Ang Masa, Pebrero-Marso 2012, mp. 21-22.